Itinataboy at Binubuhusan Pa ng Ihi ang Pulubi; Magiging Bayani Pa Pala ang Tingin Rito
Araw-araw na lamang nakatambay ang lalaking pulubi sa tapat ng panaderya ni Mang Lucas kaya labis niya itong kinaiinisan.
“Hoy, Pepe! Umalis-alis ka nga sa tapat ng panaderya ko at nakakaistorbo ka sa mga kustomer!” sigaw niya rito.
Ngunit kahit magsisigaw siya buong manghapon ay hindi siya pakikinggan ng lalaki dahil bingi ito. At dahil sa hindi madaan sa pakiusapan ay ang pagbubuhos dito ng ihi ang nakaugalian niyang gawin.
“O, ayan, maligo ka muna!” aniya saka ibunuhos sa pulubi ang ihi niya sa arinola .
Imbes na magalit ay magtatakbo lang si Pepe at maglalakad-lakad pagkatapos ay babalik rin sa dating puwesto kapag hindi na siya ang bantay. Bukod sa pagiging pipi at bingi ay may kakulangan din sa pag-iisip ang lalaki. Tuwing umaga lang naman nagbabantay si Mang Lucas sa kanyang panaderya, pagsapit ng tanghali hanggang gabi ay ang kanyang anak na babae na si Consuelo na ang bantay.
Mabait si Consuelo kay Pepe. Tuwing hapon ay binibigyan niya ito ng tinapay para may makain ito.
“Pepe, ito na ang pagkain mo oh,” malambing na sabi ng dalaga.
Tuwang-tuwa naman ito kapag nakakatanggap ng tinapay mula kay Consuelo.
Nang minsang mahuli ni Mang Lucas ang pagbibigay ni Consuelo ng tinapay kay Pepe ay agad nitong kinompronta ang anak.
“Palagi mo bang binigbigyan ng tinapay ang baliw na iyon?” tanong ng ama.
“O-opo itay, nakakaawa naman kasi si Pepe. Nakakaramdam din ng gutom iyong tao!”
“Ang sa akin lang, anak, ay mamimihasa ang baliw na Pepeng iyon na tumambay sa tapat ng panderya ko. Ayoko ko ngang naroon iyon dahil nakakaistorbo sa mga bumibili.”
“Pero, itay, wala naman ginagawang masama iyong tao. Tahimik lang naman siyang nakaupo sa isang tabi at kung minsan ay natutulog lang.”
“Basta, huwag ko nang makitang aabutan mo ng tinapay ang abnoy na iyon, Consuelo. Naiintindihan mo?”
“Masusunod po.”
Kinaumagahan ay nakita ni Consuelo ang pulubi na hindi mapakali at parang may iniindang kung ano. Hindi niya natiis na tanungin ang lalaki.
“Bakit, Pepe, may masakit ba sa iyo?”
Umiling lang ang lalaki at hinaplus-haplos ang tiyan na nangangahulugang gutom na ito.
Naalala ng dalaga ang sinabi ng kanyang ama na huwag itong bibigyan ng pagkain, ngunit hindi bato ang kanyang puso. Pumasok siya sa loob ng bahay at kumuha ng makakain at iniabot kay Pepe.
“Ubusin mo iyan, ha?” aniya.
Tumango naman ang lalaki at mabilis na kinain ang pagkaing bigay niya.
Nang sumapit ang hapon ay umakyat sandali sa kuwarto si Consuelo para magpahinga at humalili sa pagbabantay si Mang Lucas. Nagsalubong na naman ang mga kilay ng matandang lalaki nang makitang natutulog sa harap ng kanyang panaderya ang pulubi. Sa galit ay muling kinuha ni Mang Lucas ang kanyang arinola at ibinuhos ang lamang ihi kay Pepe.
Agad na nagising ang lalaki na nagtatakbo at nagtatalon sa kalsada.
“Put*ng i*a mo, huwag kang babalik dito!” galit na sigaw niya.
Pero kahit paulit-ulit niya itong ipagtabuyan at buhusan ng ihi ay bumabalik pa rin si Pepe sa kanyang puwesto at doon umuupo o natutulog.
May pagkakataon naman na wala ito at naglalaboy sa kung saan makarating, kaya masayang-masaya si Mang Lucas. Hindi niya nakikita ang gusgusing pulubi.
“Hay, salamat at hindi ako stress ngayon, anak,” anito.
“Bakit naman po itay?” tanong ni Consuelo.
“Nakikita mo ba, wala ang baliw na si Pepe kaya hindi umiinit ang ulo ko.”
“Kayo talaga, bakit kasi ang init ng dugo niyo kay Pepe. Kayo lang ang gumagawa ng ikaii-stress niyo.”
“Ewan ko ba, basta masaya ako at walang Pepeng baliw na nakatambay sa labas.”
Isang gabi, habang natutulog ang mag-ama ay may kahina-hinalang lalaking umaali-aligid sa kanilang bahay. Pilit nitong binubuksan ang pinto ngunit hindi ito nagtagumpay dahil agad itong sinugod ni Pepe na nagising sa pagkakatulog.
“Bitiwan mo ako, hayop kang baliw ka!” sigaw ng armadong lalaki.
Dahil sa ingay na narinig sa labas ay nagising ang mag-ama at lumabas ng bahay. Nakita nila si Pepe na nakikipagbuno sa lalaking naka-itim na jacket at nakamaskara ang mukha. Nang hindi na nito makontrol ang pagwawala ng pulubi ay inundayan ito ng saksak.
Nakita ni Consuelo ang pagsaksak ng lalaki kay Pepe.
“Pepe!” sigaw ng dalaga.
Duguang humandusay ang kawawang pulubi. Muntik nang makatakas ang armadong lalaki buti na lang at nagising ang mga kapitbahay at pinagtulungan itong bugbugin.
Napag-alaman nila na isa pa lang magnanakaw ang lalaki na nagtangkang pasukin ang kanilang bahay buti na lamang at nagising si Pepe na natutulog sa tapat ng panaderya at inatake ang magnanakaw. Isinugod naman sa ospital ang sugatang si Pepe, sinuwerte naman ang pulubi dahil hindi malubha ang sugat na natamo nito.
Nang makitang muli ni Mang Lucas si Pepe na nakatambay sa harap ng panaderya, imbes na itaboy at buhusan ng ihi ay siya na ang nag-abot dito ng tinapay na may kasama pang softdrinks.
“Pakabusog ka, Pepe, ha!”
Nginisihan lang siya ng lalaki saka kinain ang dala niyang tinapay.
Malaki ang pasasalamat ng mag-ama sa kabayanihang ginawa ni Pepe, kundi nito nakita ang magnanakaw ay baka kung ano na ang nangyari sa kanila ng gabing iyon.
Kaya bilang pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob, mula noon ay hindi na niya ito pinapaalis at itinataboy sa tapat ng kanyang panaderya. Sa halip ay pinagawan pa niya ito ng maliit na kubu-kubuhan na masisilungan nito.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!