Inday TrendingInday Trending
Tulog nang Tulog sa Jeep!

Tulog nang Tulog sa Jeep!

“Ano ba yan?!” reklamo ng isang matandang babae sa loob ng jeep.

Ang katabi niya kasing babae ay nakatulog na at napapasandal na sa kanya ang ulo nito sa sobrang pagod.

Umabante ng upo ang matandang babae para hindi ito masandal, ngunit natutumba naman ang babae sa likod nito. Iritang-irita na ang matanda. Hanggang sa nakababa na ito.

Tulog na tulog pa rin ang babae. Maya-maya ay nakiusap ang drayber sa isang malapit na pasahero sa dalaga na isandal ito sa kabila.

“Noy, ayos lang bang isandal mo siya sa kabila? Para hindi na siya matumba,” paki-usap nito sa binata. Agad naman niya itong ginawa.

“Pasensiya na kayo ha? Kawawa kasi yang bata na yan, lagi ko yan naisasakay sa jeep ko. Aalis yan ng alas-singko ng umaga na naka-uniporme at maaabutan pa namin siya ng mga driver na pauwi pa lang ng alas-10 ng gabi, nakasuot na ng ibang damit, damit niya at sa kanyang trabaho,” kwento ng drayber.

“Minsan pag napapahimbing ang tulog niyan ay kami na lang drayber ang gumigising sa kanya kapag bababa na dapat siya. Kawawang bata,” dagdag ng drayber.

Kung hindi ito tulog sa umaga, ay nagbabasa ito ng libro o kinakausap ang sarili, ‘yon pala ay nagrereview ito para sa isang pagsusulit. Kung hindi naman nag-aaral ay nakatutok ito sa kanyang selpon at nagta-type, gumagawa ng mga report at mga aralin.

Nagpatuloy na ganoon ang gawain ng dalaga, nagmistulang oras ng pagtulog niya ang pagbiyahe niya sa dyip. At hindi niya inaasahan na darating ang isang araw na magdudulot pala ito ng panganib sa kanyang buhay.

Dahil punuan ang biyahe nang minsang umuwi ng gabi ang dalaga ay hindi ito nakapwesto sa dulo ng dyip, kundi sa likod ng drayber. Napagitnaan ito ng dalawang lalaki. Siksikan sa dyip, umulan kasi kaya lahat ay nag-uunahan na makasakay. At tulad ng nakasanayan ng dalaga ay nakatulog na naman ito sa biyahe.

Hindi tanaw ng manong drayber ang dalagang binabantayan nila na laging tulog sa byahe, kaya hindi nito alam ang nangyayari. Ngunit sa himbing ng pagkakatulog ng dalaga ay hindi niya namamalayan, na iniipit na siya ng dalawang lalaki pinapagitnaan siya

Ang isa ay pasimpleng itinago ang kamay nito sa likod ng kanyang bag, at dahan dahan inaabot ng matulis na bagay ang bag ng dalaga, nagtatangkang tastasin ito para nakawan ang dalaga. Ang isa naman ay unti-unti nilalapit ang kanyang katawana at kamay sa hita ng dalaga. Pa-simple itong nanghihipo sa balaikat, braso, hita at tagiliran ng dalaga.

Ang lahat ng ito ay hindi nararamdaman ng dalaga sa sobrang himbing ng kanyang pagkakatulog. Dahil bihasa ang mga lalaki sa ganitong kilos ay hindi rin sila pansin ng mga pasahero lalo na at karamihan sa mga ito ay abala sa pagseselpon at pagtulog. Ngunit isang binata ang nakapansin sa nangayari.

Dahan-dahang binulungan nito ang katabing babae…

“Ate, pumara ka ng malakas pag daan natin ng estasyon ng pulis. ‘Wag kang magpahalata, may kailangan tayong tulungan. PAKI-USAP,”

Maya-maya naman ay agad nitong kinalabit ang katabing binata sa dyip at ipinabasa ito ang sinulat niya sa selpon.

“Uy, basahin mo tong text ng jowa ko, mukhang makaka-iscore ako sa kanya mamayang gabi,” bati nito sa katabing binata.

“Kuya, alam kong nagulat ka sa ginawa ko. PAKI-USAP. Tulungan mo ako, mapanggap ka na kunwari magkaibigan tayo. ‘Wag mo agad titingnan ang ituturo ko sa’yo para ‘di tayo mahalata, ‘yong babae sa harapan natin ay nangangailangan ng tulong. Kanina pa siya ninanakawan at hinihipuan ng dalawang lalaki sa tabi niya. Pag pumara ako, ay sabay mong hilahin ang tulog na babae at itabi mo sa iyo. Iupo mo siya sa upuan na mababakante ko pag tayo. Lakasan mo ang iyong paghila para matanggay mo siya. Kunwari ay magkaibigan din kayo, kausapin mo siya na parang kaibigan kasi wala pa naman siya sa kanyang ulirat pag gising niya,” mahabang mensahe na isinulat ng lalaki sa kanyang cellphone, at siyang ipinabasa sa katabi.

Binasa naman ito ng kanyang katabi. Pagkabasa ay nagpabasa na naman ito ng susunod na mensahe.

“Sinabihan ko na rin ang babaeng nasa tabi ko. May malapit na police station tayong dadaanan, papara ko pag malapit na tayo doon, hihilahin mo ang babae sa tabi mo, at siya naman ang papara para huminto sa istasyon ng pulis,” dagdag na pinabasa nito sa katabi.

