Kahilingang Kapahamakan
Maraming naiinggit kay Kylie. Bakit nga naman hindi? Parang isang modelo ang itsura ng labing pitong taong gulang na dalaga. Sikat na sikat sya sa kanyang unibersidad, maganda siya, matalino, mabait at higit sa lahat mayaman.
Maraming kababaihan ang nais makipagpalit ng posisyon sa kanya. Sa tuwing dumaraan si Kylie sa may pasilyo, hindi talaga maiiwasan na pagtinginan siya, dahil sa kahali-halina niyang personalidad.
Isang businessman si Manuel, ang Daddy ng dalaga at ang Mommy naman niya ay pumanaw limang taon na ang nakalilipas dahil sa malubhang karamdaman. Kaya ganoon na lamang ang pag-aalaga ng kanyang ama sa kanya. Itinuring niya si Kylie bilang isang prinsesa.
Laki man sa marangyang pamumuhay si Kylie, pero hindi lahat ng luho ay madali niyang nakukuha.
Isang umaga bago pumasok si Kylie sa paaralan, pinipilit niyang magbago ng isip ng kanyang Daddy Manuel tungkol sa pagkakaroon niya ng sariling kotse at ang hiling na hindi na magpahatid pa sa driver.
“Dad! Please? Anu po bang kailangan kong gawin para magkaroon na ng sarili kotse?” halos nagmamaktol na sambit ng dalaga sa ama.
“Alam mo naman po na ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko sa school. Straight Dean’s Lister naman ako mula pa noong 1st year college!” pagmamalaki ng dalaga.
“Dad! Please, gusto ko na po ng sarili kong sasakyan. Alam niyo naman ang model na gusto ko,” Sabay ngiti ng malaki habang pinipilit niya ang kanyang Daddy Manuel.
“Wala namang mali na ipahatid kita sa driver natin. At technically, hija, sa iyo na rin iyang ginagamit mong sasakyan,” pagpapaliwanag ni Manuel.
“Pero Dad naman! Ito lang naman po ang hinihiling ko sa inyo…” mabilis na sagot ni Kylie.
“Saka baka nakakalimutan mo lang naman Dad, gusto ko lang naman ipaalala na next month na ang debut ko. Baka lang naman po maisipan n’yo akong bilhan ng regalo. Alam nyo na po ang gusto ko. Kahit po wala na pong party, Dad please?!” paglalambing ni Kylie sa ama.
“Ikaw talagang bata ka. Alam mo naman na iniingatan lang kita. Saka ilang buwan na din nating inaayos iyang debut party mo. Kabilin-bilinan ng Mommy mo sa akin noon na dapat maging enggrande ang party na yan,” sagot ni Manuel. “Pero, huwag ka nang malungkot. Hayaan mo at pag-iisipan ko, anak,” dagdag nito.
Nakangiting pumasok ng sasakyan si Kylie at inihatid na siya ng kanilang driver sa unibersidad. Konting pilit na lamang ni Kylie at tiyak na hindi na siya mahihindian ng ama. Alam na alam niya na siya ang kahinaan ng kanyang Daddy Manuel. At bakit nga naman hindi sya pwedeng pagbigyan, totoo naman ang sinasabi niyang pinagbubutihan niya ang pag-aaral.
Sa totoo lamang ay hindi pa siya nagkakaroon ng boyfriend. Marami siyang mangliligaw, ngunit laging prayoridad ni Kylie ang kanyang pag-aaral, dahil nangako siya sa kanyang mga magulang na balang araw, siya na ang hahalili sa ama sa kanilang business.
Mainam na pinag-isipan ni Manuel ang mga sinabi ng dalaga. Naisip niya na panahon na nga naman upang magkaroon ito ng sariling kotse. Wala namang ibang hiniling ang dalaga kung hindi ito. Alam nyang hindi na niya mapipigilan ang anak. At kung tutuusin, wala naman talagang tulak kabigin si Manuel dito, dahil nakapabait na anak ni Kylie. Kaya naisip niya na surpresahin ang dalaga.
Nakalipas na ang isang buwan at naganap na ang pinakahihintay na araw para sa dalaga. Debut Party na ni Kylie.
