Inday TrendingInday Trending
Sa Sobrang Kahigpitan ng Kanyang mga Magulang ay Hiniling ng Binata na Mag-isa sa Buhay, Nalaman Niya ang Hirap ng Malayo Siya sa mga Ito

Sa Sobrang Kahigpitan ng Kanyang mga Magulang ay Hiniling ng Binata na Mag-isa sa Buhay, Nalaman Niya ang Hirap ng Malayo Siya sa mga Ito

“Umuwi ka ng maaga, Jayson kundi pagsasarhan ka ng pintuan ng papa mo!” sigaw ng ama ng binata. Iritableng napakamot siya ng ulo, “Ano ba naman ‘yan? Kalaki-laki ko na, may curfew pa din ako?!” Si Jayson ay kasalukuyan nang nasa first year college. At dahil sa murang edad niya, nawiwili talaga siya sa mga online games kaya naman palagi siyang laman ng computer shop sa kanto nila. Masaya siya sa kanyang buhay. Pagkagaling niya sa eskwela ay sa computer shop na agad ang diretso niya. Kung minsan pa nga’y hindi na siya nakakakain sa sobrang kaadikan sa laro. Ang tanging problema lamang ni Jayson ay ang madalas na paghihigpit ng kanyang mga magulang. Kahit nasa tamang edad na naman siya upang magliwaliw sa labas ay hinihigpitan pa rin siya ng mga ito. Isa pa’y kahit lalaki siya at kaya nang ipagtanggol ang sarili ay madalas pa ring mag-alala ang mga magulang niya sa kanya. Kung minsan ay napupundi na siya sa mga ito. Kaya naman madalas niyang hilingin na sana’y katulad na lamang siya ng mga kaklase niya na namumuhay ng mag-isa o independent kung tawagin ng nakararami. “Ma, Pa… gusto ko po sanang mag-dorm,” paalam niya sa mga magulang habang sila’y nasa hapag-kainan. Napatigil ang kanyang mga magulang, “Ano namang pumasok d’yan sa kukote mo at ginusto mong mag-dorm?” “Nahihirapan po kasi ako sa araw-araw na malayuang byahe,” pagsisinungaling niya. Ang totoo kasi’y gusto niya na talagang bumukod sa mga ito. “Dalawang oras lang naman ang bina-byahe mo ah? Kung hindi pa trapik ay isa lang,” angal pa rin ng kanyang ama. “Pero, Pa nahihirapan nga po ako sa byahe. Hindi na ako nakakapagreview sa exams ko dahil doon!” “Baka kamo kaka-computer kaya ka hindi nakakapag-review–” nakita niyang pinigilan ng mama niya ang nagagalit na rin niyang papa. “Kelan mo gustong lumipat anak?” mahinahong tanong ng kanyang ina. “Next week po.” Hindi na siya pinigilan ng mga magulang sa desisyon niya. Masaya siya dahil sa wakas ay malaya na siya. Wala nang magdidikta sa kanya. Wala nang curfew at higit sa lahat ay magagawa niya na lahat tulad ng pagpupuyat at makikipagbarkada. Ngunit hindi nagtagal ang lahat ng kasiyahang iyon. Maraming napagtanto si Jayson habang malayo siya sa mga magulang. “Wala na pala akong malinis na damit.” “Sunog na naman ang sinaing ko? Sawa na akong umorder sa labas.” “Wala na akong allowance, kakabigay lang nila mama’t papa.” Lahat ng hirap ay dinanas niya dahil lamang malayo siya sa mga magulang. Ang akala niya noon, porke’t malayo na siya sa mga ito ay malalasap niya na ang lahat ng kaligayahan. Hindi niya lubos-akalain na sobrang mahihirapan pala siya kung wala ang mama’t papa niya sa tabi niya. Isang buwan lang at bumalik na rin agad si Jayson sa puder ng kanyang mga magulang. Humingi siya ng tawad sa mga ito at nangakong hindi na muling magtatangkang hilingin na sana’y hindi niya sila kasama. Isang aral ang natutunan niya sa buhay. Na hangga’t nariyan pa ang kanyang mga magulang ay dapat niya itong pasalamatan. Higit sa lahat ay hindi siya dapat magreklamo sa mga bilin at pagbabawal ng mga ito. Dahil ang lahat ng iyon ay para rin sa kabutihan niya. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement