Ang Gumuhong Pangarap
Sa Hilaga ay matatagpuan ang liblib na Barrio ng Sapang Tubig. Ang buhay ng mga tao roon ay umiikot lamang sa pagtatanim ng palay, gulay at prutas. Balot ng kahirapan ang buhay ng karamihan sa mga mamamayan sa nasabing lugar at bihira lamang dumampi sa kanilang mga palad ang malaking halaga ng pera. Kabilang sa mga mahihirap na pamilya roon ang mag-asawa na sina Mang Alipio at Aling Inday kasama ang anim nilang mga anak na lahat ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral kahit man lamang sa elementarya.
Hindi pa man pumuputok ang liwanag ay gising na ang buong mag-anak ni Mang Alipio. Pagpatak ng alas-singko ng umaga ay sama-sama nilang nilalakad ang makitid at maputik na daanan papuntang bukid at isa na roon si Omir, panganay na anak nina Mang Alipio at Aling Inday.
Maliit at payat lang ang pangangatawan ni Omir ngunit sanay na sanay itong magtrabaho sa bukid. Sa kabila nang hindi pagtatapos sa pag-aaral ay sanay pa rin itong sumulat ngunit hindi gaano sa pagbabasa. Mahirap man ang kanilang buhay ay hindi bumibitaw si Omir sa kanyang pangarap na makaahon sa hirap at maging Arkitekto kaya hindi natitigil ang kanyang pag-asa na muling makapag-aral. Isang araw ay dumalaw sa kanilang barrio ang kanyang tiyuhin na taga-Maynila na si Tiyo Hipolito na palaging tumutulong sa kanilang pamilya at sa kanya.
“Gusto kong isama ka sa Maynila, Omir. Gusto mo ba?” tanong ng tiyuhin.
“Ano po ang gagawin ko doon?” balik na tanong ng binata.
“May mga tanggap kasi akong trabaho doon at nangangailangan pa ng isa pang tauhan.” sagot ng lalaki.
“Aba, magandang balita po iyan, Tiyo! Sandali lamang at ako ay mag-iimpake na,” masayang wika ng binata.
Dali-daling nag-ayos ng mga gamit si Omir. Walang nagawa ang mga magulang niya dahil alam nitong pangarap ito ng binata at umaasa rin sila na siya ang makakapag-ahon sa kanila sa kahirapan.
“Maraming salamat sa iyong pagtulong sa amin lalo na sa pamangkin mo, Hipolito,” sabi ni Mang Alipio.
“Wala iyon, kasiyahan ko ang tulungan kayo at si Omir,” anito.
Mayamaya ay umalis na ang magtiyuhin. Nangako si Omir sa kanyang pamilya na babalik ito dala ang magandang kapalaran. Palibhasa’y hindi pa nakararating ng Maynila ang binata kaya habang nasa biyahe ay naglalaro sa kanyang imahinasyon ang inaasahang buhay niya roon. Sa kanyang palagay ay maganda ang buhay sa kanyang pupuntahan, mabilis ang daloy ng kaunlaran.
Pagkaraan ng pitong oras na paglalakbay ay narating na nila ang Maynila. Wari bang naninibago ang binata sa paligid. Saan man niya itingin ang mga mata ay wala siyang ibang nakikita kundi mga nagtatayugang gusali, mga magagarang sasakyan, at iba’t ibang mukha ng tao. Ngunit kahit ganoon ang kanyang dinatnan sa siyudad, lalong tumindi ang pagnanasa niya sa magandang hinaharap. Tumuloy ang magtiyuhin sa bahay ni Hipolito. Mag-isa lang sa buhay ang lalaki at ang kasama lang sa tinitirhan nito ay ang kasambahay nitong lalaki na si Asyong.
“Omir, si Asyong ang kasama ko dito sa bahay. Maaari mong sabihin sa kanya ang lahat ng kailangan mo,” wika ng lalaki.
“Ikinagagalak kitang makilala, Asyong,” masayang bati ng binata.
“Ako rin. Ikinagagalak din kitang makilala,” anito.
Naging masaya si Omir sa unang araw niya sa trabaho bilang construction worker sa pinagtatrabahuhan ng kanyang tiyuhin. Nakakilala siya ng maraming kaibigan. Lalo pang nadagdagan nang tumagal-tagal pa siya sa trabaho. Kasabay noon ang unti-unting pagbabago rin ng binata. Minsan ay hindi siya umuuwi sa bahay ng tiyuhin bagkus sa bahay ng mga kaibigan. Doon ay palagi siyang nakikipag-inuman.
Isang gabi, pagkarating sa bahay ay kinausap niya ang tiyuhin.
“Umalis na po ako sa pinagtatrabahuhan natin. Ayoko na pong maging construction worker,” anito.
“Ha, bakit?” ani ng tiyuhin niya.
Hindi sumagot ang binata at tumayo ito sabay pumasok sa kuwarto nito. Mababakas sa hitsura ni Omir ang pagod.
Kinaumagahan, pagkatapos ng trabaho ni Hipolito ay naghintay siya sa mga kaibigan ni Omir. Gusto niyang maka-usap ang mga ito upang malaman kung bakit umalis ang pamangkin sa trabaho.
