Dalawang buwan na ang nakalipas mula nang kupkupin ng ate niya si Maris. May dalawa siyang anak, ang panganay niya ay tatlong taong gulang habang isang taong gulang naman ang kanyang bunso.
Ang mister niya ay barker sa mga pampasaherong bus, naloko sa bisyo kaya nananakit. Buti nalang ay mabait ang kapatid niyang kahit paano ay nakakaangat sa buhay, kaya kahit na may sariling pamilya na rin ay hindi siya pinabayaan. Inilayo siya nito sa lalaki.
Ikinuha siya nito ng maliit na apartment, ito ang nagbabayad ng upa. Basta ang hiling lang sa kanya ay siya na sana ang magbantay sa karinderya nito kapag busy ito, kaysa nga naman ipagkatiwala sa iba ang kaha ng pera.
“Baka malaman ng ate Rena mo ito?” tanong ng kumare niyang si Joan.
“Hindi yan. Tara na,” susukot-sukot niya pang sabi. Nilingon niya pa ang orasan, alas onse na ng gabi. Mahimbing na ring natutulog ang kanyang mga anak.
“Gaga ka, lumilipad ang balita. Sa malapit lang nakatira ang ate mo,” sabi pang muli ng babae.
“T*ngina mo ililibre kana nga ng alak ayaw mo pa? Ano ba?” taas ang kilay na asik niya rito. Nakakainis na kasi, kanina pa niyayaya ay kung anu-ano pa ang sinasabi.
Sa kabila ng pagtulong ng kapatid ay hindi naman nadadala si Maris, iniiwan niya pa ang mga anak sa gabi at ikinakandado ang mga ito para lang makapag inom siya kasama ng barkada. Kumbaga, binigyan na nga ng ikalawang pagkakataon sa buhay ay hindi pa itinuwid ang lahat.
Kinikita niya rin ng palihim ang dating asawa at maging siya ay nagbibisyo na rin. Di naman malalaman ng ate niya, na sobra ang binibigay nitong pera para sa upa at pagkain nila ng mga bata. Idagdag pa ang mga nakukupit niya sa karinderya nito.
Mabilis lumipas ang oras, gegewang gewang pang naglakad si Maris pabalik sa apartment. Napasarap ang pag-iinom nila, alas kwatro na ng umaga.
Pagpihit niya ng pinto ay napansin niyang bukas na iyon, nakalimutan niya bang i-lock kanina?
Sinalubong siya ng ate niyang nanlilisik ang mata, karga nito ang kanyang bunso na humihikbi pa. Ang kanyang panganay naman ay nakaupo sa isang gilid at kumakain ng tinapay.
“Ano’ng klase kang ina?” bungad nito.
“Napasarap lang-“
“Tarantada ka Marissa! Ila-lock mo ang mga anak mo sa apartment para mag inom? Akala mo hindi nakakarating sa akin ang sabi-sabi? Umaasa ako na hindi iyon totoo kasi nga, galing ka na sa hirap. Pero wala kang kadala-dala!” galit na galit na sabi nito.
Umirap naman si Maris, nakakarindi naman. Umagang-umaga eh.
Hindi pa natapos sa pagsasalita ang kanyang ate, “Kung hindi pa narinig ng kapitbahay na umiiyak ang mga anak mo, tapos hindi ka mahagilap- hindi ko pa malalaman! Alam mo ba pagkarating ko rito ha? Gutom na gutom itong dalawa! Halos maubusan na ng boses ang bunso mo kakaatungal!
Paano pala kung nagkasunod, edi na-tusta itong dalawa sa loob, Diyos ko po Marissa! Hindi kana natuto sa buhay mo! Tingnan mo ang sarili mo-“
“Oo na ate ikaw na ang magaling, ikaw na ang marunong sa buhay ako na ang hindi. Letse,” galit pang sabi niya.
Hindi makapaniwala ang ate Rena niya sa narinig. “Anong sinabi mo? At ikaw pa ang may ganang sumagot ng ganyan sa akin?”
“Oo bakit? Sinabi ko bang tulungan mo ako noon? Ikaw lang naman ang pakialamera diba? O edi iyo na itong mga gamit mo sa bahay, isaksak mo lahat sa baga mo wala akong pakialam!”
Tapos noon ay binitbit niya ang dalawang bata at umalis sila. Naiwan ang ate niyang nanginginig sa sobrang daming emosyon na nadarama.
Hindi pa doon natatapos ang lahat, gamit ang mga perang nakupit niya ay nagmalaki pa si Maris. Nagtayo siya ng maliit na karinderya sa tapat mismo ng negosyo ng kanyang kapatid at nilabanan ito. Binalikan niya na rin ang kanyang kinakasama.
Pero dahil siguro masama ang kanyang intensyon, idagdag pa na kulang siya sa experience ay nalugi rin iyon.
“Ayan! Tanga-tanga ka kasi, hindi ka marunong humawak ng pera! Boba,” galit na galit na wika ng kanyang mister.
Gulay na ang katawan ni Maris dahil sa dami ng pasang tinamo mula sa lalaki, hindi niya kasi ito mabigyan ng pera.
Umiiyak ang dalawa niyang anak.
“Tumahimik kayo! Bobo kayo katulad ng nanay nyo!” bulyaw ng lalaki, mainit ang ulo dahil hindi nakasinghot.
Si Maris naman ay tulalang umiiyak, ngayon niya naranasan ang kahalagahan ng langit nang maibalik siya sa impyerno. Akmang sasampalin ng mister ang kanyang panganay nang tumayo siya at iharang ang sarili.
“Ah p*tangina mo ha, paharang harang ka pang nalalaman,” asar na sabi nito. Bumwelo at susuntukin na siyang muli nang mapigil ito ng ilang kamay. Dumating na pala ang mga tanod.
Sa likod nito ay naroon ang kanyang ate Rena. Nanlalambot siyang tumakbo payakap rito.
“A-Ate..” hindi makapaniwalang sabi niya. Sa ikalawang pagkakataon kasi ay ito na naman ang magliligtas sa kanya. Kahit pa nasaktan niya ito.
Umiiyak ang ate niya, “Uuwi na tayo.”
Labis-labis ang naging pasasalamat ni Maris, di tulad noon na hindi niya binigyang importansya ang lahat..nag iba na siya ngayon. Bumalik siya sa apartment pero pinilit niya sa ate niya na siya na ang magbabayad noon. Kapag Sabado at Linggo ay pumapasok siya sa livelihood training upang kumita ng extra.
Kapag naman weekdays ay nasa karinderya pa rin siya ng kapatid, pero hindi bilang tagahawak ng kaha. Nais niyang magsimula sa umpisa kaya isa siyang serbidora roon, pinatunayan niya sa kanyang ate na nagsusumikap na siya ngayon at natututo na siya sa buhay.
Gabi-gabi ay wala siyang ibang dasal kundi gabayan sila lalo na ang kapatid niya, na sa dami ng kalokohan niya ay hindi pa rin napagod magpaka-ate sa kanya.