Sino ang May Sala?
Isang araw ay naisipang dumalaw ni Gilbert sa kababata niyang si Gladys. Nasa tapat na ito ng bagay ng dalaga at tangkang pipindutin na ang doorbell ay may nagbukas ng pinto.
“ O, bakit parang nakakita ka ng multo? Pawis na pawis ka, a? “ nagtatakang tanong ng binata.
“ Ha, ako? H-hindi nagulat lang ako,” utal na sagot ng dalaga.
“Ang weird mo ngayon ha. Lagi naman kitang dinadalaw dito bakit naman nagulat ka pa? Hindi mo ba ko papapasukin,” nakangiting biro ni Gilbert.
“Ah oo nga pala pasensya ka na, sige pumasok ka sa loob. Maupo ka muna at ikukuha kita ng maiinom,” nagmamadali nitong sabi.
Nang biglang may mapansin ang binata.
“Teka lang, bakit parang ang tahimik? Wala ba si tita?”
“Ha? Ano kasi si mama, ano nagpapahinga sa kuwarto kasi masama ang pakiramdam niya,” sagot ng dalaga.
“Naku, dapat pala hindi na ako pumunta. Baka Nakakaistorbo pa yata ako. Pakisabi na lang kay tita na magpagaling siya ha?”
“Oo, makakarating. Napadalaw ka nga pala dito, may kailangan ka ba?” tanong ng dalaga.”
“Wala naman. Dinalaw lang kita dito. E, ikaw saan ka ba dapat pupunta kanina kasi parang nagmamadali ka?” tanong ni Gilbert.
Hindi agad nakasagot si Gladys at panandaliang nag-isip bago nagsalita.
“May bibilhin lang sana ako sa tindahan,” matipid nitong sagot.
“A, okay. Nga pala, huwag mo nga palang kalimutang uminom ng gamot ha? Para gumaling ka na rin. Paano, mauuna na ako,” paalam ng binata.
“Sige, mag-iingat ka. Sabihin ko kay mama na dumalaw ka,” wika ni Gladys habang nananatiling tuliro, balisa at wari’y may bumabagabag sa isipan.
Nang sumunod na araw ay nakatanggap ng di magandang balita si Gilbert na labis niyang ikinabigla. Habang nagmamaneho ng sasakyan, maraming tanong ang sumasagi sa kanyang isipan. Makalipas ang ilang minuto ay nakarating din siya sa pinakamalapit na istasyon ng pulis. Bumungad sa kanya ang mukha ng kababatang si Gladys. Halo-halong emosyon ang nangibabaw sa dalaga. Kalituhan, kaba, takot, at pag-aalinlangan. Pagdating ng binata ay naabutan niya itong nagsasalita.
“Sir, narito po ako para isalaysay ang nangyari sa mama ko,” anito.
“Anak ka ng biktima?” paunang tanong ng pulis.
“Opo. Ako ang panganay na anak ng biktima. Narito po ako para tumestigo sa ginawang krimen sa mama ko,” mangiyak-ngiyak nitong sabi.
Inabot ng pulis ang isang kasulatang papel bilang isang katibayan ng kanyang pagiging pangunahing testigo.
“Gusto kong tumulong para mahuli ninyo ang tunay na salarin,” hirit pa ng dalaga.
“Tunay na salarin?” tanong ng pulis.”
Nagpatuloy sa pagsasalaysay si Gladys.
“ Nang gabing iyon ay nagising ako dahil may bigla akong narinig na ingay. Unti-unti po akong naglakad papunta sa pinanggalingan ng ingay, hanggang sa marating ko ang ikatlong palapag ng aming bahay. Napahinto ako sa kuwarto ni mama. Narinig ko ang boses ng kapatid ko at ng mama ko na nag-aaway. Ilang sandali pa ay nakita kong bumukas ang pinto. Sa pagkabigla ko ay napatago ako sa gilid ng pader. Nakita ko ang kapatid ko na lumabas ng kuwarto. Nang pasukin ko ang kuwarto ay laking gulat ko nang makita si mama na nakahandusay sa sahig at naliligo sa sariling dugo,” hagulgol ni Gladys habang pinagpapatuloy ang kanyang pagkukuwento.