“Kayo ang mga kaibigan ni Omir dito, ‘di ba?” tanong ng lalaki.
“Opo, kami nga po,” sagot ng isa sa mga trabahador.
“Nalalaman ba ninyo ang dahilan ng pag-alis ng pamangkin ko sa trabaho?”
“Naku, hindi po. Nagtataka nga po kami sa hindi niya pagpasok isang linggo na ang nakararaan.”
“Hindi rin po namin alam na umalis na pala siya rito,” habol na sagot ng isa pang kaibigan ng binata.
Hindi nakuha ni Hipolito ang sagot sa kanyang tanong. Umuwing may pagtataka ang lalaki.
“Omir, Omir, Omir…” tawag ng tiyuhin nang dumating ito sa bahay.
“Umalis na siya, kuya. Sabi niya ay papasok na raw siya,” wika ni Asyong.
Hindi alam ni Hipolito kung ano ang nangyayari sa kanyang pamangkin. Nag-aalala na siya sa binata dahil pananagutan niya ito kung may mangyari mang masama rito.
Isang araw ay tumawag si Aling Inday upang makausap ang anak ngunit wala ito sa bahay kaya’t si Hipolito ang nakausap.
“Maaari bang pakisabi kay Omir na magpadala na siya kahit maliit na halaga lamang? Nagkasakit kasi si Alipio at kailangan na madala sa ospital sa kabilang bayan,” pakiusap ng ina ni Omir.
“Sige, sasabihin ko na lang. Sa ngayon ay ako muna ang sasagot sa gastos ng pagpapa-ospital kay Alipio,” sagot ni Hipolito.
Lalong nagtaka ang lalaki dahil ang alam niya ay nagpapadala ang binata ng pera para sa kanyang pamilya. Hindi na niya sinabi kay Aling Inday ang nangyayari sa anak dahil baka mag-alala pa ito.
Makalipas ang tatlong araw ay umuwi si Omir sa bahay ng tiyuhin. Sinalubong agad siya ng tanong ni Hipolito.
“Ano bang nangyayari sa iyo? Bakit ngayon lang umuwi?”
Tumingin lang si Omir sa tiyuhin at hindi sinagot ang tanong. Ang mga mata nito ay nangingitim na at ang tiyan ay namimilog na dahil sa sobrang pagkalulong sa alak.
Sinabi ng tiyuhin ang paki-usap ng ina nito. Ibinalita rin niya ang nangyari sa ama.
“Ito po, kayo na lang ang magpadala niyan sa kanila,” anito na tila walang pakialam.
Iniabot nito ang makapal na pera.
“Ang dami nito ha? Saan ito nanggaling?” nagtatakang tanong ni Hipolito.
“Basta,” maikling sagot ng pamangkin.
Litong-lito na si Hipolito sa nangyayari kay Omir. Sinubukan niyang alamin kung ano talaga ang trabaho nito ngunit mailap ang kasagutan sa kanya. Ginawa niyang sundan ito ngunit bigla itong nawawala sa paningin niya. Tila may kutob na siyang mayroon itong hindi magandang ginagawa.
Isang gabi, habang pauwi galing sa trabaho ay may nadaanan siyang nag-aaway na dalawang grupo ng mga kalalakihan at laking gulat niya nang makita na ang isa sa mga naroon ay ang pamangking si Omir na nakikipag-away.
“Omir! Tumigil ka na!” sigaw ni Hipolito. Pilit siyang lumapit ngunit natigilan siya nang makita niyang may mga hawak na matatalim at matutulis na kutsilyo ang mga lalaki. Bigla siyang natulala sa mga nangyayari.
Nang walang anu-ano ay isang sigaw ang gumising sa kanyang diwa mula sa pagkatulala.
“Tiyo Hipolito!”
Bumungad sa kanya ang nakahandusay na katawan ni Omir na tadtad ng maraming saksak. Binuhat agad ni Hipolito ang pamangkin. Sa pagkakabuhat nito ay may bumagsak na maliit na plastik na tila may lamang pulbos. Nakita niya iyon at sa pagkakatuklas ng bagay na nasa loob ng plastic ay napagtanto niya kung ano talaga ang trabaho ng pamangkin. Ngunit hindi na niya iyon pinansin. Dali-dali niya itong dinala sa ospital.
“M-maraming salamat po Tiyo… sa pagtulong mo sa pamilya ko at sa akin… patawad po… paki… pakisabi po sa kanila, hindi ko na maaabot ang pangarap ko…sana po ay mapatawad din nila ako…” nanghihinang sabi ni Omir.
“Huwag kang magsalita ng ganyan,” pagsusumamong sabi ni Hipolito ngunit hindi na rin umabot sa ospital ang pamangkin.
“Omiir, gumising ka!” sigaw ni Hipolito habang inaalog ang wala ng buhay nitong katawan.
Gaya ng ipinangako ng binata sa kanyang pamilya ay bumalik nga si Omir sa kanilang barrio ngunit hindi nito dala ang magandang kapalaran na sinabi nito at hindi na rin dala ang sariling buhay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!