Inday TrendingInday Trending
Ang Wonder Nanay ni Maymay

Ang Wonder Nanay ni Maymay

Kung may iniidolo man sa buhay si Maymay, iyon ay walang iba kundi ang kanyang nanay.

Laging maaga kung gumising ang kanyang nanay. Mga alas kuwatro pa lamang ng umaga, maririnig mo na ang mga kaluskos nito sa kanilang banggerahan. Inihahanda ang mga batya, timba, at ang mga palo-palo. Isang labandera ang kanyang nanay. Walang hindi nakakakilala kay Marta Labandera sa kanilang lugar.

Napakahusay maglaba ng kanyang nanay. Mano-mano at kinukusot nito nang maigi ang mga kwelyo at lahat ng bahagi ng damit, salawal, pantalon, kurtina, kumot, mga punda, at maging mga kobre-kama lalo na kapag saksakan ng dumi. Natatandaan ni Mamay, tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre ay tambak ang kanilang mga natatanggap na mga palabada: mula kay Misis Cruz na kilalang mapera sa kanilang lugar, mula sa kalapit na kainan (para sa mga mantel at kurtina), at sa kung sino-sino pang abala sa buhay na hindi na maharap ang paglalaba.

Sa kabilang banda, naaawa na rin siya sa kanyang nanay. Kitang-kita niya ang mga kalyo sa kulubot nitong mga kamay. Gusto niya sanang paghahalikan ang mga ito. Subalit hindi mapapahinto sa paglalaba ang kanyang nanay, kahit na may iniinda itong sakit sa katawan. Aanhin ang sakit ng katawan kung sakit sa bulsa ang kalaban?

Ang kanyang tatay na si Fausto ay nakaratay sa banig ng karamdaman. Baldado na ang katawan nito dahil sa stroke. Inako na ni Marta ang responsibilidad sa pagbuhay sa kanilang pamilya.

Nabago ang “kasikatan” ng kanyang nanay nang sumulpot ang isang laundry shop sa kanilang lugar. Naagaw nito ang mga dating customer ng kanyang nanay, maliban kay Misis Cruz. Malaki kasi ang utang nila rito dahil sa ipinanggamot at ipinampaospital sa kanyang tatay. Narinig niya minsan, na sinasadya talaga ni Misis Cruz na tambakan ng mga labahan ang kanyang nanay para umano makabawas-bawas sa mga utang nito. Hindi kailanman nagreklamo ang kanyang banay. Dahil sa laundry shop, humina ang kita nila. Labis na namroblema si Marta.

Tuwing gabi, naririnig ni Maymay ang lihim at tahimik na paghikbi ng kanyang nanay. Batid niyang nahihirapan na rin ito sa buhay. Bagama’t tatlo lamang sila sa bahay, malaking pera ang dapat gugulin sa pagbabayad ng mga utang, pambili ng gamot sa kanyang tatay, at pang-araw-araw na gastusin. Gustuhin mang tumulong ni Maymay, anong magagawa niya? Siya ay nasa Grade 5 pa lamang. Sa tuwing tutulungan niya ang nanay sa paglalaba, pagagalitan siya nito. Mag-aral daw siyang mabuti upang hindi matulad sa kanya na nakatuntong lamang sa elementarya.

“Eh ‘nay, Grade 5 na rin naman ako… isang taon na lamang at tapos na rin ako ng elementarya…”

“Hindi. Basta’t makinig ka sa akin. Huwag matigas ang ulo.”

Subalit gusto talaga niyang makatulong sa pinakamamahal niyang nanay. Eh kung magtinda kaya siya? Naku, pihadong magagalit iyon. Eh kung magtrabaho siya nang palihim? Naku, baka paluin siya’t hindi na pansinin kailanman.

Isang araw, habang nagba-browse sa kanyang Facebook si Maymay, isang patalastas ang nakapukaw ng kanyang atensyon. Nananawagan ang isang sikat na detergent soap ng mga tunay na labandera na mag-audition sa isang TV commercial na gagawin nila. Kinakailangang videohan nang palihim ang naturang labandera, i-upload, at ipaliwanag ang dahilan kung bakit ito ang karapat-dapat na maging instant endorser ng naturang produktong panlaba. Isang magandang ideya ang pumasok sa isipan ni Maymay. Isasali niya ang kanyang “Wonder Nanay”!

Dahil wala siyang sariling cellphone, pinakiusapan niya ang kanyang kalarong si Natalie na mahiram muna ang cellphone nito upang makuhanan ng video ang kanyang nanay habang naglalaba ito. Wala itong kamalay-malay sa ginagawa ng anak. Matapos ang pagkuha nang palihim, inupload na ito ni Maymay. Wala pang isang araw, tumabo na sa halos 900,000 views, 145, 000 likes at 5,674 shares ang video ng kanyang nanay. Bakit nga ba hindi magiging interesado ang panonood dito, dahil naaktuhan niyang sumasayaw-sayaw at kumakanta-kanta ang kanyang Nanay habang naglalaba! Malamyos ang tinig ng kanyang nanay!

Walang kamalay-malay si Marta na sikat na siya. Nagulat na lamang siya sa mga pagbati ng kanyang mga kapitbahay, habang ipinakikita sa kanya ang viral niyang video.

Nakipag-ugnayan na rin ang kompanya ng naturang detergent soap kay Maymay dahil ang kanyang Wonder Nanay ang napili nilang endorser. At nangyari na nga ang hindi nila inaasahan! Naitampok at naisama sa TV commercial ang kanyang Nanay! Pumatok sa masa ang TV commercial kaya malaki ang naging bayad sa kanila, sapat na sapat upang mabayaran ang mga utang nila, at makaipon para sa gamutan ng kanyang tatay.

“Maraming salamat, anak!” naluluhang sabi ni Marta kay Maymay.

“Deserve mo iyan, ‘Nay. Ikaw kaya ang aking Wonder Nanay!”

Nagyakap ang mag-ina. Nagsimula na rin si Maymay na itampok ang kanyang Nanay sa mga video at i-upload ito sa YouTube channel. Certified “YouTuber” na si Maymay, sikat pa ang kanyang Wonder Nanay!

Advertisement