Inday TrendingInday Trending
Naging Napakalupit ng Gurong Ito Pagkatapos ng Kaniyang Kasal, May Malalim Pala Itong Pinagdadaanan

Naging Napakalupit ng Gurong Ito Pagkatapos ng Kaniyang Kasal, May Malalim Pala Itong Pinagdadaanan

“Alam mo simula noong kinasal iyang si Teacher Mirasol ay saka naman naging sobrang sungit!” saad ng isang babaeng guro.

“Naku! Balita ko pa nga ay namingot at nagpatayo raw sa upuan yan noong nakaraan. E sa halos sampong taon niyan sa serbisyo ay hindi pa yan nanakit ng mga bata, ano kayang nangyari?” tanong muli ng isa pang guro.

Tumigil ang pag-uusap ng mga ito ng pumasok si Mirasol sa faculty room at binagsak niya ang kaniyang kamay sa mesa. Nagulat naman ang ilang guro na nakaupo doon at hindi na lamang nagsalita.

Isang masiyahin at napakasipag na guro ni Mirasol sa mababang paaralan sa kanilang lugar. Palagi pa nga itong nilalapitan ng ilang mga magulang para sa kaniya i-enroll ang mga anak dahil magaling raw magturo ang babae at napakamalapit sa puso ng mga bata.

Bukod pa roon ay isa rin siyang mapag-arugang anak at paboritong tiyahin ng kaniyang pamilya. Bunso ang babae sa kanila at ang lahat ng mga kapatid nito ay may anak kaya naman sanay na sanay siya sa mga bata dahil sa kaniya lumaki ang mga pamangkin.

“Alam mo Mirasol, napakasuwerte ng magiging anak mo dahil napakamaalaga mo sa mga bata. Sigurado akong pagpapalain ka ng Diyos ng mababait na supling!” saad ng kaniyang Ate Lourdes.

“Ewan ko ba diyan kay Mirasol at napakalakas ng kapangyarihan sa mga bata. Isang hawak o ngiti lang ay napapa-amo na niya agad. Kaya bagay talaga sayo bunso yang kinuha mong kurso! Ikaw ang pinaka the best na guro!” dagdag naman ng isa niyang kapatid na si Ines.

“Naku! Tigilan niyo na ako! Hindi naman ako nagrereklamo sa pag-aalaga dito sa mga pamangkin ko kaya hindi niyo na ako kailangan pang bola-bolahin,” baling naman ng dalaga sa mga kapatid habang hawak niya ang knaiyang pamangkin.

“Anak, huwag kang mag-alala! Pagpapalain ka ng ama sa mga kabutihang ginagawa sa mo sa mga bata,” wika ni Aling Mia ang ina ng dalaga.

“Naku! Ayan pati si mama e nasama niyo na sa pang uuto sakin!” tumatawang sagot naman ni Mirasol sa kaniyang pamilya.

Halos lumaki ang dalaga na napapaligiran ng mga kabataan. Siya rin ang nag-alaga sa lahat ng pamangkin habang ang mga kapatid niya ay nagpalakas sa panganganak. Kilala rin siya sa kaniyang libreng pagtuturo tuwing araw ng linggo sa kanilang lugar.

Napakabait ng dalaga at kahit pa nga sinong tanungin ay iyon ang sasabihn tungkol sa kaniya. Pinagpala rin si Mirasol sa pag-ibig dahil natagpuan niya ang lalaking nagpatibok at tuluyang kumandado sa kaniyang puso, ang dati nitong nobyo na ngayon ay asawa na ng dalaga, si Richard.

Halos anim na buwan na ng ikinasal ang dalawa. Masayang-masaya sila dahil alam nilang ibinigay sa kanila ng Diyos ang tamang pagkakataon, panahon at mga tao, Parehas na unang nobya at nobyo nila ang isat-isa kaya matamis nilang pinagsaluhan ang basbas ng maykapal.

Ngunit nitong mga nakaraang buwan ay naging napakasungit ni Mirasol sa mga bata. Hindi lamang basta masungit bagkus napagbubuhatan na niya ito ng kamay.