Umubo ang binatang nagbasa ng kanyang selpon, hudyat na handa na ito. Maya-maya ay pumara na ang lalaki hudyat na dapat hilahin ang dalaga. Pagkalampas ng lalaki sa katabing binata, ay agad naman niyang hinila ang bababeng natutulog sa harap nito.

Malakas ang pagkakahila at natanggay niya ang dalaga sa kanyang tabi. Gulat na gulat ang dalawang lalaki, na kumunot ang ulo. Agad naman niyang kinausap ang babae.

“Ikaw pala yan Kate! Ang himbing ng tulog mo hindi kita nakilala. Kamusta ka na?” bati nito sa nagising na dalaga.

Hindi naiintindihan ng dalaga ang nangyayari at maya-maya nga ay malakas na pumara ang katabing babae nito nang madaanan na ang istasyon ng pulis.

Nang pumara pala ang binata ay agad itong tinakbo ang istasyon ng pulis, para maunahan ang dyip na makarating doon. Pagkarating sa istasyon ay agad niyang ikinwento ang nangyayari sa dyip na sinakyan niya, at sinabi sa mga ito na dadaan ang dyip dahil may papara dito.

Agad naging alerto ang mga pulis at inabangan ang dyip na paparating. Pagka-para ng babae ay agad na sumakay ang dalawang pulis at itinuro ang dalawang lalaki na naghihipo at naglaslas ng bag ng tulog na babae. Nagulat ang lahat maging and drayber ng dyip.

Agad dinakip ang dalawang lalaki, nung una ay tinatanggi pa ng dalawa ang ginawa ngunit nahulihan ang isa sa kanila ng patalim. Nagpupumiglas ang isang lalaki dahil wala naman daw katibayan na pinagsamantalahan niya ang tulog na babae, ngunit nagulat ang lalaking sumubok magligtas sa kanya ng marnig ang mga pasaherong magpapa-tunay sa ginawa ng lalaki.

“Nakita ko siya na hinahawakan ang babae sa hita habang natutulog,” banggit ng batang pasahero.

“Ako rin, napansin ko na hinawakan niya ang babae sa dibdib nito, ngunit natakot ako na pansinin ito dahil baka saktan niya tayong lahat ng nasa dyip,” dagdag ng isang pasahero.

Sunod-sunod na nagsabi ang mga kapwa nila pasahero na nakasaksi sa nangyari, at natakot lamang ang mga ito dahil baka may dalang patalim ang lalaki. Dinakip ang dalawa at dinala sa loob ng istasyon ng pulis.

Dahil kilala ng drayber ang biktimang dalaga ay hindi ito umalis sa istasyon ng pulis at sinamahan ang dalaga na magsampa ng kaso. Hindi rin agad umalis ang mga pasahero dahil nais rin nilang makatulong bilang saksi sa nangyari.

Nang matapos ang lahat ay tuluyan nang nakulong ang dalawang lalaki at bumalik na ang lahat sa dyip. Umiiyak ang biktimang babae.

“Maraming salamat po sa inyong lahat sa pagligtas niyo po sa akin,” umiiiyak na sabi ng dalaga.

“Hindi ko po alam paano ko po kayo mapapasalamatan lahat. Patawarin niyo po ako aking kapabayaan at pangakong magsisilbi itong leksyon sa akin,” wika pa nito.

“Wala sa amin ‘yon, hija. Kami nga itong nagbulagbulagan nung una dahil sa aming takot. Buti na lang nandito ang tatlong ito para sagipin ka,” wika ng isang matandang babae habang tinuturo nito ang binatang nagplano para mailigtas siya at ang dalawang katabi nito na tumulong sa kanya.

“Salamat sa pagtulong niyo sa akin,” sabi ng dalaga.

“Walang anuman. Buti na lang at matapang ang lalaki na ito para kausapin kami at humingi ng tulong,” sabay turo sa binata na nakaisip ng plano.

“Walang anuman. Akala ko nga ay hindi kita mahihila, buti na lang at magaan ka kahit papaano,” pabirong sagot naman ng lalaking humila sa kanya.

Agad naman tinignan ng dalaga ang mata ng binatang nagligtas sa buhay niya.

“Salamat,” nakangiti nitong sinabi sa binata.

“Wala iyon. Ginawa ko lang ang dapat na gawin. Halos araw-araw na kitang nakakasabay sa dyip at sadyang di ko lang lubos maisip na hindi kita tulungan sa kapahamakan na nangyayari sa iyo kanina. Mabuti at gumana ang plano,” sagot ng binata.

Tulad ng mga drayber na kilala na ang dalaga sa laging pagtulog nito, kilala na rin siya ng binatang nagligtas sa kanya. Araw-araw rin pala silang nagkakasabay nito, at araw-araw niya na rin itong binabantayan sa tuwing magkakasabay sila sa dyip.

Masaya naman ang drayber na masaksihan ang kabayanihang ipinamalas ng binata at ng mga pasahero nito upang masagip ang kapwa nilang pasahero sa kapahamakan.

Magmula noon ay naging maingat na ang dalaga sa pagbiyahe. Madalas na nitong iniiwasan na makatulog sa byahe, at natutulog na lang ito pag kasabay niya at katabi sa dyip ang binatang lalaki na nagligtas sa kanya.

Nagmistulang aral naman sa lahat ang nangyari sa dyip. Natutunan nilang lahat ang halaga ng pagiging matapang at pagtutulungan. Na walang pinipiling lugar o sitwasyon ang pagtulong sa kapwang nangangailangan.

Advertisement