Inday TrendingInday Trending
Pinagbintangang Magnanakaw ng Babae ang Hindi Paboritong Anak, Laking Hiya Niya nang Malaman Kung Sino ang May Sala

Pinagbintangang Magnanakaw ng Babae ang Hindi Paboritong Anak, Laking Hiya Niya nang Malaman Kung Sino ang May Sala

Nakikipisan lang ang pamilya ni Rodelio sa kanyang inang si Mercelina. Kapwa may sari-sarili ng tirahan ang mga kapatid nito samantalang siya ay walang permanenteng bahay.

Sa apat na magkakapatid ay siya ang pinaka hindi paborito ng kanyang mga magulang. Ang kanyang nakatatandang kapatid na lalaki at ikalawa sa panganay na babae ang siyang kinalulugdan ng kanilang ina at yumaong ama kaya ginawa ng mga ito ang lahat maigapang lang ang mga kapatid sa pag-aaral samantalang siya ay hindi man lang nakatuntong sa kolehiyo. Mahina raw kasi ang kanyang ulo kaya tinamad ang mga magulang niya na pag-aralin siya.

Nang magkapamilya ay tanging siya lang ang hindi umasenso, di gaya ng mga kapatid na nakapag-abroad at may magagandang trabaho samantalang siya ay nagtatrabaho lamang bilang crew sa isang fastfood chain. Habang nasa poder ng kanyang ina ay ramdam ng pamilya ni Rodelio na may pinapaboran ito.

“Luisa, pakisabi sa mga anak mo na kapag gumagamit ng banyo ay linising mabuti ang inidoro, palaging nagrereklamo si Shery Mae na mabaho at madumi!” sigaw ng matanda sa asawa ni Rodelio. Ang tinutukoy nito ay ang pabiritong apo na anak ng kanyang panganay na babaeng si Solita.

“Opo, inay. Hayaan niyo at sasabihan ko,” mahinahong sabi ng babae.

Isang araw naman ay nahuli ni Mercelina na may kinakain ang mga anak ni Rodelio sa kusina. Napag-alaman nito na ang kinakain ng mga bata ay ang tinapay na binili niya para sa paboritong apo. Todo bulyaw na naman ang ginawa nito.

“Puwede ba, Luisa pagsabihan mo iyang mga anak mo, parang mga daga sa kusina na kumukuha ng pagkain na hindi naman sa kanila!”

“Ho? Pagpasensiyahan niyo na po ang mga bata. Pero ano naman po ang masama kung kumain sila, e mga apo niyo naman sila?”

“Basta! Pagsabihan mo ang mga iyan,” anito.

Hindi napigilang maglabas ng sama ng loob ni Luisa sa asawa nang dumating ito galing sa trabaho.

“Sumosobra na ang nanay mo, Rodelio. Palagi na lang niyang pinamumukha sa akin at sa mga anak mo na mayroon siyang pinapaboran. Mga apo niya sina Nigel at Nichele pero kung ituring niya ay ibang tao,” sumbong ng babae.

“Pagpasensiyahan mo na si nanay, ganoon lang talaga iyon. Hayaan mo at kakausapin ko na lang.”

Minsang naglalaro ang panganay ni Rodelio na si Nichele nang lapitan ito ng matanda at pagalitan.

“Nichele, kailan ka pa natutong mangupit?” anito sa galit na tono.

Nagulat ang bata sa sinabi ng kanyang lola.

“Po? Wala po akong kinukipit, lola!”

“Nagmamaang-maangan ka pa, e kayo lang naman ng kapatid mo ang palaging nasa kusina. Siguradong isa sa inyo ang kumuha ng pera ko na nakalagay sa ibabaw ng mesa.”

Maya-maya ay lumapit si Luisa nang marinig na pinagagalitan na naman ng biyenan ang anak.

“Inay, ano naman po ba ang problema?”

“Itong anak mo, nagsisinungaling pa, e siya naman ang kumuha ng pera ko sa mesa!”

“Hindi po magagawa ng mga anak ko ang ibinibintang niyo. At ano ang pruweba niyo na si Nichele nga ang kumuha?”

Hindi agad nakapagsalita ang matanda at sa sobrang inis ay umakyat na lang sa kuwarto.

“Anak, hindi ba talaga ikaw ang kumuha ng pera ng lola mo?” tanong niya sa anak.

