Inday TrendingInday Trending
Matindi ang Away ng Mag-asawang Ito, ang Pakiki-alam ng Biyenan ang Naging Susi Sa Kanilang Pag-aayos

Matindi ang Away ng Mag-asawang Ito, ang Pakiki-alam ng Biyenan ang Naging Susi Sa Kanilang Pag-aayos

“Maghiwalay na lang kayo kung hindi ninyo kayang ayusin yang problema niyo!” sigaw ni Aling Gina.

“Anong akala niyo dito sa akin, ha? Estatwa?! Walang nararamdaman na may problema kayo? Pinag-uusapan na kayo sa labas. Hindi na kayo nahiya!” dagdag pa nito sabay hagis ng isang plato at nabasag ito.

“Minsan lang ako maki-alam sa inyo. Ayokong gawin ito dahil problemang mag-asawa ‘yan pero kung ganyan na kayo na hindi niyo na maayos at mukhang nagkanya-kanya na lang kayo e mas mabuti pang maghiwalay na lang kayo! Lalo ka na, Marvin! Anak pa naman kita! Binabastos mo yung asawa mo! Parang sinampal mo na rin ako!” galit na galit na ang ale at tumutulo na ang mga luha nito!

“Ikaw naman, Imee! Sinukuan mo rin agad ang asawa mo! Nagpakaladkad ka rin sa iba?! Ano bang kailangan niyong pampagising, ha?! Mawala na rin ako!?” sigaw ng ale sabay kuha ng kutsilyo at itinutok ito sa kaniyang sarili.

Dali-daling tumakbo si Marvin sa ale at kinuha ang kutsilyo na hawak.

“Ma! Tama na! Sige na mag-uusap na kami ng asawa ko, itigil mo lang ito!” paki-usap ni Marvin sa ina.

“Hindi kayo lalabas ng kwarto niyo hangga’t hindi niyo napagdedesisyunan kung anong gagawin niyo sa relasyon niyo! Kung magsasama pa kayo, pwes magsama kayo ng maayos! Kung hindi na, maghiwalay na lang kayo kaysa nakikita ko kayong parehas na sinisira ang isat-isa,” pahayag muli ni Aling Gina at saka pumayag na magpahatid sa kaniyang kwarto.

“Ikaw babae! Pumasok ka sa kwarto at mag-uusap tayo!” sigaw ni Marvin sa asawa.

Agad naman na nagpunas ng luha si Imee at sumunod din ito sa kaniyang mister.

Halos mag lilimang taon na ngayon na mag-asawa ang dalawa, parehas na silang may edad kaya naman nagpakasal na rin kaagad at nagsama. Dahil nasa 34 anyos na si Marvin ay gustong-gusto na niyang magka-anak at ganun din naman si Imee dahil nasa 28 anyos na rin siya. Parehas na enhenyero at nasa rurok ng kanilang mga trabaho ang dalawang ito.

Kasama din nila sa bahay ang ina ni Marvin na si Aling Gina. Mag-isa na lang kasi ito sa buhay dahil nauna na ang kaniyang mister nang dahil sa katandaan, at dahil nag-iisang anak si Marvin ay wala ng iba pang kukupkop sa ina.

“Ano nang gagawin natin? Magiging ayos pa ba tayo katulad ng dati?” tanong ni Imee sa mister pagpasok nila ng kwarto.

“Ewan ko. Hindi ko na rin alam, hindi ko talaga alam. Wala na akong gana sa relasyon natin, bahala kana,” saad ni Marvin sa asawa habang nakatulala ito sa malayo.

Lumabo ang naging samahan ng dalawa simula noong nagbuntis si Imee sa una nilang anak. Nabili na nila ang lahat ng kailangan dahil nga sa sobrang kasabikan nila sa paparating nilang anghel. Ngunit kaakibat din nito ang naging maselang pagbubuntis ni Imee.

“Mommy, huminto ka muna diyan sa work mo please? Para naman dito ka lang sa bahay oh,” paki-usap ni Marvin sa asawa.

“Naku daddy, pag sa bahay lang ako hindi ako matatagtag at isa pa alam mo naman na ayaw kong kasama ang nanay mo. Baka mahirapan ako manganak. At isa pa, nag-iingat naman kami ni baby,” sagot naman ni Imee sa mister.

“Bahala ka! pag may nangyari talaga sa anak ko magagalit ako sa’yo, sige ka!” baling muli ni Marvin sa babae.

Kasabay ng anim na buwang tiyan ni Imee ay ang sunod-sunod na proyektong nabibigay sa kaniya at kahit nga nabibigatan na siya sa dinadala ay ayaw talagang huminto ng babae dahil ngayon naman ay magtatayo sila ng hotel. Ngunit isang araw, parang napansin na lang niyang hindi na gumagalaw ang kaniyang anak sa loob kaya naman dali-dali silang nagpunta sa ospital.

At doon na nagsimula ang dagok sa kanilang buhay, halos dalawang araw na palang walang buhay ang bata sa sinapupunan ni Imee. Simula noon ay wala nang ibang sinisi pa si Marvin kundi ang asawa.

“Hoy Imee! Anong iniiyak-iyak mo diyan? ‘Di ba mas importante sayo yung trabaho?! Pumasok ka na! Umalis ka dito! Wala kang kwentang ina!” saad ni Marvin sa asawa nang makauwi ito sa kanilang bahay. Halos isang linggo nang nakatulala ang babae sa pagkawala ng kanilang anak.

“Wala kang alam sa sakit na nararamdaman ko bilang isang ina!” saad naman sa kaniya ni Imee at saka nagkulong ito sa kwarto.

Halos tatlong buwan na hindi nag-uusap ang dalawa at laging lasing si Marvin. Kung minsan din ay may uwi itong babae na pinapalayas naman kaagad ng kaniyang ina. Wala na rin itong ginawa kundi ang awayin ang asawa niya. Habang si Imee naman ay nagpaganda nang nagpaganda, sumasama na rin ito sa kaniyang mga barkada at nakikipag-inuman. Iyon ang nag-udyok kay Aling Gina na makialam na sa kanilang pagsasama.

“Hangang kailan mo ako paparusahan? Hangang kaialan mo ipapamukha sa akin na kasalanan ko ang lahat? Hindi mo na ba ako kayang patawarin?” tanong ni Imee sa mister habang umiiyak.

“Mas pinahalagahan mo kasi ang pride mo! ‘Yong trabaho mo! Sinabi ko na sa iyong huminto ka muna pero hindi ka nagpa-awat! Ayan nawala yung anak natin!” sagot naman ni Marvin saka binuksan ang bintana ng kanilang kwarto para manigarilyo.

“Oo kasalanan ko at pinagsisisihan ko yun. Kung sa tingin mo hindi ako nasaktan at hindi ako nagluluksa hangang ngayon, pwes nagkakamali ka. Ina ako Marvin, sa akin lumaki yung bata! Kaya kung may mas nasasaktan man dito, dapat ako ‘yon.”

“Hindi natin maayos itong pagsasama natin kung hindi mo kayang magpatawad. Asan ka noong gusto kong ayusin ang relasyon natin? Nandoon ka sa bar, umiinom at sinisisi ako, paulit-ulit mo akong sinisisisi sa bagay na kahit ako ay hindi ko ginustong mangyari!”

“Anak ko rin yun! Imbes na sinisisi mo ako e sana dinalaw na lang natin ang puntod ng anak natin. Edi sana mas inayos nalang natin ang pagsasama natin. Pwede pa naman e, pwede pa tayong sumubok ulit. Pero wala, mali ako. Ako na yung mali, ako na yung walang kwenta, ako yung dahilan ng lahat ng ito, patawarin mo sana ako Marvin. Kung hindi mo na talaga kaya, sige makikipaghiwalay na ako,” saad ni Imee at niyakap ang asawa ng saglit.

Inantay niya ito kung gagalaw ba ngunit hindi kaya naman itinigil na niya at hindi na siya nagsalita. Kinuha niya ang gamit bag at saka nagsimulang mag-impake.

Dahil sa sobrang tahimik ng kwarto at nagdadasal si Imee na pigilan siya ng asawa, naisip niyang patugtugin ang kantang Can’t Help Falling In Love, theme song nila iyon. Halos malapit nang matapos ang kanta at narinig ni Imee na humihikbi si Marvin, agad nya itong nilapitan at niyakap.

“Patawarin mo na ako, patawarin mo ako Marvin. Please! Isa pang pagkakataon, hayaan mong itama natin ito,” saad ni Imee sa asawa habang umiiyak sa likuran nito.

“Patawarin mo ako Imee, ako ang dapat mong patawarin dahil hinayaan kitang masakatan at dumagdag pa ako sa nararamdaman mo. Patawarin mo akong kinain ako ng galit at nakalimutan kong asawa nga pala kita. Nakalimutan kong pwede pa nating subukan ulit, imbes ay pinaramdam ko sayong katapusan na ng relasyon natin. I am sorry,” saad ni Marvin at niyakap niya ang asawa at hinalikan ito sa noo.

Kinaumagahan ay niyakap nila si Aling Gina at nagpasalamat dito, dahil kung hindi pa siya naki-alam sa kanilang away mag-asawa e baka ngayon ay tuluyan na silang naghiwalay. Lumipas rin ang isang taon at nabuntis nang muli si Imee. Ngayon ay masaya siyang huminto muna sa trabaho, at nanatili sa bahay kasama ang ina ni Marvin, ang butihin niyang biyenan na si Aling Gina. Dito niya napatunayan na hindi naman pala lahat ng kwento tungkol sa mga biyenan ay totoo dahil napakabait ng matanda.

Lumipas ang ilang buwan at nailuwal niya ang isang malusog at napakagandang sanggol. Magmula noon ay lalong napagtibay ang relasyon ng mag-asawa.

Advertisement