“Parang kailan lamang anak, buhat pa kita sa mga bisig ko. Ngayon, ganap ka nang dalaga. Salamat anak at kahit kailan ay hindi mo kami binigo ng Mommy mo. Alam ko kung nasaan man sya, napakasaya niya na makita kung ano ka na ngayon,” naluluhang sambit ni Manuel habang isinasayaw ang anak.
“Kaya anak, ito na ang pinakahihintay mo…”
Tagos sa pusong ngiti ni Manuel ang makikita habang inabot niya ang isang kahon.
“Happy 18th Birthday, anak,” pagbati ng ama.
Binuksan ni Kylie ang kahon at laking gulat niya na makita ang isang susi. Susi ito ng kanyang bagong sasakyan.
“Oo, anak! Pinahihintulutan na rin kita na mag drive mag-isa. Pero ipangako mo sa akin na iingatan mo ang iyong sarili ha?” pahayag ni Manuel.
Walang mapaglagyan ng kasiyahan ang dalaga. At nangako naman siya sa ama na gagawin ang lahat para maging ligtas siya.
Ilang linggo na rin ang nakalipas. Nagkayayaang magpunta sa isang party sina Kylie at mga kaibigan niya. Dala ni Kylie ang sasakyan tulad ng nakagawian.
Nang kinagabihan, tumawag si Kylie sa kanyang ama upang sabihin na pauwi na siy. Nakita niya ang isang kaibigan na hindi na makalakad ng maayos dahil sa sobrang kalasingan, kaya nag boluntaryo siya na ihatid ito sa kanilang bahay.
Nang maihatid niya ang kaibigan, dali-dali na rin siyang nagmamaneho pauwi ng kanilang bahay, nginit sa hindi inaasahang pagkakataon, may isang kotse sa gilid niya ang pilit siyang ginigitgit.
Maya-maya lamang ay nakarinig na siya ng isang matinding galabog. Binangga siya ng nagigitgit na sasakyan. Nataranta siya at agad inisip ang maaring sira ng kotse, kaya sa sobrang inis at pagkabahala, nagmadali siyang bumaba ng sasakyan at tiningnan kung may sira ang kotse. Ngunit bigla na lamang siyang dinakip ng mga kalalakihang sakay ng kotseng bumangga sa kanya.
Madaling araw na at sobra ang pag-aalala ni Manuel na wala pa ang anak. Hindi naman ito nangyari kahit kailan at tumawag naman ang dalaga upang sabihin kung male-late siya ng uwi.
Sa pag-aalala ni Manuel pagkat hindi sumasagot sa cellphone ang anak, dali-dali nya itong hinahanap.
Lumipas ang mga dalawang araw at wala pa ring Kylie na umuuwi ng bahay. Hanggang isang balita na ang gumimbal sa kanya. Natagpuan na daw ang sasakyan ni Kylie sa isang masukal na talahiban sa Rizal at sa ‘di kalayuan ay ang hubad at wala ng buhay na katawan ng anak.
Halos pagsakluban ng langit at lupa si Manuel sa nalaman ito. Lalo na nang makita niya ang kahindik hindik na sinapit ng kanyang anak.
Hindi nya matanggap ang mga pangyayari. Halos sumabog ang puso ni Manuel dahil ni sa hinagap ay hindi nya inaasahan na mangyayare ito sa kanila.
Wala na lamang nagawa ang lalaki kundi yakapin ang wala ng buhay na si Kylie at pagsisihan ang pagpayag sa kagustuhan ng anak.
“Kung sana ay hindi na lamang ako bumili ng kotse at hindi ko na lamang sya pinayagan na mag drive na mag-isa, hindi sana mangayayare ito!
“Diyos ko, ang anak ko!” Sising sisi na sambit ng nagsusumamo na ama.
Mabuti na lamang at natukoy din ang mga salarin sa ginawang panghahalay sa dalaga. Ilan pala sa mga suspek ay kaibigan din niya. Matagal na pala nilang pinagplanuhan ang masamang gawaing iyon sa dalaga.
Nawa’y maging aral din ito sa mga kabataan. Hindi sa lahat ng pagkakataon na gustuhin natin ang isang bagay ay nangangahulugang kailangan talaga natin ito. May mga pagkakataon na matuto tayong makinig at makontento sa payo ng ating mga magulang.
Minsan, ang bagay na ating ipinagpipilitan ay siya pa palang magdadala sa atin sa kapahamakan.