Inday TrendingInday Trending
Akala ng Mag-asawang Ito ay Maloloko Nila ang Batang Walang Pinag-aralan at Makukuha ang Bahay Niya, Sa Huli Papanig Pa rin ang Tama sa Bata

Akala ng Mag-asawang Ito ay Maloloko Nila ang Batang Walang Pinag-aralan at Makukuha ang Bahay Niya, Sa Huli Papanig Pa rin ang Tama sa Bata

“Ligaya, ikaw na ang bahala sa anak ko. Parang awa mo na,” naghihingalong saad ni Aling Maria.

“Diyos ko naman Maria! Alam mo namang sampu ang anak ko! Huwag ka munang malalagutan ng hininga ngayon!” sigaw naman ni Aling Ligaya habang niyuyugyog ang katawan ng babae.

“Hindi ko na kaya pa, Ligaya…” ang mga huling salita ni Aling Maria at doon na bumaha ng luha, luha ng kaniyang nag-iisang anak na si Lissy Ann na noon ay anim na taong gulang lamang.

Matagal na nakipaglaban ang ale sa kaniyang malubhang sakit at ngayon nga ay sumama na rin siya sa kaniyang asawa para katagpuin sa langit. Wala nang ibang kamag-anak ang mag-ina at tanging bahay na bato lamang ang iniwan sa kanila ng yumao na rin nitong asawa nang dahil sa gyera.

“Lissy Ann, pasensya ka na at mais na gulay ang ulam natin. Alam mo naman na sampo itong anak ko, kaya pagtiisan mo nalang iyan ha,” saad ni Aling Ligaya sa bata.

Si Aling Ligaya na ang kumopkop sa bata kahit pa nga hirap din ito sa buhay. Wala naman siyang magawa at naaawa din siya sa bata dahil mag-isa nalang ito sa buhay. Pintor ng bahay ang asawa nitong si Mang Fabian at dahil sa maliit na sahod ay hindi na rin nila nagagawa pang pag-aralin ang mga anak.

“Ayos lang po, Aling Ligaya. Kung gusto niyo po ay doon na lang tayo tumira sa bahay namin dahil mas malaki po iyon kaysa rito para hindi na rin po tayo nagsisiksikan pa,” saad ni Lissy Ann.

Sila Lissy Ann ang may pinakamalaking bahay sa kanilang baryo at ang bahay na nag-iisang naitayo na purong bato at semento, dahil sa magandang trabaho ng kaniyang tatay noon ay napakapagpatayo ito ng magarang bahay.

Agad naman na lumipat sila Aling Ligaya sa bahay ng bata kahit pa nga ayaw niya doon dahil pakiramdam niya ay magmumulto si Aling Maria ano mang oras.

“Ayos na rin palang nawala si Maria e, instant ganda ng bahay natin. Wala pa tayong inuupahan. Mabuti na lang sayo napunta yang bata dahil ibig sabihin sa atin na rin itong bahay,” saad ni Mang Fabian habang iniikot ang pangalawang palabag ng bahay.

“Hoy, Fabian! Itigil mo nga yang bibig mo at baka marinig ka ng bata! Isipin pa nun ay ito lang habol natin sa kaniya kaya natin siya kinupkop tsaka mamaya multuhin ka ni Maria!” sagot ni Aling Ligaya.

“Ligaya, matakot ka sa tao at doon sa mga pinagkaka-utangan natin, hindi sa multo! Sa atin na itong bahay at tayo na ang may-ari nito!” wikang muli ng lalaki.

Lumaki na si Lissy Ann at hindi na siya nakapag-aral pa. Sa edad na 13 anyos ay hindi parin alam ng dalaga isulat ang kaniyang pangalan at nalulubog na rin sila Aling Ligaya sa kakasugal ng asawa nito.

“Hoy Ligaya! Nasaan na ‘yong ampon mo? May pera bang nadelihensya ‘yon sa’yo ngayon? Wala na tayong pera!” sigaw ni Mang Fabian.

