Estudyanteng Laging Tulog sa Klase, Pinapapahiya ng Guro at Pinagtatawanan ng mga Kaklase, Lingid sa Kaalaman Nilang May Pinagdaraanan Ito
“Russel! Tulog ka na naman!” Nagulat ang 17-taong gulang na binata sa ginawang pagpalo ng guro sa kanyang upuan. Pasimple niyang pinunasan ang kapiranggot na laway na tumulo sa kanyang desk. “Sorry po Ma’am,” nakatulog na naman pala siya. “Huwag mo gawing kama ‘yang desk mo, Russel. Kung gusto mong matulog ‘dun ka sa inyo. Nakakaistorbo ka sa mga kaklase mo.” Nagtawanan ang mga kapwa niya estudyante. Kasalukuyang nasa first year college si Russel at kumukuha ng BS Secondary Education.Pangarap niya kasing maging guro kapag nakapagtapos siya. Isang araw habang papasok sa eskwela ay tila pagod na pagod na naman si Russel. Kung minsa’y iniisip niyang isuko nalang ang lahat ng pangarap, ngunit sa tuwing naiisip niya ang kanyang ina ay pinipilit niya pa ring magpatuloy kahit sobrang hirap na. Wala siyang masasabing totoong kaibigan sa eskwela dahil sa sobrang busy niya ay wala na siyang time makihalubilo sa mga kaklase niya. Hindi siya nakakasama sa gala ng mga ito. Kaya naman isang gabi ay hindi niya inaasahan ang pagdating ng mga kaklase niya sa restaurant bar na pinagtatrabahuan niya. “Russel? Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Andy. “Dito ako nagtatrabaho,” tugon niya. “Kaya pala lagi kang puyat at tulog sa klase,” biro naman ng isa pang kaklase nila. “Hindi ka ba nahihiyang dito ka nagtatrabaho?” “Bakit naman ako mahihiya eh marangal naman ‘tong trabaho ko?” mariin niyang sabi. Hindi na sumagot pa ang kaklase niya. Kinuha niya nalang ang order ng mga ito at umalis na. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nananatili siyang pribado sa eskwela. Kinabukasan ay naging tampulan na agad siya ng tukso, “Russel, nagtatrabaho ka daw sa bar?” Nginitian niya lang ang mga curious niyang kaklase. Ngunit hindi pa rin siya nakaligtas sa kanyang guro na tila paborito siyang sitahin. “So kaya ka pala palaging tulog ay dahil may iba ka pang pinagkakaabalahan, Russel.” Mapang-uyam ang tingin ng guro sa kanya. “Opo, Ma’am.” “Gusto kong makausap ang magulang mo tungkol dito, Russel.” “Wala na po akong magulang, Ma’am.” Nagulat ang lahat sa sinabi niya, “Anong ibig mong sabihin? Sino ‘yung dinala mong guardian dito noon?” “Kapibahay lang po namin na pinakiusapan ko upang makuha ko ang documents ko.” “Ano? Nagsinungaling ka sa school? Asan ba ang guardian mo at nang madisiplinary action kita.” galit na galit ang guro. “Mag-isa nalang po ako sa buhay, Ma’am,” natahimik ang lahat sa sagot niya. “Nag-aaral lang po ako ngayon dahil gusto kong tuparin ang naudlot na pangarap ng aking ina. Araw-araw po kasi ay ikinukwento niya sa akin na hindi siya naging guro dahil ipinagbuntis niya ako.” Naluluha-luha si Russel pero pinilit pa ring magsalita, “Biktima po ang nanay ko ng rape at ako po ang resulta nun. Sa kabila ng lahat ay minahal at pinalaki pa rin ako ng nanay. Limang taon na po ang nakalilipas nang pumanaw siya, nasira ang lahat ng pangarap niya. Kaya lahat po gagawin ko matuloy lang ang pangarap ng nanay ko.” Tila nabuhusan ng malamig na tubig ang guro at mga kaklase sa isinalaysay ni Russel. Naging kahiya-hiya ang mga sarili nila dahil sa pagmamalupit na ginawa sa binata sa kabila ng pagdurusang pinagdadaanan nito. Ang buhay nga naman ay hindi patas para sa iilan. At maswerte tayong hindi natin dinaranas ang mga pagsubok na hinaharap nila. Ngunit napaka-importanteng mahanap natin sa mga puso natin ang pagpapakumbaba. Lagyan natin ng puwang sa puso natin ang mga taong may mas malaking pangangailangan. Hindi natin sila kailangan bigyan ng malaking tulong o kung anumang materyal na bagay. Pang-unawa lamang natin ang tangi nilang kailangan. Ugaliin natin maging mabuti sa kapwa natin dahil hindi natin alam kung ano ang pinagdaraanan nila. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.