Inday TrendingInday Trending
Walang Humpay na Pang-Aapi ang Nararanasan ng Binata; Isang Lihim na Kasunduan Pala ang Rason ng Kaniyang Pagtitiis

Walang Humpay na Pang-Aapi ang Nararanasan ng Binata; Isang Lihim na Kasunduan Pala ang Rason ng Kaniyang Pagtitiis

“Oy naaamoy niyo ba yun? Ang baho! Amoy mahirap,” maarteng sabi ni Mira sa mga kaklase sabay tapon ng mapanghusgang tingin sa kaklaseng si Melvin.

“Oo nga ‘no? Hoy Melvin, may tubig naman siguro kayo ‘no? Naligo ka ba?” gatong naman ng isa nilang kaklase.

Sabay-sabay namang nagtawanan silang lahat maliban sa binata. Isang iskolar si Melvin sa isang kilalang paaralan kung saan puro mayayaman lamang ang nakakapasok.

Siya lamang ang namumukod tanging anak mahirap na nakapasok sa paaralang iyon. Kung siguro ay hindi siya nanguna sa entrance exam at na-perfect ang lahat ng exams na ibinigay sa kaniya ng paaralan ay malamang hindi siya magagawaran ng scholarship.

May isang malaking rason kung bakit pinilit na makapasok ni Melvin sa paaralang iyon kahit na alam niyang hindi siya nararapat sa lugar na iyon. May isang tao siyang gustong makita at makasama. Kaya kahit na nahihirapan man dahil sa labis na pang-aaping nararanasan ay tinitiis niya ito.

“Mira, tingnan mo, rank 1 na naman yung hampaslupa. Natalo ka na naman niya,” balita ng isang maarteng babae kay Mira habang tinuturo ang papel na nakapaskin sa bulletin board. Katatapos lang kasi ng exams nila.

Namula ang mukha ng dalaga sa pagpipigil ng galit. Natalo na naman siya ng mahirap na ‘yun. Tiningnan niya ng masama ang nakapaskin sa bulletin board bago umalis ng masama ang loob.

Si Mira kasi ang nag-iisang anak ng may-ari ng paaralang iyon, kaya naman masasabing siya ang batas doon. Lahat ay takot sa kaniya kaya naman nagagawa ng dalaga ang lahat ng naisin nito.

Pero sa lahat ng estudyante doon ay isa lamang ang pinakaiinisan ng dalaga. Ang nag-iisang dukha sa kanilang paaralan, si Melvin Ramirez.

Magmula noong entrance exam hanggang sa araw na iyon ay hindi niya pa natatalo ang binata sa kahit anong pagsusulit. Simula nang dumating ito ay parati na lamang siyang nasa pangalawa na nais namang nagpapairita sa dalaga. Yun ang dahilan kaya mainit ang dugo ni Mira sa binata.

“Hanggang ngayon ba ay hindi mo pa rin matanggap si Mira?” tanong ng ama ni Mira sa kaniyang ina.

“Sinubukan ko naman pero sa tuwing nakikita ko ang batang iyon ay naaalala kong minsan mo akong pinagtaksilan dahil lamang sa hindi kita mabigyan ng anak. Alam mo ba kung gaano kasakit iyon para sa isang babae, ha?” madamdaming sagot ng ginang sa asawa.

Napatungo na lamang si Mira at dahan-dahang umakyat patungo sa kaniyang kwarto upang hindi siya mapansin ng mga magulang niya.

Anak si Mira sa ibang babae ng kaniyang ama. Hindi nakilala ng dalaga ang kaniyang tunay na ina dahil pagka panganak pa lamang sa kaniya ay kinuha at dinala na siya agad ng ama sa bahay na iyon. Nalaman niya ang masaklap na katotohanan noong minsang nadulas ang kaniyang tiya noong bata pa siya.

Hindi naman nagkulang sa kaniya ang kaniyang ama at hindi rin naman siya kailanman inalipusta ng asawa nito. Sa katunayan para kay Mira ay ito na ang kaniyang ina. Sa kaniyang alalala ay ito lamang ang babaeng naging ina sa kaniya. Kaya ginagawa ng dalaga ang lahat para mahalin siya ng ginang.

Ngunit kahit na anong gawin niya ay para bang kulang pa rin ito sa ginang. Hindi pa rin siya nito matanggap ng lubusan. Kaya naman ginagawa niya ang lahat para siya ang pinakamagaling sa lahat, baka sakaling pag sa ganun ay mahalin at tanggapin na siya ng kinikilalang ina.

Ngunit dahil nga sa dukhang iyon ay parati na lamang siyang pangalawa, ito ang dahilan kung bakit labis labis ang inis niya sa binata. Isa itong malaking harang sa kaniyang mga nais makuha.

Kinakailangan niyang mapatalsik ang binata sa paaralang iyon nang sa ganun ay wala nang maging hadlang sa kaniyang landas. Naisipan ni Mira na sundan ang binata pagkatapos ng kanilang pasok upang makahanap ng maaaring gamitin para mapatalsik ang binata sa kanilang paaralan.

Pagkatapos ng klase ay maingat na sinundan ng dalaga si Melvin sa pag-uwi nito. Hindi agad dumiretso ang binata sa bahay nito kundi sumaglit muna sa palengke kung saan itinitinda ng ama nito ang mga isdang nahuli sa umaga. Nakita niyang tumulong sa pagtitinda ang binata at nakangiting binabati ang bawat mamimili sa kanila.

Hindi niya maintindihan kung paano nagagawang ngumiti ng binata sa kabila ng hirap na dinaranas nito araw-araw. Labis man niya itong pinagtataka ay hindi na lamang ito gaanong binigyang pansin ng dalaga.

Pagkaraan ng ilang oras ay nauna na ring umuwi si Melvin sa ama. Patuloy naman na sinundan ng dalaga ang binata hanggang sa makarating ito sa kanilang tahanan, isang maliit na kubo sa may malapit sa pangpang.

Hindi maintindihan ng dalaga pero parang gusto niya pang sundan ang binata hanggang sa loob ng bahay nito. Pakiramdam niya ay may matutuklasan siyang isang napaka importanteng bagay oras na gawin niya ito.

Tiningnan ni Mira ang kaniyang orasan at nabigla naman siya nang makitang malapit na palang mag alas otso ng gabi. Uuwi na sana siya nang makita siya ni Arjay.

“Mira?” tawag sa kaniya ng binata. Hindi siya sumagot kaya nilapitan siya ng binata.

“Mira, ikaw ba ‘yan?” muling tawag sa kaniya ng binata. Aalis na sana siya nang bigla niya na lamang naramdaman ang kamay ng binata na nakahawak sa braso niya.

“Ano ang ginagawa mo dito?” hindi makapaniwalang tanong nito sa kaniya. Sasagot pa lamang sana ang dalaga ng biglang may lumabas na payat na babae mula sa loob ng kubo.

“Mira anak, ikaw na ba yan?” halata ang galak at pananabik sa boses ng babae sa pagkakatanong nito sa kaniya. Bagama’t pumayat ito nang husto ay mahahalata pa rin ang taglay nitong ganda. Hindi maaring magkamali si Mira, ito ang babae sa larawang kaniyang pinaka-iingatan, ang larawan ng kaniyang tunay na ina.

Nanigas sa kaniyang kinatatayuan ang dalaga. Labis siyang nabigla sa kaniyang natuklasan at hindi niya alam kung paano haharapin ang sitwasyon. Mahahawakan na sana siya ng babae nasa larawan ng bigla na lamang siyang mabilis na tumakbo paalis.

Halo-halong emosyon ang kaniyang nararamdaman. Tuwa, lungkot, galit, sakit, pananabik at napakaraming tanong ang naglalaro sa kaniyang utak.

Pagkauwi niya ay agad niyang kinompronta ang ama tungkol sa kaniyang natuklasan. Wala nang nagawa ang lalaki kundi sabihin sa anak ang katotohanang itinatago sa dalaga.

Totoong ang babaeng iyon ang ina ni Mira at anak siya sa labas ng kaniyang ama. Nagkaroon ng kasunduan ang kaniyang mga magulang na oras na ipanganak siya ay kukunin siya ng kaniyang ama at kailanman ay hindi magpapakita ang kaniyang ina sa kaniya. Ito ang naisip na paraan ng kaniyang mga magulang upang hindi na magkagulo pa at magkaroon sila pare-pareho ng tahimik na buhay.

Kapatid niya sa ina si Melvin. Yun ang dahilan kung bakit pilit na pinasok ng binata ang kanilang paaralan. Para makilala at mabantayan ang nag-iisang kapatid nito sa ina na si Mira.

Humingi ng tawad si Mira kay Melvin sa lahat ng kaniyang ginawa sa binata. Agad din naman siyang pinatawad ng binata at tinulungang mapalapit sa kanilang ina. Sinabi niya ang lahat ng kaniyang kinikimkim sa kaniyang dibdib sa kaniyang mga magulang.

Tuluyan nang nakawala sa kagustuhang maging pinakamagaling sa lahat si Mira dahil nahanap niya na ang pagmamahal na tatanggap sa kaniya maging sino man siya. Sa pagkakataong ito ay hindi niya na kailangang maging sino pa man para lamang tanggapin at mahalin siya ng mga taong mahal niya.

Advertisement