“Sugal ka kasi nang sugal! Nagtitinda pa rin ng balot yung bata sa kanto, mabuti pa nga ‘yon at may naabot sa akin kahit paano!” sigaw ni Aling Ligaya.

“Aba syempre naman dapat lang! Walang libre ngayon sa mundo!” saad muli ni Mang Fabian.

“Pero mahal, maiba tayo. Pwede natin pagkakitaan itong bahay ni Lissy Ann,” dagdag pa nito ay sabay lapit sa asawa na nag-aayos ng mga chicharong ititinda.

“Pwede natin ibenta itong bahay, milyon rin ang halaga ng ganito. Pagkatapos noon e magbabayad tayo ng kaunti sa mga utang at lilipat ng maliit na bahay. ‘Di ba ayaw mo rin naman dito?” bulong ni Mang Fabian sa asawa.

“Milyon?” tanong ng ale.

“Oo mahal, milyon! Sabi ng kasugal ko e pwede tayong maging instant na mayaman pag nabenta natin itong bahay. Hindi naman nga aabot ng milyon ang mga utang natin kaya malaki ang matitira. ‘Yong mga anak naman natin ay lumalaki na, magsisipag-asawa at aalis na sa atin kaya pwede na tayo tumira sa maliit na bahay at may milyon pa!” wika ni Mang Fabian.

Kaya naman agad nilang inasikaso ang mga papeles ng bahay.

“Lissy Ann! Anak, marunong ka ba pumirma?” tanong ni Aling Ligaya sa bata.

“Naky tiyang, hindi ho. Ano po ba iyon?” baling ng bata.

“Yun yung mga ano, basta oh, sulat ka kahit ano dito, kahit tuldok o kaya bilog,” saad namang muli ng ale.

Pumirma nga si Lissy Ann sa mga papeles na binigay sa kaniya ng ale habang wala siyang kaalam-alam sa ginagawa ng mag-asawang pagbebenta ng bahay na iniwan sa kaniya ng mga magulang.

“Tiyang, ano ho ba iyan?” tanong ni Lissy Ann sa ale.

“Naku para sa barangay lang ito. Oh siya sige na, maglaba ka na muna diyan at may darating mamaya na bisita sa salas. Kung pwede e huwag ka na munang lumabas. Mga ‘Kano kasi iyon,” saad ng ale at inabutan ito ng sorbetes.

Kinahapunan at dumating ang isang amerikano at may kasamang babae.

“Fabian! sabi mo sa akin e kano lang yung bibili ng bahay? Bakit may pinay na kasama? Mamaya mahuli tayo niyan!” bulong ng ale habang kumakaway sa mag-asawang paparating sa kanilang bahay.

“Ano ka ba? Legal lahat ng papeles natin at may pirma na rin ni Lissy Ann lahat yan! ‘Wag ka ngang matakot at baka ‘yong milyon natin e maging bato pa,” saad naman ng lalaki sa asawa.

“Good afternoon sir! Welcome, welcome to beautiful stone house. See oh, it’s strong! No flood can, can akyat-akyat!” saad ng ale habang pinipilit na ma-aksyon ang baha na hindi makakapasok sa bahay.

“Magandang umaga ho, ako po ang misis ni William at ‘wag po kayo mag-alala marunong kami magtagalog, hindi niyo na po kailangang pang mag-english,” nakangiting saad ng babaeng si Ms. Divine at saka nito tinanggal ang sumbrero niyang pang-donya ang datingan.

Ngumiti lamang ang ale sa kaniyang pagkakapahiya.

“Bakit niyo nga po pala naisipang ibenta ang bahay? At nasaan na po ang anak ni Maria? Bakit po bilog lang ang pirma niya?” tanong ni Divine.

“Naku sa totoo lang nga e may malubhang sakit ang batang iyon. Tinanong namin kung sigurado siya sa pagbebenta ng bahay, sabi naman niya ay oo raw para mapagamot na siya at makatulong daw sa amin. Napakabait ng batang iyon at napakalambot ng puso kaya kahit masakit ay ibebenta namin itong bahay at kailangan namin kaagad ng pera para sa kaniya,” saad ni Mang Fabian habang nakayuko.

“Sige ho, kukuhanin namin lahat ng papeles ngayon at isasama namin kayo muna sa munisipyo para manotaryo at maayos natin ang lahat,” saad ni William sa mag-asawa.

“Totoo ho bang babayaran niyo kami ng 2.5 milyon?” saad ng ale habng nagpupunas ng luha.

“Wag po kayong mag-alala sa pera dahil ibibigay po namin iyon,” sagot naman ni Divine.

Umalis si Mang Fabian at Aling Ligaya kasama ni William at pumunta na ng munisipyo. Nagpaiwan si Divine sa bahay dahil nais niyang libutin ang bahay.

“Hello po!” sigaw ng mga anak ni Aling Ligaya nang buksan niya ang isang kuwarto. Kumaway lang ang dalaga at saka sinarang muli.

Bumaba ito at nagpunta sa likuran para tignan kung may mapaglalagyan siya ng mga halaman, doon nakita niya si Lissy Ann na naglalaba. Hindi bumati ang bata at ngumit lang ito sabay balik sa pagkukuskos ng mga damit.

“Ay ang ganda naman! Ang daming halaman! Sana iwan na lang ito dito ni Aling Ligaya ako na lang mag-aalaga,” pahayag ni Divine habang hinahawakan ang mga tanim na bulaklak.

“Alaga ko po sila, pwede ko naman po ibigay sa inyo kung gusto niyo.” saad ni Lissy Ann.

“Talaga?! Sige sige idadagdag ko nalang sa bayad itong mga ito,” baling ni Divine.

“Kahit hindi niyo na po bayaran, pwede na po kayong kumuha,” saad muli ng bata.

“Ang bait mo naman, pero teka hindi ko kukuhanin. Dito na kasi kami titira, teka anong pangalan mo? Anak ka rin ba ni Aling Ligaya?” tanong ni Divine.

“Ho? Ano hong titira? Lissy Ann ho ang pangalan ko at hindi ho ako anak ni Aling Ligaya,” saad ng bata.

“Lissy Ann? Wala kang sakit? Alam mo bang ibinenta na ito ni Aling Ligaya sa amin?” saad ni Divine.

“Ibinenta ho?” tanong ng bata at saka bumagsak ang mga luha nito.

“Baka hirap na silang palakihin ako at kailangan nila ng pera baka kaya ibinenta itong bahay,” dagdag pa ni Lissy Ann at tumutulo ang luha.

“Hindi! Niloloko ka lang nila at huwag kang papayag na ibenta itong bahay dahil ikaw lang ang dapat na makinabang dito!” pahayag ni Divine sa bata.

Hindi na inantay pa ni Divine na sumagot si Lissy Ann at dali-dali niyang tinawagan si William para bumalik doon at ihinto ang proseso ng bentahan. Sinabihan rin ni Divine na irereport nila ang mag-asawa sa pangloloko kung hindi nila ihihinto ang ginagawang pagbebenta sa bahay na hindi alam ng bata. Nangako namang hindi na nila muling gagawin iyon at pagbigyan na sila ngayong makalusot.

“Tiyang, Tiyong. Huwag niyo po ibenta ang bahay dahil ito na lang ho ang tanging alaala ko sa mga magulang ko. Kung gusto niyo ho talaga ng pera pwede naman ho nating paupahan ang ibang espasyo ng bahay para may buwan-buwan po kayong pera,” saad ni Lissy Ann kay Aling Ligaya.

Umiyak at niyakap na lamang niya ang bata tsaka sila humingi ng tawad dito. Simula noon ay pina-upahan na nila ng ibang kwarto ng bahay at iyon na ang naging kabuhayan nila.

Magmula noon ay kailanma’y hindi na sinubukan ng mag-asawa na lokohin o lamangan ang bata. ‘Di nagtagal at natutunan na rin nilang mahalin ang bata at ituring na sarili nilang anak.

Advertisement