Humiling ang Magkaibigan sa Diwata na Sana ay Yumaman Sila; Matupad Kaya ang Hiling Nila?
Matagal nang magkaibigan sina Teroy at Badong. Pareho silang wala pang asawa at ang pinagkakakitaan ay ang pagko-construction. Ang totoo’y sawa na sila sa hirap ng buhay maging sa kanilang trabaho.
“Buwisit na buhay ‘to! Kailan kaya tayo aasenso at makakatikim ng kasaganaan sa buhay?” sabi ni Badong.
“Pare, alam kong nahihirapan ka na rin sa sitwasyon natin, pero wala naman tayong magagawa, eh. Hindi naman tayo nakapagtapos ng pag-aaral, paano tayo makakahanap ng mas magandang trabaho? Dahil wala tayong hawak na diploma, kailangan nating tanggapin na hanggang ganito na lang ang buhay natin, isang kahig isang tuka,” sagot ni Teroy.
Wala silang kaalam-alam na isang matandang babae ang kanina pa nagmamasid at nakikinig sa kanila. Maya maya ay nilapitan sila nito.
“Magandang umaga sa inyo,” bati nito.
“Anak ng…nakakagulat naman kayo, lola! Bigla na lamang kayong sumusulpot,” sambit ni Teroy nang makita ang matanda.
“Ano pong ginagawa niyo rito? Umalis na po kayo baka mapako o mabagsakan pa kayo ng mga bakal at hollow blocks dito,” sabi naman ni Badong.
“Kanina ko pa kasi kayo naririnig na nag-uusap, eh. Ang sabi ninyo ay sawa na kayo sa hirap kaya ang tanong ko sa inyong dalawa, gusto ba ninyong yumaman?” nanlalaki pa ang mata na sabi ng matandang babae.
Natawa ang magkaibigan.
“May pagka-usisera ka pala, lola ha!” wika ni Teroy.
“‘Di ko akalain na mahilig po kayong sumagap ng tsismis. Pero tama ka, lola, gusto nga naming yumaman at makawala na sa mundo ng kahirapan,” tugon ni Badong.
Ngumiti ng makahulugan ang matanda.
“Kung iyan ang gusto ninyong mangyari, bakit hindi ninyo subukang humingi ng tulong sa diwata sa pusod ng gubat?” anito.
Nanlaki ang mga mata ng dalawa.
“D-Diwata sa gubat?!” gula na sabi ni Teroy.
“Noon ko pa naririnig ang tungkol sa diwata sa gubat pero hindi ko alam kung totoo ang tungkol doon,” nakakunot ang noong sabi ni Badong.
“Totoo ang tungkol sa mahiwagang diwata. Ang balita ko’y tinutupad niya ang mga kahilingan kapalit ng pagbibigay ng alay. Maaari raw maghandog ng pagkain o mahalagang bagay mula sa taong hihiling,” tugon nito.
Sagit na nag-isip ang magkaibigan.
“Kung totoo iyon, pare, pwede nating hilingin na maging mayaman tayo. Pagkakataon na natin para maiahon sa hirap ang ating pamilya,” ani Teroy sa kaibigan.
“Naniniwala ka sa matandang ‘yan? Eh, puro sabi-sabi at kwentong barbero lang ang diwata sa gubat, eh,” sagot ng kausap.
“Bakit hindi natin subukan? Wala namang mawawala, ‘di ba?”
“P-pero ano ang ihahandog natin sa diwata?”
“Edi pagkain na lang. Maraming tanim na gulay ang nanay ko sa bakuran namin. Iyon na lang ang ibibigay ko sa diwata,” sabi ni Teroy.
“Ako’y ito na lang paborito kong T-shirt ang ihahandog ko. Ang sabi naman ni lola, maaaring mahalagang bagay na galing sa hihiling, ‘di ba, lola?”
Pagbaling ni Badong sa kinatatayuan ng matanda ay wala na ito.
“Nasaan na ‘yung matanda?”
“Ewan ko, hindi ko namalayan na umalis,” ani Teroy.
Kinagabihan ay tinungo ng magkaibigan ang kagubatan sa lugar nila kung saan naroon daw ang diwatang tumutupad ng mga kahilingan. ‘Di nagtagal ay natunton na nila ang pinakapusod niyon.
“Narito na tayo, pare,” wika ni Badong.
Nang walang anu-ano’y…
“Alam ko kung bakit kayo naririto!” sabi ng isang magandang babae na bigla na lamang sumulpot sa harapan nila.
Namangha ang dalawang lalaki sa kagandahan ng binibini, sa tingin nila ay ito na ang diwata sa gubat.
“Magandang gabi po, mahal na diwata. Narito po kami upang humiling,” sagot ni Teroy.
“Gusto ninyong yumaman, ‘di ba?” diretsang tanong ng diwata.
“Opo. Hiling po namin ang yumaman at mahango sa hirap. Kaya narito po kami upang bigyan kayo ng alay,” wika ni Badong saka inilahad ang mga handog nila. Mga gulay na nasa basket ang kay Teroy, samantalang sa kaniya ay ang paborito niyang T-shirt.
“Iyon lang pala, eh. Dahil may mga handog kayo sa akin ay pagbibigyan ko ang inyong kahilingan.”
Sa isang kumpas lang ng diwata ay lumitaw ang isang napakalaking baul.
“Malaki ang maitutulong niyan upang kayo ay yumaman,” saad pa ng mahiwagang babae.
Nanlaki ang mga mata ng magkaibigan.
“Naku, maraming salamat po, mahal na diwata,” tugon ng dalawa.
Nagpaalam agad ang diwata pero bago ito umalis.
“Sa pamamagitan niyan ay makakatikim kayo ng karangyaan sa buhay. Gamitin ninyo ‘yan sa kabutihan,” anito saka tuluyang naglaho.
Sa pag-alis ng diwata ay naging mabilis din ang kilos ni Badong.
“Akin lang itong baul na ibinigay ng diwata. Siguradong kayamanan ang nasa loob,” tatawa-tawang sabi ng lalaki.
“Ha? Anong ibig sabihin nito, pare?” gulat na tanong ni Teroy.
“Bakit kita hahatian gayong sa bisyo ko lang ay kulang pa ito,” sagot ng buhong.
Ngunit laking panlulumo ni Badong nang makita ang laman ng baul.
“Hindi!”
“P-Pako! Mga pako lamang pala ang laman!”
Galit na galit si Badong.
“Niloko lamang tayo ng diwatang iyon! Binigyan lang tayo ng mga pako. Aanhin natin ‘yan? Kung ibebenta natin ‘yan, kulang pa sa pambili ng alak ang makukuha natin. Sayang lang ang ibinigay kong alay, nawala pa ang paborito kong T-shirt! Pwe!”
Dahil banas na banas sa nangyari ay iniwan nito si Teroy sa kagubatan. Umuwing mag-isa ang lalaki.
“Mga kalawanging pako nga ito! Bakit kaya ito ang ibinigay nung diwata? Pero, ayos na rin ito makakatulong ang mga ito sa aking trabaho. Pag natapos ang gawa namin sa construction ay babalik na lamang ako sa pagkakarpintero. Lilinisin ko ang mga ito sa bahay,” bulong ni Teroy sa isip.
Iniuwi niya ang mga kalawanging pako at nilinis ngunit…
“Huh! Hindi kalawanging pako ang mga ito! G-ginto ito! Diyos ko, mga gintong pako ang mga ito!”
Laking gulat ni Teroy sa natuklasan. Hindi sila nilinlang ng diwata, totoong kayamanan ang ibinigay nito. Mga gintong pako!
Nang dahil sa nakuhang mga gintong pako ay yumaman nga si Teroy. Nakamtan niya ang marangyang buhay na matagal na niyang hinahangad para sa sarili at sa kaniyang pamilya. Hindi niya sinolo ang kayamanang ibinigay ng diwata dahil ibinahagi niya ito sa mga mahihirap na tulad niya. Nang magkaroon siya ng sariling kumpanya ay tinulungan niyang magkatrabaho ang mga walang trabaho. Naging bukas-palad siya sa mga nangangailangan at mga kapos sa buhay. Kaya ang kapalit, mas lalo siyang sinuwerte at yumaman.
Nang malaman ni Badong ang pag-asenso ni Teroy ay laking panlulumo at pagsisisi niya. Kung hindi sana siya naging sakim at kung naniwala siya sa kapangyarihan ng diwata, sana’y mayaman na rin siya ngayon. Wala silang kamalay-malay na ang matandang babae at ang diwata sa gubat ay iisa. Binigyan sila nito ng pagkakataon na matupad ang hiling nila pero binalewala lang niya iyon kaya ngayon mahirap pa rin siya. Nahiya na siyang humingi ng tulong kay Teroy dahil sa ginawa niya noon sa kaibigan. Pinagdurusahan lang niya ang kalokohan niya.
Ibinibigay talaga ang magandang kapalaran sa mga taong may magandang kalooban at kamalasan naman sa may mga masamang pag-uugali.