Kahit Magkahiwalay ang Mag-Asawa ay Magkasama Nilang Idinaos ang Birthday ng Anak, Nakakaiyak ang Wish ng Bata
“Letche ka talaga Bryan! Ang hina-hina mong dumiskarte sa buhay! Ngayon ka na nga lang umuwi e hindi mo pa mabigay ang bonggang 7th birthday party ng anak mo! Kaya tama lang talagang hiniwalayan kita!” saad ni Maricel sa dati nitong kinakasama na ama ng kaniyang anak, si Bryan.
“Mabuti nga naghiwalay tayo dahil sa sakit mo magsalita! Wag kang mag-alala, didiskartehan ko ‘yang birthday ni Shaina!” baling naman ni Bryan sa babae.
“Sabihin mo kaya tayo naghiwalay dahil hanggang ngayon ay hindi ka pa rin makahiwalay diyan sa saya ng nanay mo!” pahayag muli ni Maricel.
“Andyan na yung anak mo, manahimik ka na! Minsan ko na nga lang madalaw ang anak ko kaya itikom mo muna ‘yang bibig mo!” baling ni Bryan sa babae habang kumakaway sa anak nilang si Shaina na palabas na ng eskwelahan.
“Mamang! Papang! Perfect ang score ko sa exam namin o,” wika ng bata.
“Tsaka nga po pala tinatanong ng iba kong teacher kung maghahanda daw po ba tayo ngayong birthday ko, sabi ko po baka hindi,” dagdag pa ni Shaina sa mga magulang.
Sinipa ni Maricel ang paa ni Bryan para magsalita ito agad.
“Hindi anak, sabihin mo maghahanda tayo. Mag-gogown ka! Gusto mo ba yun?” tanong ni Bryan sa anak.
“May pera ba tayo pambili ng gown, papa? Wag na lang po ayos lang naman,” sagot ni Shaina sa ama.
“Naku, hindi anak! Maghahanda tayo! Di ba nakwento mo sa akin noong nakaraan na si Britney e nag-gown ni Elsa nung birthday niya, gusto mo rin ba si Elsa ang gown mo?” tanong ni Maricel sa anak habang naglalakad na sila pauwi ng bahay.
“Kung magga-gown ako mama, gusto ko po princess. Gusto ko lang naman magsuot ng crown tsaka mag blow ng candle!” nakangiting sagot ni Shaina sa kaniya.
Halos anim na taon din nagsama sina Bryan at Maricel bilang mag-asawa, nabiyayaan rin sila ng anak kaagad na si Shaina. Naging mailap ang pamilya ni Bryan kay Maricel dahil ayaw nila dito at sinulot lang raw ng babae ang anak nila mula doon sa dating nobya na siyang ka-close nila.
Sinubukan parin ni Maricel na manirahan sa bahay nila Bryan ngunit talagang hindi kinaya ng babae ang pang-aalipusta ng nanay nito lalo na noong nag-abroad ang asawa niya.
Bukod sa araw-araw na pagpaparinig nito sa kaniya ay hindi rin siya pinapatulog sa kama, sa sahig lamang sila pinapahiga ng nanay ni Bryan kahit maluwag pa naman ang kwarto ng mga kapatid ng lalaki sa itaas.
Hindi rin kay Maricel ang bagsak ng sahod ni Bryan kundi sa nanay nito at ibinibili lamang ng diaper at gatas ang anak nila, ni pambili ng napkin ay kailangan pa niyang hingiin sa biyenan. Kaya naman umalis na lang siya at bumalik sa sarili nyang pamilya at nagsimula nang makipaghiwalay kay Bryan.
Pinapili ni Maricel si Bryan ngunit nanay nito ang pinili ng lalaki. Hindi rin ito naniniwala sa pinagsasabi ni Maricel dahil mabait naman raw ang kaniyang ina at mahal na mahal niya iyon.
Ngayon ay dumadalaw na lang si Bryan sa bahay nila Maricel at kung minsan ay sinusundo ang bata sa eskwelahan at dadalhin saglit sa kaniyang pamilya, simula nang maghiwalay kasi ang dalawa ay hindi na pinayagan pa ni Maricel na patulugin doon ang anak.
Lumipas ang dalawang buwan at naipilit ni Maricel na mapaghandaan ang 7th birthday ng anak, simula kasi sanggol ito ay hindi pa nakakaranas ng party dahil kapos sila sa pera. Kaya ngayon na halos umabot sila ng 30,000 ay ayos lang kay Maricel kahit nga inutang niya lang ang panghanda dito dahil sampung libo lang ang ambag na naibigay ni Bryan.
“Anak, ito na ang korona mo o!” magiliw na saad ni Maricel sa anak habang isinusuot ito kay Shaina.
“Mama salamat ha! kasi alam ko na hirap ka para lang magkaroon ako ng crown, ikaw ang pinaka the best na mama sa buong mundo!” wika naman ng bata sabay yakap sa kaniyang ina.