“Bobo ka! Nangongopya ka! Huling-huli kita!” sigaw ni Mirasol sa batang lalaki sabay hila nito sa patilya ng bata para matayo. Nangungurot naman siya sa batang babae kapag maingay ito at masyadong magulo.

“Mirasol, may problema ba? Gusto mo ba munang mag bakasyon? Marami na kasing nanay na nagrereklamo sa’yo dahil sinasaktan mo raw ang mga estudyante mo,” pahayag ng prinsipal ang eskwelahan.

“Pagdidisiplina ho ang tawag doon. Pasensya na ho kayo, may pinagdadaanan lang ho ako na sobrang bigat,” sagot ng dalaga at umuwi na rin ito agad. Humingi rin ito ng isang buwang bakasyon.

“Richard, nandito na ako,” wika ng babae pagkarating niya sa bahay.

“Hello mahal! Maaga ka yata ngayon? Sakto! Nagluto na ako ng hapunan natin!” masiglang bati ni Richard sa asawa.

“Bakit mo pa ginagawa yan? ‘Di ba dapat inaasikaso mo na yung papeles ng paghihiwalay natin? Maghiwalay na tayo Richard habang maaga pa. Habang kaya ko pa!” baling ng babae at umupo ito sa kanilang sofa.

“Ito na naman ba tayo, kakarating mo lang iyan na nanaman ba ang pag-uusapan natin? ‘Di ba sinabi ko naman sayo na hindi kita bibitiwan? Hindi kita iiwan!” mariing saad naman ng lalaki.

“Pwede ba? Itigil mo na yang mga ganyang salita mo! Bakit ba hindi mo ako sisihin? Bakit hindi mo sabihin sa akin na dapat sinubukan muna natin bago tayo nagpakasal, na kasalanan ko! Na wala akong kwenta! Sabihin mo yun lahat kasi tatangapin ko! Tatangapin ko Richard!” sigaw naman ni Mirasol at halatang galit na galit ito dahil naka-kuyom ang dalawa nitong mga kamay.

“Hindi ko sasabihin ‘yan dahil hindi ‘yan totoo, Mirasol!” baling ng lalaki at saka inihinto ang paghahanda sa kanilang kakainin.

“E ano ang totoo? Na baog ako!? Na hindi kita kayang bigyan ng anak! Na wala akong kwentang babae dahil kahit kailan ay hindi kita mabibigyan ng supling?! Na walang kwenta itong matres ko! Na walang kakayahan mag buntis yung babaeng pinakasalan mo!” sigaw muli ni Mirasol habang sinusuntok niya ang kaniyang tiyan.

Agad naman na lumapit si Richard sa asawa at saka ito niyakap ng mahigpit.

“Sa hirap at ginhawa, sa sakit at pagdurusa magiging asawa kita,” bulong ni Richard sa babae at doon na ito umiyak.

“Alam kong nahihirapan ka, mas mahirap para sayo ang lahat ng ito. Pero gusto ko lang malaman mo na hindi kita pinakasalan ng para lang bigyan mo ako ng anak, pinakasalan kita dahil mahal kita. Dahil ikaw yung gusto kong makasama habang buhay, ikaw yung babaeng gusto kong makatabi sa bawat pagtulog at pagmulat ng aking mga mata. Ikaw yung gusto kong kasama sa pagtanda,”

“Mahal kita, at kung kasama noon ang hindi natin pagkakaroon ng anak ay buong puso ko itong tatangipin. Walang may gusto sa atin nito at nais ko lang sabihin sayo na hindi ito ang makakasira sa atin, sa pangarap at pagmamahalan natin. Mahal na mahal kita Mirasol, kaya hayaan mo sana akong samahan kita sa laban ng buhay at sa mga darating pang pagsubok. Asawa mo ako kaya ‘wag mo akong sukuan dahil ako hinding-hindi kita bibitiwan,” pahayag ni Richard. Parehas na umagos na ang luha ng dalawa.

Pagkatapos ng isang buwang bakasyon ni Mirasol sa trabaho ay bumalik na siya sa pagtuturo, kasama ng dedikasyon at pagmamahal nito sa mga bata.

Pagkalipas ng tatlong taon ay nag-ampon ang dalawa at ngayon ay namumuhay bilang isang masayang pamilya.

Advertisement