Nagtataka ang Ice Cream Vendor Kung Bakit Hindi Nagsasawa sa Ice Cream ang Suki Niya, Napangiti Siya nang Marinig ang Dahilan Nito
Matagal nang nagtitinda ng ice cream si Mang Ernie. Dito niya binuhay ang kanyang mga anak, at ito rin ang bumubuhay ngayon sa kanyang mga apo. Ngunit hindi kapares noon, mas mahirap na ang buhay ngayon, mas mahal ang bilihin, mas magulo ang mundo, at syempre mas mahina na ang katawan niya. Walang araw na hindi hapung hapo ang matanda dahil sa malayong nilalakad, maghapong pagkalembang sa bahay bahay kung gustong bumili ng ice cream. Minsan naitatanong ng matanda sa sarili kung kailan ba siya makakatikim ng kaunting ginhawa, iyon bang gigising siya isang araw na hindi niya na kailangang problemahin ang kakainin ng pamilya niya; puro na lang ba hirap? Namamanas ang kanyang mga paa, at namamanhid na ang mga kamay. May mga umagang ayaw niyang bumangon dahil masakit pa ang katawan sa maghapong pagbabanat ng buto kahapon pero, makikita niya ang mga maliliit na apong kumakalam ang sikmura. Iyon lamang ang nagbibigay lakas sa kanya para bumangon. Nahiling niyang sana ay kasing simple na lang ng buhay noon ang ngayon, pero habang tumatagal kasi ay nalulubog ang pamilya niya sa kahirapan. Lalo na ngayon, taglamig at matumal ang ice cream. Wala naman siyang alam na ibang hanapbuhay dahil grade 5 lang ang natapos niya. Hindi makakauwi ang matanda na walang dala dala para sa mga apo kaya kahit pagud na pagod na at sige ang lako niya sa lansangan. “Ice cream!” sigaw ng boses na nagmumula sa loob ng gate. Napangiti si Mang Ernie, kilala niya na ang boses na iyon. Si Andrew, ang 16 years old na binatilyong suki niya. Nasubaybayan niya halos ang paglaki ni Andrew dahil maliit pa lang ito ay bumibili na sa kanya. Nagtataka siya dahil sa araw araw na ginawa ng Diyos, umulan bumagyo ay bumibili ito ng ice cream. Kahit nga may sakit ito noon na pamamaga ng lalamunan at bumili pa rin ito sa kanya. “Ilan toto?” tanong niya rito. “20 pesos, may baso ako ‘tay. Dapat kasi may apa ka na pang 20 pesos! hahaha!” biro nito sa kanya. “Ikaw naman, ikaw lang din ang makakaubos noon dahil giniginaw ang mga tao ngayon,” nakangiting sagot niya naman dito. “Tay, ayan pala ang tropa ko. Dagdagan mo na ng isa pang tig 20, kukuha lang akong baso sa loob.” sabi nito, natanaw nga ni Mang Ernie ang isa pang binatilyo sa gate ng bahay nina Andrew. Matapos pagbilhan ang dalawa ay lumiko na si Mang Ernie, ngunit hindi pa man din siya nakakalayo ay narinig niya nang nag uusap ang mga ito. “Bakit mo ako binili? Kalamig lamig eh! Bala ka kainin mo mag isa yan,” sabi ng binatilyong kaibigan ni Andrew. “Di sige, lalagay ko sa ref naming kakainin ko mamaya.” sagot naman dito ni Andrew. “Bakit ba bili ka ng bili dyan? Di ka ba nagsasawa sa ice cream?” tanong ulit ng binatilyo, napatigil ang matanda dahil maging siya man, nagtataka kung bakit araw araw ay bumibili si Andrew sa kanya, bagamat natutuwa naman siya. Tumaba ang puso niya sa sinagot ng binatilyo. “Tulong ko na yan kay tatay, ayaw ko siyang bigyan ng pera dahil ayaw kong maramdaman niyang kawawa siya. Kaya kahit ayaw ko ng ice cream, bumibili ako para kahit papano may kita siya.” simpleng sagot nito. Kay laki ng ngiti ng matanda, napakabuti ng puso ng kanyang suki.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!