Naluha agad si Maricel sa sinabi ng anak. Laking pasasalamat niyang lumaki ang bata na masipag mag-aral at magalang. Hindi rin ito nagtanong kahit minsan tungkol sa kanila ng kaniyang ama kung bakit hindi sila magkasama sa iisang bahay, iniisip na lang ni Maricel ay baka hindi pa naiintindihan iyon ni Shaina.
“Papa, salamat din po sa gown na ito! Isa akong princess!” saad naman ng bata sa kanyang ama at tsaka siya lumapit para yakapin din ito.
Kaya naman masaya nilang idinaos ang kaarawan ng bata, may pagkain, palaro at clown, masayang masaya si Maricel dahil kahit papano hindi niya naramdamang iba siya sa pamilya ni Bryan ng mga oras na iyon dahil napakababait ng mga ito at tinulungan siya sa pag-aasikaso sa lahat ng gawain.
“Ayan, tapos na natin ang mga birthday wishes ni mommy and daddy. Gusto naman nating marinig ngayon ang birthday wish ng ating celebrant,” saad ng clown sa mikropo at ibinigay ito kay Shaina.
Ngumiti ang bata at tumayo ito sa gitna, umikot muna siya na para bang isang tunay na prinsesa at saka yumuko habang hawak ang kaunting tela ng kaniyang damit.
Nakahanda na rin si Maricel sa kanyang telepono para kuhanan ang sasabihin ng anak, ito pa lang kasi ang unang beses niyang maririnig ang anak na hihiling at magsasalita sa maraming tao.
“Una po, thank you kay Papa Jesus kasi nagka-birthday ako. Tapos din po sa mga taong dumating para makikain ng handa namin,” saad ng bata.
“Parang matanda na siya magsalita ano? nakakatuwa naman sobrang matured ng bata!” bulong ng isang nanay sa likod ni Maricel at ngumiti lamang siya sa narinig, feeling proud ang babae.
“Dahil 7th birthday ko po, meron akong wish,”
“Una, sana mabayaran lahat ni mama ang utang namin para hindi ko siya lagi nakikita sa gabi nagbibilang ng pera na alam ko namang hindi kasya.
Pangalawa, sana po maging okay na si mama at papa ko. Palagi na lang kasi umiiyak ang mama ko sa gabi pag pinapatulog niya ako at sinasabi niyang mahal pa rin daw niya ang papa ko.
Pangatlo, papa, kung hindi mo na po love si mama, pwede bang wag ka muna mag girlfriend ulit? Kasi baka pag may iba ng girl sa buhay mo kalimutan mo na kami ni mama.
Pang-apat, sa mga lolo at lola ko sana hindi niyo na po laging awayin ang mama ko kasi hindi naman niya po kayo inaaway. Palagi nga pong sinasabi sa akin ni mama na love na love niyo daw ako, sana love niyo din ang mama ko.
Panglima, sana hindi na ako asarin sa school ng mga classmates ko at hindi na rin kami pag-usapan pa ni mama ng ibang mga mama doon.”
Umiiyak na si Maricel at nilingon niya si Bryan ay ganoon din ito, nagtinginan sila dahil gusto na nilang awatin ang bata.
“Pang anim naman po, sana lumaki na ako agad at magka-work para hindi na nahihirapan pa si mama sa akin. Para hindi na rin laging galit si papa kay mama. Sana lumaki na ako agad para wala na silang problema,” at hindi na naituloy pa ni Shaina ang kaniyang pang huling kahilingan dahil tumakbo na si Maricel sa anak at niyakap ito.
“Sobrang emotional naman ng ating celebrant! Ngayon lang kayo makakakita ng clown na umiiyak!” sigaw ng clown na mabilis na binuhay muli ang party dahil halos lahat nag-iiyak na.
Hindi lubos maisip ni Maricel nasa murang edad ni Shaina ay ganoon niyang nakikita ang problema nilang dating mag-asawa at hindi niya lubos akalain na nakikita pala nito ang mga paghihirap niya na pilit niyang itinatago rito.
“Anak mahal na mahal ka ni mama! wag mong isiping nahihirapan na ako sayo dahil habangbuhay akong magiging mama mo!” saad ni Maricel sa anak.
“Mama, hindi nyo po kailangan umiyak. Malaki na ako, big girl na rin ako kaya naiintindihan ko naman po. Kaya sana ang pinaka-wish kopo talaga ay magkaroon ako ng buong family!” yakap ni Shaina sa kaniyang ina at ama.
Simula noon ay nagkamabutihan muli si Bryan at Maricel. Naging mabait naman ang nanay ng lalaki sa mag-ina at malaki ang pinagbago ng lahat ng pakikitungo sa kaniya. Sa isip-isip niya ay anak pa pala niya ang magiging tulay para magka-ayos ang kanilang pamilya. Ngayon ay nagpakasal na sina Bryan at Maricel at matatag na nagsasama.