Kinilig ang Babae Dahil Napaka-Guwapo ng Taxi Drayber na Nasakyan Niya; Hindi Niya Inakala na Muli Silang Magkikita
Napakunot ang noo ni Jen nang makitang trenta minuto na lang ang natitira sa kaniya para makarating sa opisina. Paano ba namang hindi iinit ang ulo niya, hindi pa rin umuusad ang dyip kung saan siya nakasakay ngayon dahil sa sobrang trapik. Hindi siya pwedeng ma-late dahil siguradong bubungangaan na naman siya ng manager niyang masungit.
“Nakakabuwisit naman! Kung kailan nagmamadali,” gigil niyang bulong sa isip.
Wala siyang ibang nagawa kundi bumaba sa dyip at naghanap ng taxi. Masuwerte naman dahil ilang sandali pa ay may pumarang taxi sa harap niya.
Hindi pa man siya tinatanong ng drayber ay agad na niyang sinabi kung saan ang destinasyon niya.
“Sa Ayala tayo,” sabi niya saka mabilis na binuksan ang pinto ng sasakyan at pabalyang umupo.
“Hay, Salamat mama at dumating ka. Napakahirap suma…” natigilan siya nang sumulyap sa unahan.
“Sh*t!” Dalawang beses pa siyang napamura sa nakita niya dahil ubod ng guwapo ang drayber ng taxi. Inakala niya na matanda at pangit ang nasa unahan ng sasakyan pero mali siya dahil mala-prinsipe ang hitsura nito. Taob ang mga bigating lalaking artista kapag itinabi rito.
Napatingin pa siya sa salamin ng sasakyan para tingnan ang sarili. Nakaramdam pa siya ng hiya nang makitang pawis na pawis siya at hulas na ang make up sa mukha niya.
Advertisement“Nakakahiya, mukha na akong dugyot,” sambit niya sa sarili.
Ngumiti sa kaniya ang lalaki kaya namula lalo ang pisngi niya dahil mas lumabas ang pagka-guwapo nito. Maputi ang kutis, singkit ang mga mata na parang Koreano. Halata ring matangkad at maganda ang pangangatawan, macho!
“Okey miss,” simpleng tugon nito.
Mas lalo siyang kinilig sa magandang boses nito. Hindi niya tuloy malaman kung paano magsusumiksik sa dulo ng sasakyan kung saan hindi siya makikita ng lalaki. Nakakahiya kasi kung makikita nitong mukha siyang haggard. Nakalimutan pa naman niyang dalhin ang make up kit niya sa sobrang pagmamadali.
Maya maya ay huminto na ang taxi sa tapat ng gusali kung saan siya nagtatrabaho. Nagmamadali siyang bumaba, natataranta pa nga siya kung paano bubuksan ang pinto nang may bigla siyang maalala.
“T*ng*na, hindi pa pala ako nagbabayad!”
Dali-dali niyang iniabot sa guwapong drayber ang pera. “S-Sorry, nakalimutan ko k-kasi…n-nagmamadali na kasi ako, eh..p-pasensya ka na. K-keep the c-change!” nauutal niyang sabi saka patakbong umalis. Muntik pa nga siyang madapa sa pagkataranta niya.
Mabilis na nagdaan ang isang linggo pero hindi pa rin makalimutan ni Jen ang guwapong taxi drayber. Hay, sana lahat ng drayber ganoong kaguwapo!
AdvertisementLunes ng umaga, wala pang alas otso ay nasa opisina na siya.
“Mabuti naman at hindi ako late ngayon,” masaya niyang sabi sa sarili. Maaga silang pinapasok sa opisina dahil ipapakilala raw ang bago nilang manager. Nag-resign na ang dating manager na masungit at masama ang ugali kaya laking tuwa niya at may papalit na bago. Dasal niya ay sana mabait ito.
Maya maya ay dumating na ang may-ari ng kumpanya, may kasama itong lalaki. Eto na ang sinasabing bago nilang manager.
“Everyone, meet Mr. Sancho Valdez, he will be our new marketing manager,” sabi ng kanilang boss.
Napuno ng palakpakan at bungisngisan ng mga kinililig na mga babaeng empleyado nang makita ang bagong manager. Abala kasi siya sa paglalagay ng make up sa mukha niya habang ipinapakilala ito ng boss nila kaya hindi niya nasilip ang mukha nito pero nang matapos niyang lagyan ng lipstik ang labi niya’y nilingon niya ang lalaking kanina pa pinagkakaguluhan ng mga kasama niya. Pero ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang makilala kung sino ang bagong manager sa departamento nila.
“Imposible! Siya?!”
Ang lalaking nakatayo sa harapan ay ang guwapong taxi drayber na nasakyan niya.
Naguguluhan pa rin siya kung paanong nangyari na naroon ito sa opisina nila nang sumulyap ito sa kaniya, halatang nagulat din tapos ay ngumiti.
Advertisement“O, akalain mo, dito pa pala tayo magkikita ulit! What a coincidence!” wika nito at kinamayan siya.
Hindi namalayan ni Jen na tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. Nakatulala pa rin kasi siya.
“Anong pangalan mo?” tanong ng lalaki.
“A, Jen po ang name ko,” kinikilig na sabi niya.
Mula noon ay naging malapit na sila sa isa’t isa at naging magkaibigan. Napakabait na boss ni Sancho, malayung-malayo sa dati nilang manager. Kahit nakakaangat sa buhay at posisyon ay marunong itong umintindi at makisama sa mga simpleng empleyadong gaya niya kaya mas lalo siyang humanga rito.
Makalipas ang ilang taon
“Dahan-dahan, sweetheart at baka mapaano kayo ni baby,” nag-aalalang sabi ni Sancho habang bumaba sila ng hagdan. Malaki na ang tiyan niya dahil pitong buwan na siyang buntis.
Kasal na sila ng lalaki at dinadala na niya ang panganay nilang anak. Ang pagkakaibigan nila noon ay nauwi sa pag-iibigan. Ilang buwan ding nanligaw sa kaniya ang mister bago niya ito sinagot. Kahit napakaguwapo nito ay pinahirapan pa rin niya ito.
AdvertisementNapakabuting asawa ni Sancho at natitiyak niya na magiging mabuting ama rin ito sa kanilang magiging mga anak. Natatawa pa nga siya kapag naiisip ang una nilang pagkikita, sa una ay nalilito siya kung bakit ang isang drayber ng taxi ay naging manager ng isang kumpanya kaya isang gabi ay tinanong niya ito.
“Sweetheart, bakit nga ba nagmamaneho ka ng taxi noong una tayong nagkakilala?” usisa niya.
Natawa naman ang mister.
“Iyon ba, sweethert, ganito kasi iyon…working student ako noon. Nag-aaral pa ako sa kolehiyo sa kursong Business Management. Ayaw kong humingi ng pera kina mommy at daddy dahil ang gusto ko’y sa sarili kong bulsa manggaling ang gagastusin sa aking pag-aaral kaya ibinili ko ng taxi ang sarili kong ipon at namasada ako. Tapos ay naisakay kita, ‘di ko alam kung ano ang meron sa iyo basta na-love at first sight agad ako. Kaya nga nang malaman kong sa kumpanya ka ni daddy nagtatrabaho kahit hindi pa ako nakakagradweyt, sinabi ko sa kaniya na ipasok na ako roon at iyon nga, dahil matalino ako, naging manager ako agad,” bungisngis ni Sancho.
Hindi makapaniwala si Jen, talagang itinadhana sila ng kaniyang mister. Hindi na niya nagawang sumagot pa at dahil sa sobrang saya niya sa natuklasan ay hinalikan niya na lang ang asawa sa labi at niyakap ito.
‘Di nagtagal ay isinilang na ni Jen ang anak nila ni Sancho. Tuwang-tuwa silang mag-asawa dahil biniyayaan sila ng malusog at kyut na kyut na lalaking sanggol. Hanggang sa paglaki ng kanilang anak ay paulit-ulit nilang ikinukuwento rito ang kanilang nakakakilig at nakatutuwang love story kung paano nagkakilala at nagkaibigan ang guwapong taxi drayber at ang prinsesa ng taranta.