Inday TrendingInday Trending
Matagal nang Pinagdidiskitahan ng Bata ang Box ng Lolo Niya Ngunit Hinabilin Nitong Buksan Lamang Kapag Pumanaw na Siya

Matagal nang Pinagdidiskitahan ng Bata ang Box ng Lolo Niya Ngunit Hinabilin Nitong Buksan Lamang Kapag Pumanaw na Siya

Itinaas ni Marco ang laruang helicopter, maya maya pa ay sumulpot sa likod niya ang kanyang lolo na may dalang meryenda.

“Marco, kain na muna.” sabi ng matanda. Hindi ito intindi ng bata at tuloy lang sa paglalaro.

“Apo, halika na. Mamaya nandito na ang mommy at daddy mo tapos uuwi na kayo, halika na bonding na muna tayong dalawa,” nakangiting sabi nito.

Kahit makulit si Marco ay hindi nauubos ang pasensya ng matanda dito, anim na taon na ang nakalilipas nang pumanaw ang kanyang asawa at naiwan na lang siyang mag isa sa bahay na ito.

Wala siyang kasing lungkot, tila hulog naman ng langit at pagkalibing ng misis niya ay nanganak naman ang kanyang manugang, ibinigay sa kanya si Marco upang magkaroon ng panibagong liwanag ang malungkot niyang buhay. Simula nang dumating ang apo ay hindi na nawala ang ngiti sa mga labi niya.

“Lolo, ano’ng laman po ng box na yan?” turo ng bata sa kulay asul na box na nakapatong sa tabi ng litrato nito.

“Ah, yan ang pinakamahalagang bagay sa buhay ko.” sagot ng matanda.

“Pwedeng makita po?” pag uusisa ni Marco.

“Wag na muna ngayon, hindi ko matandaan kung nasaan ang susi eh.Pag naalala ko, ipapakita ko sayo.” sagot ng matanda.

Alam ni Marco na nasa lolo niya ang susi, sadyang ayaw lang nitong ipakita sa kanya ang laman ng box, hindi naman kasi ito ang unang beses na nagtanong siya tungkol doon.At habang tumatagal, lalo siyang nasasabik na matuklasan kung ano ba ang laman noon, minsan niya nang sinubukang buksan ang box pero sa kasamaang palad ay nakakandado iyon.

Mabilis na lumipas ang panahon, nagbinata si Marco at pinili niyang mag aral ng kolehiyo sa Maynila. Bihira na siyang makauwi sa kanila.Sa Maynila niya rin nakilala ang kanyang misis, at ngayong may isang anak na sila ay dito na sila nanirahan.

Isang gabi ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang ina.

“Anak, wala na ang lolo Met mo.” mahinang sabi nito. Bagamat nakaramdam ng lungkot si Marco ay natanggap niya agad na matanda na naman talaga ang kanyang lolo at parte iyon ng buhay.

“Sige, pupunta kami ni Julia bukas ma, isasama namin si Joko.” pangako niya sa kanyang ina.

Sila ang naging punong abala sa burol ng matanda at hanggang mailibing ito ay nanatili sila roon. Bago bumalik ng Maynila ay hiniling ni Marco sa kanyang ina na dalawin nila ang bahay ng kanyang lolo, sobrang tagal na ang lumipas nang makatuntong siya roon, maliit pa yata siya. Pagpasok nila ng pintuan ay parang bumalik sa nakaraan si Marco, tila pa hinila siyang pabalik ng panahon, kung saan maliit pa siya at naroon lang ang kanyang lolo na dinadalhan siya ng meryenda pagkatapos niyang maglaro.

Walang nagbago sa bahay, puwera lang sa isang bagay, nawawala ang box na pinaglalagyan ng ‘pinakamahalagang bagay’ sa buhay ng kanyang lolo, hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam kung ano ang laman noon.

Tila naintindihan naman ng kanyang ina ang pagtitig niya sa bakanteng mesa. Pumasok ito sa isa sa mga kwarto at kinuha ang box, iniabot nito iyon sa kanya pati ang susi, naguguluhang napatingin naman si Marco sa babae.

“Ibinilin sa akin ng lolo mo na ibigay yan sayo sakaling di mo na sya maabutan, di ko rin alam ang laman niyan.” sabi nito.

Agad na binuksan ni Marco ang laman noon, tumambad sa kanya ang isang orasan. Lumang gintong orasan, sa tabi noon ay may note na isinulat 25 years ago.

Apo ko, pinakamahalagang bagay sa buhay ko ay ang oras mo. Salamat sa laging pagbisita sa lolo, napapangiti mo ako.

Humigpit ang hawak ni Marco sa orasan kasabay ng pagpatak ng mga luha niya, ang oras pala niya ang pinakamahalagang bagay sa buhay ng matanda, at hindi niya iyon naibigay dito bago man lang ito pumanaw.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement