Inday TrendingInday Trending
Pag-asa Mula sa Isang Estranghero

Pag-asa Mula sa Isang Estranghero

Nagmamadaling pumasok sa isang remittance center si Cecilio upang makapagpadala ng pera sa kanyang asawang buntis na nasa Misamis Oriental. Nasa Maynila ngayon si Cecilio at nagtatrabaho bilang isang clerk sa isang pampublikong tanggapan. Dalawang taon na siya sa Maynila, at paminsan ay umuuwi sa Misamis upang makasama ang asawa at dalawa pang maliliit na anak.

Pagdating sa loob ng remittance center, tatlong tao pa lamang ang nasa loob dahil kabubukas lamang nito. Agad siyang kumuha ng papel at isinulat ang mga impormasyong kakailanganin sa pagpapadala ng pera. Limang libong piso ang ipapadala niya.

Maya-maya, isang lalaking nakasumbrero ang pumasok sa loob ng remittance center. Mukha itong nasa 21 hanggang 23 taong gulang. Lumapit ito sa counter. At sa laking gulat nilang lahat, bigla nitong hinablot ang isang babaeng kostumer at tinutukan ng baril sa leeg. Hostage.

“Walang kikilos nang masama kundi tatapusin ko na ang buhay ng babaeng ito!!!” Nanlilisik ang mga mata ng lalaki. Umiyak ang ginang na tinutukan niya ng baril. Agad na rumesponde ang guwardiya, subalit bago pa ito makahuma at makabunot ng baril, pinukpok na ito ng baril sa ulo at nawalan ng malay. Sunod na tinutukan naman ng baril ng hostage taker ang mga tauhan ng remittance center.

“Lahat ng pera ilabas n’yo at ibigay sa akin, kundi ay pasasabugin ko ang bungo ng babaeng ito, at isusunod ko kayo!”

Hintakot na sinunod naman ng mga staff ang utos ng hostage taker. Inilagay nila ito sa malaking bag na inihagis sa kanila nito. Nang papaalis na ang hostage taker, inutusan niya ang dalawa pang customer na ibigay rin sa kanya ang mga bag, pitaka, at cellphone.

“Brad… sandali lang, maghulos-dili ka. Ibibigay ko ang gusto mo, pero ibaba mo ang baril mo,” pakiusap ni Cecilio sa hostage taker. Sa isip-isip niya, nagdarasal siya na sana ay gabayan siya ng Diyos sa kanyang gagawin, at ipinaubaya sa Kanya ang mga mahal sa buhay, kung saka-sakaling may mangyari sa kanya.

“Huwag mo kong utusan! Nasaan na ang bag mo? Kundi, babarilin ko kayong lahat…” pagbabanta ng hostage taker.

“Relax ka lang. Ganito… ibaba mo ang baril mo, at ibibigay ko pa sa iyo ang PIN ng ATM ko. Basta ibaba mo lang. Hindi masosolusyunan ng dahas ang mga problema mo…” pakiusap ni Cecilio.

Unti-unti ngang binaba ng hostage taker ang baril subalit hawak pa rin nito ang hostage na ginang. Sa kanya nito itinutok ang baril.

“Kapatid, pag-usapan natin ito. Hindi mo kailangang gawin iyan. Alam mo bang marami rin akong problema sa buhay? Pero pinipilit ko pa ring lumaban ng patas, dahil alam kong lahat naman ng mabubuting bagay na ginagawa natin sa daigdig ay babalik din sa atin. May awa ang Diyos.”

“Hindi totoo iyan. Naging napakalupit ng tadhana sa akin. Malupit ang Diyos sa akin. Pinabayaan Niya ako. Simula pagkabata, puro paghihirap na ang dinanas ko. Naulila ako sa mga magulang. Naghirap ako. Hanggang ngayon ay naghihirap ako. Natanggal ako sa trabaho kahit masipag naman ako. Kaya walang silbi ang buhay ko. Wala na akong pakialam kung makulong ako. Pare-pareho lamang naman ang buhay. Gumawa ka nang mabuti, o gumawa ka nang masama, wala na ring pinagkaiba sa panahon ngayon,” seryosong sagot ng hostage taker.

“Hindi ko alam ang pinagdaanan mo, hindi ko alam ang buong kwento mo, pero magtiwala ka sa Diyos at sa kapwa mo. Pagsubok lamang iyan. Heto… narito ang cellphone ko, pera, at maging ATM. Kunin mong lahat. Kung iyan ang makakapagpanatag sa iyo. Sa iyo na. Hindi kita pipigilan. At huwag kang mag-alala, hindi kita isusuplong sa pulis. Magbagong-buhay ka,” sinserong sabi ni Cecilio. Walang takot na inilagay niya sa isang kamay nito ang kanyang buong bag. Napamaang lamang ang hostage taker.

Biglang pumasok ang mga pulis sa loob at simbilis ng kidlat na dinaluhong ang hostage taker na hindi na nakapalag. Habang nangyayari pala ang pag-uusap nina Cecilio at ng hostage taker, nakahingi na ng saklolo sa police hotline ang isa sa mga staff ng remittance center.

Napiit ang hostage taker sa kasalanang ginawa. Subalit hindi siya pinabayaan ni Cecilio. Dinadalaw ni Cecilio ang hostage taker, kinakausap, binibigyan ng mga payo. Matiyaga niyang pinakikinggan ang mga hinaing at hinanakit sa buhay nito. Naging magkaibigan sila. Nagbago ang pananaw sa buhay ni Samuel, ang hostage taker.

Sa huling pagdalaw ni Cecilio kay Samuel, nagpaalam siya rito. Kailangan na niyang bumalik sa Misamis Oriental.

“Maraming salamat, Kuya Cecilio. Salamat sa pakikinig. Hindi mo ako hinusgahan. Hindi ko sukat akalaing may makakaintindi pa sa isang tulad ko,” naiiyak na sabi ni Samuel kay Cecilio.

“Gaya nga ng sabi ko sa’yo dati, naranasan ko na rin ang mga naranasan mo kaya naiintindihan kita. Subalit hindi pa huli ang lahat. May pag-asa pa.”

Bumalik sa Misamis Oriental si Cecilio at nagtayo ng maliit na sariling negosyo upang makasama na ang kanyang mag-iina. Tuluyang nagbago ang pananaw sa buhay ni Samuel, tuluyan na siyang naging positibo, nagsikap na matapos ang pag-aaral sa loob ng kulungan, at pinagbutihan ang paggawa ng mga handicrafts, dahil marami na siyang nakalistang plano sa araw ng kanyang paglaya.

Advertisement