Inaalipusta ang Dalaga Dahil sa Hindi Siya Nakapagtapos ng Kolehiyo, Siya Pa Pala ang Magiging Matagumpay sa Kanilang Lahat
Nagsimulang mapansin ng mga tao ang ‘pagkapurol’ ng utak ni Hazel noong nasa elementarya pa lamang siya. Madalas itong pagtawanan ng kanyang mga kaklase, lalo na kapag nakikita nilang bokya na naman sa eksam ang bata. Labis naman itong ikinalungkot ni Hazel, at agad niyang sinabi sa kanyang ama’t inang si Peter at Celia. Wala namang magawa ang dalawa dahil pansin din nilang kulang sa galing pagdating sa pag-aaral at pagkakabisa ang bata.
Makalipas ang ilang taon at nakarating na ng hayskul ang dalaga. Tulad ng dati, madalas pa rin siyang laman ng usap-usapan. Kahit mahirap, lahat ng iyon ay kanyang tinitiis sa pag-asang makapagtapos at mabigyan ng magandang buhay ang kanyang ama’t ina’t mga kapatid.
“Hazel! Bokya ka na naman sa eksam kanina. Sinasayang mo lang ang baon na binibigay sa’yo ng tatay mong nagtitinda ng taho e,” nang-aasar na sabi ni Kenneth, kaklase ng dalaga.
Napahiya naman ang dalaga dahil talagang sa harap pa ng maraming tao napiling sabihin iyon ni Kenneth sa kanya. Wala na siyang nagawa kundi umiyak na lamang sa kanyang higaan tuwing gabi.
Dumating ang araw na nakapagtapos siya ng hayskul. Laking gulat pa ng iba dahil akala nila’y hindi magagawa ng dalaga na matapos, kaya naman sangkatutak na bulungan na naman ang naganap.
“Mare! Tindi, ano? Naka-gradweyt pa! Pusta ko e hindi magtatagal ‘yan sa kolehiyo.”
“Sinabi mo pa!” sagot ng katsismisan ng ginang.
Makalipas ang ilang buwang bakasyon, pumasok sa isang pampublikong unibersidad si Hazel. Ipinangako niya sa kanyang ama’t ina na gagawin niya ang lahat para lamang makapagtapos ng kolehiyo at maiahon sila sa hirap.
Ngunit lahat ng ito ay tila naging imposible, dahil unang semestre pa lamang ng dalaga sa kolehiyo ay wala na itong naipasang mga subjects. Hinang-hina na ang loob ni Hazel, nang isang propesor ang lumapit sa kanya upang magbigay ng payo.
“Hija? Alam mo ba, pansin kong hirap ka sa pagpasa sa mga eksam natin,” pambungad ni Sir Rick.
“Ah, opo sir. Ginagawa ko naman po ang lahat. Pasensiya na po, babawi po ako,” sagot ng nakayukong dalaga.
“Hindi, hija. Sa tingin ko ay hindi ka sa lugar na ito nababagay. Kahit na hirap ka sa akademiko, nakikita kong napakagaling mong makisama at makisalamuha sa mga tao. Bukod pa roon, matiyaga at determinado kang tapusin ang mga bagay na sinimulan mo. Palagay ko ay mas makabubuti kung huwag mo nang tapusin ang pag-aaral, at magsimula na lamang ng sarili mong negosyo,” anito.
Nang dahil sa pag-uusap na iyon, tila panibagong pinto ang bumukas para kay Hazel. Alam niya sa sarili niya na totoo ang sinabi ng kanyang propesor. Kaya naman agad niyang kinausap ang kanyang ama’t ina upang ipaalam ang kanyang balak na paghinto. Laking gulat din niya nang mabilis siyang sinuportahan ng mga ito.
Gamit ang kanyang galing sa pakikipag-usap at pakikisalamuha sa mga tao, sinimulan niya ang kanyang negosyo sa pagbebenta ng ilang produkto sa mga kakilala. Nang maka-ipon ay agad niyang ginamit ang perang pinagbentahan upang kumuha ng maliit na pwesto. Kahit pa kaliwa’t kanang tsismisan pa rin ang naririnig niya ay hindi nagpatinag ang dalaga. Sa tulong ng suporta at pagmamahal ng kanyang pamilya ay unti-unti niyang napalaki ang kanyang negosyo.
Tunay ngang kung ano ang sinimulan ng dalaga ay kanyang tatapusin. Ang negosyong nagsimula sa pagbebenta-benta sa mga kapitbahay ay lumago na sa isang napakalaking negosyo. Nang mapansin niyang malaki na ang kinikita niya, agad niyang ibinalik ang lahat ng pabor na ibinigay sa kanya ng kaniyang mga magulang. Lahat ng luho ng mga ito ay agad niyang ibinibigay. Naging napakasarap na ng buhay ng kanyang ama’t ina, at napakalaki naman ng pasasalamat ng dalawa sa kanilang anak.
Napanganga naman sa inggit ang mga magulang ng mga dati niyang kaklase na walang ibang ginawa noon kung hindi pagtawanan ang kanyang ‘kapurulan’. Sa ngayon ay si Hazel pa ata ang naging pinakamatagumpay sa kanilang lahat.
Gayunpaman, nanatiling mabait at mapagkumbaba ang dalaga. At dahil sa mga naranasan niya noong kabataan niya, nagtayo siya ng isang maliit na workshop para sa mga kabataang nais matutong magnegosyo sa murang edad. Para kasi sa kanya’y maraming bata ang nasasabihan ng bobo sa eskwela, ngunit hindi lamang nakikita ang talento nito sa ibang bagay. Layunin niyang ilabas ang galing at angking talento ng mga ito sa iba pang mga bagay.
Patuloy na umusbong ang negosyo ni Hazel dahil na rin sa kanyang walang humpay na determinasyon at pagsisikap. Laking pasasalamat niya na lang sa kanyang propesor na nagbigay ng bagong pag-asa sa akala niya’y patapon na niyang buhay noon.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!