“Noong mga oras na iyon ay hihingi na sana ko ng tulong ngunit may bigla na lang may matigas na bagay na tumama sa ulo ko. Unti-unting nagdilim ang paningin ko pero bago ako tuluyang mawalan ng malay ay nakita ko kung sino ang pumalo sa ulo ko at hindi ko kailanman naisip na magagawa niya ang lahat ng iyon.”
“Sino siya?” patuloy na tanong ng pulis.
“Ang salarin ay ang aking bunsong kapatid na si Glaiza Custodio. Siya po ang pum*slang kay mama, Hanapin niyo siya. Noong nakaraan lang ay napag-alaman namin na may sakit siya sa pag-iisip.” bunyag ng dalaga.
“May patunay ka ba sa iyong sinasabi?” tanong pa ng pulis.
“Opo. Narito po ang ebidensya.”
May iniabot ng kapirasong papel ang dalaga na siya namang hindi maunawaan ng pulis ang nilalaman. “
“Noong una ay inakala lang namin na ang palagiang pagsakit ng ulo niya ay simpleng migraine lamang ngunit isa pala itong malaking pagkakamali. Isa na pala itong sintomas ng sakit na hahantong sa pagkabaliw,” hayag pa ni Gladys nang biglang may nasabi ang dalaga.
“Ano pong sinasabi niyong nagtatago si Glaiza?” biglang sabi ni Gladys na ikinalito naman ng tagapakinig na pulis.
“Teka, anong sinasabi mo?” tanong nito.
“Ha? Hindi, hindi po siya nagtatago. Mabait po siya. Wala po siyang ginawa. Wala pong nagtatago sir,” anito.
Patuloy na naguluhan ang nagtatanong na pulis kaya doon na lumapit si Gilbert at kinausap ito.
“Sir, mawalang galang na po pero kailangan niyo na po siyang dalhin sa ospital?” wika ng binata.
“A-anong ibig mong sabihin?” nagtatakang tanong ng pulis.
“D-dahil may sakit po siya. Mayroon po siyang schizophrenia. Hindi po totoo na may kapatid siya. Nag-iisang anak lang po siya ng biktima. Gawa-gawa lang po niya ang mga sinabi niya kanina,” bunyag ni Gilbert.
Mayamaya ay pinosasan na ng pulis si Gladys at isinakay sa sasakyan para dalhin sa pagamutan ng mga baliw.
“Bakit po ninyo ko pinosasan? Bawal po itong ginagawa ninyo sa akin sir. Si Glaiza po kasi at si mama e, hindi ako labs kaya pin*slang ko sila haha! Huwag po ninyo kong ikulong ha? Hinihintay na po ako sa bahay ng mama ko. Inutusan niya lang ako kanina. Baka po hinahanap na niya ko. Mama, saglit lang po. Mama, hintayin niyo ko babalik ako!” mga huling pangungusap ng dalaga habang naglalakad papalabas ng pulisya.
Isang taon ang mabilis na lumipas. Palagi pa ring dinadalaw ni Gilbert ang kanyang kababata. Hindi pa rin niya matanggap ang nangyari rito. Isinisi niya ang lahat sa sakit ng dalaga, kundi dahil sa pesteng sakit na iyon ay hindi sana nasira ang buhay ng kanyang kababata. Sakit na kahit ano pang yaman ng pamilya ng dalaga ay hindi naging sapat para gumaling ito. Sakit na gumawa ng isang matinding krimen at nagtulak sa dalaga na pasl*ngin ang sarili nitong ina. Sakit na pumigil, humadlang at tila naging isang malaking pader sa pagitan nilang dalawa.
Ngayon ay nakatayo siya sa puntod ng taong hindi na nakayanang makipaglaban sa sariling isip at katawan. Puntod ng taong simula bata palang ay kasama na niya. Higit sa lahat ang puntod ng babaeng pinakamamahal niya simula ng bata pa lang sila. Sayang nga lang at hindi na nasabi ni Gilbert ang kanyang tunay na nararamdaman sa dalaga. Ngunit kahit ganoon ang naging katapusan, naniniwala ang binata na balang-araw ay magkikita ulit sila ni Gladys at masasabi na niya rito ang matagal ng gustong sabihin ng kanyang puso kahit alam niyang iyon ay sa kabilang buhay na.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!