Inday TrendingInday Trending
Napalapit ang Loob ng Kabit sa Anak ng Kanyang Nobyo, Ito Rin Pala ang Makapagbabago sa Kanya

Napalapit ang Loob ng Kabit sa Anak ng Kanyang Nobyo, Ito Rin Pala ang Makapagbabago sa Kanya

“Hello, Jaime? Narito na ako, matagal ka pa ba?”

“Parating na ako! Kaunting minuto na lang.”

Naiinip na si Noemi kahihintay sa kasintahang si Jaime. Napag-usapan nila na magkikita sila restaurant na itinext nito sa kanya.

Panay ang tingin niya sa wristwatch na suot. Nakita niya na mag-aalas onse na ng umaga. Bago dumating ang nobyo ay naisipan niya munang magpaganda. Naglagay siya ng kaunting make-up sa pisngi at pulang lipstick sa labi.

Maya-maya ay dumating na ang hinihintay niya. Huminto ang kulay asul na kotse sa labas ng restaurant at lumabas ang medyo may kapayatang lalaki, ngunit nagulat siya nang makitang may kasama itong batang babae na sa tantiya niya ay nasa edad pito hanggang walong taong gulang. Nakakapit ang mga kamay nito sa mga palad ng lalaking katagpo.

Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Noemi nang tawagin siya ni Jaime.

“Hi, Noemi, nainip ka ba?” tanong nito.

“H-hindi naman,” matipid niyang sagot.

Hindi niya inakala na may isasamang iba ang kasintahan.

“Nga pala, ito ang anak ko si Irene!” pakilala ng lalaki.

Napalunok si Noemi sa sinabi ni Jaime. Isinama pala nito ang anak na kapansin-pasin ang magandang kulay ng mga mata.

“Say hi to Tita Noemi, baby!”

“Hi po, Tita Noemi!” nakangiting sabi ng bata.

“H-hi, Irene! Nice to meet you! Ang ganda mong bata!” aniya.

Habang kumakain sila ay kinausap niya ang bata tungkol sa mga ginagawa at mga hilig nito. Kahit isang oras palang ang nakakalipas ay nakagaanan na niya ng loob ang bata dahil malambing ito at magalang kausap. Pakiramdam niya ay para na siyang ina rito.

Nang lumabas sila sa restaurant ay masayang nagpaalam kay Noemi ang bata.

“Bye bye po, Tita Noemi!”

“Bye, Irene! See you next time, baby!”

“Mauna na kami, Noemi! Text mo ako later ha?” wika ni Jaime.

“Of course, text kita later!”

Pag-uwi ni Noemi sa bahay ay agad niyang tinext ang nobyo.

“Good afternoon, babe! Kumusta si Irene? I like your daughter,” aniya sa text.

Agad namang nagreply ang lalaki.

“Hindi alam ni Florinda na isinama ko si Irene. Sinabi ko lang na ipapasyal ko ang bata. Hindi rin niya alam na may katagpo ako kanina,” anito sa text.

Biglang nalungkot si Noemi. Alam naman niyang may asawa si Jaime at may anak ngunit mahal na mahal niya ang lalaki. Kaya niyang makihati kahit pa tawagin siya na isang dakilang kabit.

Isang araw ay nakipagkita ulit sa kanya si Jaime kasama si Irene sa bahay niya. Tuwang-tuwa siya nang makita ang bata.

“Hi, Tita!”

“Kumusta ka, baby? Nag-bake ako ng chocolate cake kasi sabi ng daddy mo paborito mo raw iyon!”

“Yes, Tita. Favorite ko talaga ang chocolate cake!” anito.

‘Di nagtagal ay nagpaalam si Jaime na may pupuntahan lang sandali kaya iniwan muna nito sa kanya ang anak.

Habang dalawa na lang silang kumakain ng ibinake niyang cake ay tinanong niya ang bata.

“Baby, hindi ka ba naiinis kapag nakikipagkita sa akin ang daddy mo?” tanong niya rito.

Umiling si Irene.

“Hindi po Tita, bakit naman po ako maiinis?”

“E, kasi baka pagselosan ako ng mommy mo, e!”

“Hindi po, hindi magagalit si mommy kasi ‘di ba mag-bestfriend naman kayo ni daddy?”

“Oo nga, mag-bestfriend lang talaga kami ng daddy mo,” aniya sa malungkot na tono.

Alam naman kasi ni Noemi kung saan lulugar ang gaya niyang kabit.

“Mahal na mahal mo ba ang daddy?” tanong niya sa bata.

“Yes, Tita. I love daddy and I love mommy!” anito.

May kung anong kumurot sa kanyag kunsensiya sa sinabi ng bata.

“Ikaw din, mahal na mahal ka din ng daddy mo. Palagi niya iyong sinasabi sa akin.”

“Talaga, Tita? Kayo po ba mahal niyo din si daddy?” makahulugang tanong nito.

“O-oo naman, mahal ko ang daddy mo.. bilang kaibigan.”

Isang araw ay nakapagdesisyon na si Jaime na tuluyang iwan ang asawa para kay Noemi. Agad nitong tinawagan ang babae.

“Babe, hintayin mo ako at may good news ako sa iyo!”

“Ano naman iyon?”

“Basta malalaman mo rin!”

Mayamaya ang may tumatawag sa kanyang cell phone na hindi niya alam kung kanino ang numero.

“Sino kaya ito?’ tanong niya sa sarili.

Nang sagutin iyon ay nagulat siya kung sino ang tumatawag sa kanya.

“Hello, Tita Noemi?”

“Hello, Irene, bakit ka umiiyak?” nag-aalala niyang tanong.

“Si daddy at si mommy, nag-away! Iniwan na kami ni daddy. Sabi niya sasama na daw siya sa babaeng mahal niya, ayokong umalis siya, Tita!” wika ng bata habang umiiyak.

Nahabag si Noemi sa pag-iyak ni Irene. Napalapit na ang loob niya sa bata at ayaw niya itong nakikitang nasasaktan. Pakiramdam niya ay napakasama niyang tao dahil nakutuban na niyang siya ang dahilan ng pag-iwan ni Jaime sa pamilya nito.

Pagdating ng lalaki ay kinausap niya ito ng masinsinan.

“Jaime, hindi na tama itong ginagawa natin. May mga nasasaktan na tayo kaya itigil na natin ‘to!”

“Teka, babe kaya nga ako nagpunta dito dahil ikaw ang pinipili ko.”

“Sorry, pero ayokong makitang may masisirang pamilya dahil lamang sa kahibangan natin. Balikan mo ang pamilya mo, maawa ka kay Irene! Mahal na mahal ka ng anak mo!”

Walang ibang nasabi ang lalaki kundi buntong-hininga. Kakamot-kamot sa ulo itong lumabas sa kanyang bahay.

Pakiramdam ni Noemi ay nakalaya na siya. Nakalaya na siya sa isang huwad na relasyon. Mas pinili niya ang tama kaysa sundin ang kanyang puso na may masasaktan namang iba. Mas pinili niya ang magparaya dahil iyon ang alam niyang mas makakabuti sa lahat.

Nakipagbalikan si Jaime sa asawa at nabuong muli ang pamilya nito. Samantalang si Noemi ay patuloy na hinihintay ang tunay na pag-ibig na kanyang-kanya lang at wala siyang magiging kahati.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement