Handa nang Hiwalayan ng Misis ang Baldadong Mister Ngunit May Huling Kahilingan Ito Bago Sila Tuluyan Maghiwalay
“Sawang-sawa na ako sa buhay natin, Ricky!” rinig na naman sa buong kabahayan ang sigaw ni Matilda. Halos limang taon na kasi siyang nag-aalaga ng asawang baldado. Dahil inatake sa pinagtatrabahuan nito sa Saudi, ay umuwing gulay na ang kalahating katawan ni Ricky. Mula sa maalwang buhay ay biglang bagsak ng kanilang pamilya. May dalawa silang anak, sina Riza 8 years old at Mike 10 years old. Dahil sa nangyari sa asawa ay napilitan si Matilda na magtrabaho naman para sa pamilya. Hindi pa man din siya sanay magtrabaho noon dahil ini- spoiled siya ng asawa sa mga padala nito. Ngayon ay halos kayod-kalabaw ang ginagawa niya. Dahil hindi lamang siya pagod sa trabaho, kundi pagod rin sa pag-aalaga sa dalawang anak at kanyang asawa. “Sorry, Tilda…” palagi namang sinasabi ni Ricky kahit nahihirapan ito sa pagsasalita. Kung minsan pa’y naluluha na lamang ito sa sinapit. “Kung hindi lang dahil sa mga anak natin, matagal na ‘kong nakipaghiwalay sayo,” inis niyang tugon sa asawa. “Kung bakit naman kasi hindi ka nag-iingat doon sa Saudi. Alam mong may pamilyang umaasa sayo dito, nagpabaya ka sa kalusugan mo!” Suminghot-singhot si Ricky, senyales na umiiyak na ito. “Puro ka iyak!” Samantala, habang nagtatrabaho si Matilda ay ipinakilala sa kanya ang bagong boss niya. Secretary kasi siya ng manager ng kanilang department at dahil kaka-resign lang nito ay nagkaroon siya ng bagong boss, si Mr. Randy. “Good afternoon po, Sir.” “Wow, ang ganda naman ng secretary ko,” bungad ng kanyang boss. Nagulat si Matilda ngunit may konting kilig na naramdaman. Hindi niya maipagkakailang gwapo ang kanyang bagong bossing. Ilang buwan ang lumipas at lalong nagkaunawaan si Matilda at ang boss nito. Yun na rin ang naging dahilan kung bakit lalong nabwisit ang ginang sa kanyang asawa. “Napakaalagain mo na. Ayoko na, Ricky. Maghiwalay na tayo,” isang gabi ay nagdesisyon siya. Tila hindi naman nabigla doon ang kanyang asawa, “Naiintindihan ko, Tilda…” Lumapit ito sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay, “Pwede bang humingi ng pabor?” “Diyos ko, maghihiwalay nalang pabor pa rin?” iritable na ang ginang, “Sige ano ba ‘yun?” “Alalayan mo ako papunta sa hapag-kainan at sabay-sabay tayong kumain ng mga bata. Ipakita mo sa kanilang mahal mo pa rin ako.” “Ano?” “Sige na, Tilda. Gawin mo nalang please,” hirap na hirap na ito sa pagsasalita. Wala na siyang ibang nagawa kundi sundin ang asawa. Sa isip-isip niya’y huli na naman ito. Tuwang-tuwa naman ang mga bata sa nakikita, “Wow, Ma at Pa ang sweet niyo po ulit!” Kinabukasan ay nagpaalam na si Tilda upang pumasok, “Alis na ‘ko Ricky.” Pero nagtaka siya nang hindi ito sumagot, “Ricky?” Kinabahan siya at pinulsuhan ang asawa ganoon nalang ang takot niya nang maramdaman ang malamig na kamay nito. Hindi na rin ito humihinga. Wala na ang asawa. Sa wakas ay wala nang baldadong lalaki na aasa sa kanya. Sa wakas ay makukuha na niya ang kalayaang hinahangad. Ngunit bakit wasak na wasak ang puso niya ngayon? Hindi niya mawari ang nararamdamang pananabik sa asawa. Alam niya sa puso niyang mahal niya ito. Pagod lamang ang katawan at utak niya sa pag-aalaga dito at sa kanilang pamilya. Kailanman ay hindi siya tumigil na mahalin ito. Pero huli na ang lahat. Huli na ang lahat para maipakita pa niya dito na nagsisisi siya sa mga nagawa. Napakasakit isipin na hindi niya napadama ditong mahal niya ito sa mga huling sandali nito sa mundo. Ngunit iba ang pagkakaintindi ng kanyang mga anak. Sa araw ng burol ng asawa ay nagpasalamat ang mga ito sa kanya. “Ma, thank you kasi bago mawala si Papa naging sweet po kayo sa kanya,” sabi ng kanyang bunsong si Riza. “Oo nga po ‘Ma, salamat po at hindi kayo nagsawang mag-alaga kay Papa. Lagi niya po sinasabi sa amin kapag nasa work kayo, mahalin daw po namin kayo at huwag iiwan kapag nawala siya.” Iyak nang iyak si Matilda. Iyon pala ang dahilan ng asawa sa huling pabor nito sa kanya, gusto nitong maging mabuti pa rin ang tingin ng kanilang mga anak sa kanya. At ninais nitong makita ng mga anak na kahit anong pagsubok na kinaharap nila sa buhay ay hindi niya nagawang sumuko. Para siyang mababaliw sa sobrang sakit na nadarama. Gusto niya muling mayakap ang asawa. Ngunit imposible na ito. Ito na mismo ang lumisan upang tuluyang palayain siya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!