Kahit Mahal na Mahal ang Alaga ay Napilitang Umalis ang Matandang Yaya, Nakakaiyak Ang Kanyang Dahilan
Isinara ni Jill ang kanyang laptop, pagod na hinimas niya ang sentido at sumandal sa kanyang inuupuan. Pagsulyap niya sa orasan, 10:00pm. Tumayo na siya at naghanda para umuwi. Pagtapat ng kotse niya sa bahay nila ay napansin niyang patay na ang mga ilaw doon. Dahan-dahan siyang pumasok sa loob, dumaan muna siya sa kwarto ng anak na si Jairuz, 4 na taong gulang. Ito na ang nag-alaga sa anak niya simula nang ipanganak niya ang bata.
Mahimbing itong natutulog katabi ang matandang yaya na si Aling Cely. Paghiga ni Jill sa kama ay agad na hinili ng antok ang diwa niya.
“Yaya, ikaw muna ang sumama kay Jairuz sa Pedia niya, ipacheck up mo kasi hindi pa rin nawawala ang lagnat. Eto ang pera, marami akong meeting ngayon eh,” sabi niya sa matanda isang umaga.
“Ma’am hindi po kayo sasama? Nagmanya po kasi siyang maigi kahapon, hinahanap kayo.” sabi ng yaya.
Hindi naman nakaimik si Jill, ang mister niya ay busy ring magtrabaho. Hindi niya talaga pwedeng ipagpaliban ang meeting. Umalis na siya sa hapag kainan at pumasok na sa trabaho, tumawag sa kanya si Yaya Cely mga bandang tanghali at rinig na rinig niya ang iyak ng anak na hinahanap siya. Kumalma lang ito nang marinig ang kanyang boses sa telepono.
Mabuti na lang at humupa na ang lagnat ng bata matapos ang dalawang araw, pero nang akala ni Jill ay wala nang problema, kinausap sila ni Yaya Cely linggo ng gabi.
“Ma’am, Sir, maniwala po kayo wala akong reklamo sa inyo. Mabait po kayo pareho sa akin. Kahit si Jairuz po, napamahal na sa akin ang batang iyan,” naiiyak na sabi nito.
“Kung ganon Yaya, bakit ka aalis?” tanong ni Paolo, ang mister ni Jill. Hindi nila alam mag asawa kung sino ang papalit dito, tiyak na matatagalan sila sa paghahanap dahil wala na silang ibang kilalang mapagkakatiwalaan.
“Yaya, gusto mo ba ng increase? Kung bakasyon lang pwede ka naman naming payagan, basta bumalik ka lang.” pakiusap ni Jill.
“Ma’am para po ito kay Jairuz.” sabi nitong hindi na napigilan ang lumuha.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” sabay na tanong ng mag asawa.
“Hangga’t nandito po ako ay hindi ninyo siya bibigyan ng oras. Noong may sakit po ang bata ay awang awa ako dahil kayo ang hinahanap, paulit ulit ng mommy pero hindi po kayo makaabsent para sa anak ninyo, nakalimutan ninyo po na siya ang dahilan kaya kayo nagtatrabaho. Pero aanhin naman po ng bata ang materyal na bagay kung wala kayo, kayo ang gusto po niya ma’am. Hindi po habangbuhay bata si Jairuz, dadating ang araw na hindi na niya kayo kailangan kaya sulitin ninyo na po sana ang oras,” sabi nito.
Tila nagising naman si Jill sa sinabi ng matandang yaya. Humigpit ang hawak ng mister niya sa kanyang kamay at pareho nilang na-realize na nawawalan na nga sila ng oras para sa kanilang anak.
Kinabukasan din ay nagresign si Jill at nag-negosyo na lang. Tila naman ang bilis ng pasok ng swerte nang gawin niya kung ano ang tama. Mas umunlad ang buhay nila doon. Naibibigay na niya ang lahat ng pangangailangan ng bata, nagkaroon pa siya ng maraming oras para dito. Lumaki ang bata na malapit sa kanilang dalawa mag-asawa at napalaki nila itong mabuting tao at may takot sa Diyos.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.