“Hindi po inay!” sagot ng bata.

Ang akala ni Luisa ay dun na natatapos ang pangbibintang ng biyenan subalit isang pangyayari ang gugulat sa kanila.

“Nawawala ang mga alahas ko sa kuwarto!” sigaw ni Mercelina

Sa oras na iyon ay naroon ang bunsong anak nito na si Magnolia, dumalaw ito sa ina at mga pamangkin nang marinig ang pagsigaw ng ina.

“Inay, anong problema at bakit ka sumisigaw?” tanong ni Magnolia.

“Nawawala ang mga mamahalin kong alahas sa loob ng kuwarto ko!”

“Baka naman po naitago niyo lang kung saan.”

“Hindi, may nagnakaw ng mga alahas ko at kilala ko kung sino!”

“Sino po?”

“Ang Kuya Rodelio mo!” anito.

Nang marinig ni Rodelio at Luisa ang malakas na boses ng matanda ay dali-dali silang bumaba sa sala.

“Inay, bakit po kayo sumisigaw?” nag-aalalang tanong ni Rodelio.

“Hoy, ikaw ibalik mo ang mga alahas ko!”

Ipinagtaka ng lalaki kung ano ang tinutukoy ng ina at nang malaman kung ano iyon ay hindi ito makapaniwalang pagbibintangan siya ng sariling ina.

“Wala po akong ninanakaw na anuman sa inyo, inay.”

“Anong, wala e kitang-kita ko nung lumabas ka sa kuwarto ko nung nagdaang gabi!”

Nang may biglang maalala ang lalaki.

“Iyon po ba, ibinalik ko lang po sa kuwarto niyo ang hiniram kong kumot. Matapos kong ilapag sa kama ay lumabas na agad ako,” pahayag ng anak.

“Naku, hindi ako naniniwala! Basta ilabas mo ang mga alahas ko!” galit pa ring sabi ng ina.

“Inay, dahan-dahan po sa pagbibintang, kilala ko si Kuya at hindi niya magagawa ang sinasabi niyo,” wika ni Magnolia.

“Wala pong ninanakaw na anuman ang asawa ko,” sabad ni Luisa.

Mayamaya ay lumapit sa kanila si Shery Mae at may inamin.

“A-ako po ang kumuha ng mga alahas niyo, lola,” anito.

Laking gulat ng matanda na ang kanyang paboritong apo ang nagnakaw sa kanyang kuwarto.

“A-apo, ano’t ginawa mo iyon?”

Nagsimula na itong umiyak nang sabihin ang totoo.

“Nawala po kasi ang cell phone kong binighay ni Mama, nahihiya naman po akong magsabi sa inyo kaya naisipan kong kunin ang mga alahas niyo at isanla para may pambili ako ng bagong cell phone. Ako rin po ang kumuha ng pera niyo sa mesa nung nakaraang araw na idinagdag ko sa baon ko sa eskwela,” bunyag ng dalagita.

“Diyos ko! Ikaw rin ang kumuha ng pera?” gulat na wika ni Mercelina.

Sa labis na pagkapahiya ay humingi ng tawad kay Rodelio ang kanyang ina.

“Patawarin mo ako anak, pinagbintangan pa kita at ang aking apo,” anito sa mapagkumbabang tono.

“Kalimutan na natin, inay. Lahat naman tayo ay nagkakamali. Kailangan lang na matuto tayo sa pagkakamaling iyon!” makahulugan sabi ng lalaki.

“At ikaw, Shery Mae, may kaukulang parusa ang ginawa mong ito sa akin!”

Nabawi naman ng matanda ang mga isinanlang alahas at natuto na itong paghigpitan ang paboritong apo na dati ay sunod na sunod sa layaw.

Napagtanto ni Mercelina na kung sino pa ang pinapaboran at paborito niya ay siya pang gagawa ng hindi maganda sa kanya. At kung sino pa ang hindi niya paborito ay siyang nasa tama. Sa ginawang pag-amin ni Shery Mae ay nalinis ang pangalan ni Rodelio at ng kanyang pamilya.

Magmula noon ay itinigil na ni Mercelina ang pagkakaroon ng paborito. Naging pantay-pantay na ang pagtrato niya sa lahat ng kanyang mga anak at mga apo.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement