Inday TrendingInday Trending

“Hoy Mirna dalian mo na! Pagdating natin sa bangko ay siguradong ang haba na naman ng pila!” sigaw ni Gina, kinakatok maigi ang kanyang kumare sa banyo.

“Ito na, ito na! Inunahan kasi akong maligo ni Honey at may pasok daw sila ngayon!” natatarantang ika ni Mirna habang sinusuklay ang basang-basang buhok. Ang tinutukoy ay ang kanyang anak.

“May pasok sila Honey? Diba magkaklase sila ng anak ko? Sabi ng anak ko, wala daw silang pasok tuwing Biyernes! Ayon at nakahilata pa nga ang dalaga ko.” pagtataka ni Gina.

“Ay ewan ko ba kung practice o pasok ang pinaalam niya sakin kanina. Hayaan mo na bente na naman yon, alam na niya ang tama at mali. Saka baka tamad lang yang anak mo. Halika na dalian mo!” ika ni Mirna, malaki ang kompiyansang hindi nagsisinungaling ang anak. Alam naman kasi nito ang mga sakripisyo niya.

Araw na naman ng suwelduhan ng mga mapapalad na pamilyang napasama sa isang programa ng pamahalaan— ang 4p’s. Kada buwan may pera silang natatanggap mula sa gobyerno, dagdag panggastos na rin para sa mahihirap ang buhay.

Isa sa mga pamilyang nabibiyayaan kada buwan sila Mirna. Nabibigyan niya rin ng pera ang kanyang anak na si Honey dahil nag-aaral ito.

“Honey anak, o ito, dagdag mo sa pang project mo.” masayang ika ni Mirna. “Tipirin mo ha, alam mo namang yan lang ang sobrang pera natin, saka isa pa apat na oras ako pumila para makuha lang yan!” pagmamalaki ni Mirna.

“Ma, kulang pa nga ito e, wala pa akong pangbayad doon sa nagtuturo samin sa sayaw. Hanggang ngayon na lang yun.” nakangusong ika ni Honey.

“Ah ganon ba, o sige ito na isang daan, ibigay mo na agad ha, baka naman mawala pa!” napakamot sa ulo si Mirna, halatang kulang na ang pera pang budget nila sa isang buwan.

Umalis na si Honey, ngunit imbes na sa paaralan dumiretso, pumunta siya sa bahay ng kanyang kaibigan. Inambag niya ang perang bigay ng nanay niya sa kanilang inuman, birthday kasi ng kanyang nobyo.

“O, ayan ibili niyo na ng gin! Saka ito pa, bili kayo ng cake para sa bebe boy ko. Kayo na bahala sa pulutan saka sa pansit ha. Wala nang pera nanay ko e.” ani Honey sa mga kaibigan, tuwang-tuwa naman ang mga ito.

Dumating na ang nobyo niya at labis ang tuwa nito dahil sa ginawang sorpresa ng dalaga.

“Grabe bebe ito na ata ang pinakamasaya kong birthday. First time ko kayang may mahihipan na cake! Maraming salamat!” anang lalaki, sabay halik sa kanyang pisngi. “Kaya lang bebe kailangan ko pala lumuwas ng Maynila bukas, para doon sa pinasukan kong kompanya, may extra pera ka ba dyan? Wala akong pang pamasahe e.” nagpapaawang sambit ng binata.

“O, sige gagawan ko ng paraan. Magkita na lang tayo bukas ng umaga. Uwi na ako, alas singko na e, alam ng nanay ko, uwian ko na. Mahal na mahal kita! Happy birthday! Ubusin ninyo yung alak ha.” sambit ni Honey sa nobyo.

Pagkauwi ni Honey, agad siyang humingi ng pera sa nanay niya. Ngunit wala na itong maibigay.

“Mama naman, paano yan? Baka bumagsak ako kapag hindi ako nakapagbayad para sa costume namin!” sigaw ni Honey, iritang-irita na ito dahil walang maibigay ang nanay niya. “Meron ka pa namang pera dyan e, kakasweldo mo lang sa 4p’s diba, pahingi na.” pabalang na dagdag nito.

“Nak, pang isang buwan na pangkain kasi natin ito. Pero sige ito o, pasensya kana nak. Maglalabada na lang ako kila Gina.” malungkot na ika ni Mirna.

Naglabada nga siya kila Gina, doon naabutan niya ang anak nito na nagsusuot ng sapatos.

“Ah, Jellie, diba classmate mo si Honey? Nakapagbayad kana ba doon sa costume ninyo sa sayaw? Ang mahal no? Wala bang tawad yun?” walang muwang na sambit ni Mirna.

“Si Honey po? Mag-iisang buwan na po siyang hindi napasok Aling Mirna. Saka wala po kaming sayaw-sayaw. Katunayan nga po, exam week ngayon kaya wala pong mga ganyan sa school. O, sige po pasok na kayo, andoon po si mama sa kusina, late na po ako e.” nagmamadaling ulat ng dalaga.

Halos mabitawan niya ang batyang hawak. Imbes na maglabada siya, nagpunta siyang school at doon napatunayan niyang wala nga ang kanyang anak. Nagtanung-tanong siya sa mga kamag-aral ni Honey at nalaman niyang palagi pala itong nasa bahay ng mga kaibigan, kung saan madalas rin andoon ang usap-usapang nobyo ng dalaga.

Pinuntahan niya ito at doon nakita niya ang kanyang anak na sinusubuan ng kanin ang isang lalaki.

“Ito ba ang sinasabi mong practice ng sayaw? Honey naman! Alam mo namang kulang na kulang na ang pera natin. Tapos hihingi ka sakin ng malaking halaga para ipangtustos dyan sa nobyo mo? Sobra naman ito anak. Buong akala ko nasa school ka, nag-aaral, yun pala andito ka, everyday inuman? Ibang klase ka naman ana—” hindi na naituloy ni Mirna ang sinasabi, bigla na lamang siyang bumagsak sa kinatatayuan.

Napahangos si Honey noong makitang bumagsak ang nanay. Dali-dali nila itong dinala sa ospital. Napag-alaman nila doon na may matinding sakit ito. Agaran itong dinala sa ICU, naiwan naman siyang nakatulala sa mga nalaman mula sa doktor.

“Bakit hindi mo naman sinabi agad mama! Tapos nagpasaway pa ako maigi sayo. Mama, huwag ka naman munang mawala. Hindi ko pa kayang mag-isa. Pangako magpapakatino ako, lumaban ka lang. please.” ika ni Honey, napaupo na siya sa sahig dala ng panlalambot ng mga tuhod.

Lumipas ang mga buwan at napilitan si Honey na magtrabaho para may maipangbayad sa bill ng ospital. Kahit paunti-unti ay bumubuti naman ang kalagayan ng kanyang ina. Pinangakuan niya ito na kapag gumaling na, babalik siya sa pag-aaral at tatapusin ang kinuhang kurso. Labis naman ang tuwa ng ginang kahit na pagngiti pa lang ang kaya nitong gawin.

Sa tuwing nakikita ni Honey ang kalagayan ng ina ay di niya maiwasang sisihin ang kanyang sarili. Ito na, ang bunga ng kanyang pagiging suwail. Kung hindi niya pinahirapan ang nanay niya at pinasama ang loob nito, hindi sana ito mao-ospital.

Humingi siya ng gabay sa Diyos, nangako siyang basta gumaling ang nanay niya ay itatama niya ang lahat ng pagkakamali.

www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement