Inday TrendingInday Trending
Hanggang Saan Ka Dadalhin ng Puso Mong Sawi?

Hanggang Saan Ka Dadalhin ng Puso Mong Sawi?

Halos limang taon nang magkarelasyon sina Zyra at Henry kaya naman mahal na mahal ng babae ang kaniyang nobyo. Bukod kasi sa gusto na niyang mag-asawa dahil may edad na rin siya ay si Henry din ang nakauna sa kaniyang pagkababae.

Kakatapos lamang ng mahal na araw at naisipan niyang sorpresahin ang lalaki. Pupuntahan niya ito sa kanilang dorm, hindi kasi sumama si Henry sa kaniyang magbakasyon sa probinsya.

“Love, saan ka?” malambing na tanong nito sa lalaki habang kausap niya sa telepono.

“Nasa dorm, paalis na rin ako love, papasok sa trabaho. Bakit? Saka anong oras nga pala kita susunduin mamaya sa terminal?” saad ni Henry sa babae.

“Kahit mga alas sais na love, para maghapunan na rin tayo pagkatapos,” sagot naman ni Zyra sa nobyo saka niya dahan-dahan na binuksan ang pinto ng kanilang dorm.

Nagtakip siya ng bibig sa kanyang nakita, may kayakap na ibang babae si Henry at mukhang kakatapos lamang nilang magpangnaig sa higaan na sya mismo ang bumili. Sa mga kumot na siya mismo ang naglaba at sa lalaking siya mismo ang nagpapakain, bumubuhay at nagmamahal.

Dahan-dahan niya rin itong isinara, sumandal sa pader at unti-unting umiyak. Sumisigaw siya ngunit walang boses na lumalabas sa kaniya bibig at tanging kurot niya sa dibdib ang nadarama.

Hindi niya nakalimutan ang araw na iyon sa kaniyang buhay.

“Zyra, gising na. Tara na may duty pa tayo ngayon,” wika ni Thea, ang matalik na kaibigan ng babae.

“Hindi na ako magtratrabaho Thea, magreresign na muna ako. Kailangan ko ng oras para sa sairli ko,” saad niya sa kaibigan.

“Heto na naman ba tayo, Zyra? Napanaginipan mo na naman ba si Henry at yung babae? Diyos ko namang babae ka, tatlong buwan na ang nakakalipas. Tapos ka na dapat sa ganitong eksena, dapat ngayon ay lumalaban ka na, maayos ang buhay at bumabawi sa sarili,” baling ng babae.

“Tama ka nga, ngayon na ang katapusan ng pag-iyak ko. Kaya magreresign muna ako para makabawi ako sa sarili ko, kailangan ko nang balik alindog program tapos magiging Zyra 2.0 na ako!” sigaw ng babae.

Napailing-iling na lang si Thea sa kanyang kaibigan at iniwan niya ito saka siya umalis para pumasok. Simula nang maghiwalay sina Henry at Zyra ay napabayaan na ng dalaga ang kaniyang sarili, iyak dito at kain doon. Pumapasok man ito sa trabaho ngunit palaging lutang o ‘di kaya naman ay bigla-bigla na lang umiiyak.

“Boss, nagsasangla ng ATM card dito ‘di ba?” tanong ni Zyra sa guwardiyang nakatayo sa likod ng isang malaking pautangan na sikat sa kanilang mga nurse.

“Oo, pasok ka lang sa loob. Mababait naman ang mga tao dito kaya mapapahiram ka kung magkano man ang uutangin mo. 10% lang ang tubo,” sagot sa kanyang ng lalaki.

Ngumiti naman si Zyra dito at itinuloy ang kaniyang balak, umutang ito ng P50,000 dahil alam niyang may pera pa namang papasok sa kanyang ATM card at magbabaksyon na lang siya kaysa magbitiw sa trabaho.

Agad siyang pumunta sa mall, namili ng mga bagong gamit, nagpa-ayos ng buhok at kumain sa masarap na restawran.

“Oh ano? Naka-move on na ba ang kaibigan ko?” bati ni Thea nang maka-uwi ito.

“Umutang ako ng pera dun sa sanglaan ng ATM ng 50k,” saad naman ni Zyra dito.

“Oh, umutang ka para sa?” tanong ng dalaga.

“Para dito, para sa akin. Sa tingin ko kasi kaya hindi ako makamove-on ay dahil wala akong pera. Mantakin mo, paano ka magpapaganda kung iisipin mo palang yung pagpaparebond ay aabot na nang tatlong libo. Nasa pitong libo lang naman ang sinasahod ko sa dami ng kaltas natin, kaya lalo lang talagang nakakalungkot,” pahayag ni Zyra.

“Hindi ako makabili ng bagong damit kasi walang natira sa ipon ko dahil ginastos ko lahat noon kay Henry at sa p*nyetang relasyon namin. Kaya naman nagshopping ako! Nagbayad na rin ako sa gym at magbabalik alindog na ako simula bukas,” dagdag pa nito.

“Okay, so paano mo babayaran yung utang mo?” tanong ni Thea.

“Pag nakabalik na ako sa trabaho, magbabakasyon muna ako ng mga isang buwan tapos saka ako babalik sa ospital, ” kampanting sagot ni Zyra sa kaibigan.

“Good luck sa ganitong klase nang pagmomove-on ha,” baling ni Thea at namilog na lamang ang mata niya saka sabay itong ngumiti ng pilit.

Kinaumagahan ay agad na sinimulan ni Zyra ang kaniyang mga plano, maaga siyang gumising at tumakbo. Nag-ayos, namasyal, kumain at nanunuod ng sine. Halos araw-araw niya itong ginawa hanggang sa napapansin niyang hindi naman siya pumapayat at hindi rin naman niya nararamdaman ang kasiyahan sa kaniyang puso.

Kaya nang matapos ang isang buwan ay agad siyang bumalik sa trabaho,

“Naku, pasensya ka na talaga Zyra pero hindi pa kita mapapabalik dahil wala pang bakante. Alam mo naman tayong mga nurse, hindi pwedeng tayo ang hinihintay ng doktor. Napakarami kasing ibang nurse diyan na nagkakandarapang makapasok dito. Kaya nakahanap na kami ng kapalit mo, kung gusto mo naman ay mag-intay ka na lang muna hanggang sa magkabankante na,” saad sa kaniyang ng kanilang HR head.

“Ho? Naku, paano na ‘yan ma’am, kailangan ko ng trabaho dahil wala na akong pera tapos may utang pa po akong binabayaran. Kailangan ko na po ngayon,” baling naman niya dito.

“Noong kami ba yung nakiusap sayo na huwag ka munang magbakasyon dahil maraming gagamuting pasyente ay nakinig ka? Hindi ba’t hindi naman dahil sabi mo kailangan mo ng oras at pahinga. Hindi namin pwedeng hintayin na maging okay ka bago naman isalba ang buhay ng mga tao, kaya humanap kami kaagad ng kapalit mo. Ngayon, sa tingin mo ba ang tama lang na tanggalin ko siya kaagad kasi nandito ka na? Paano kung sabihin mo na naman na hindi ka pa handa at masakit pa ang puso mo, baka naman pasyente na ang maging kapalit nun,” sagot ng babae.

“Sana naiintindihan mo na trabaho ang pinasok mo, kaya sana natutunan mong makipaglaban at maging propesyonal sa trabaho habang nagdurugo ang mga puso natin. Hindi lang ikaw ang may pinagdadaanan Zyra, halos lahat at mayroon,” dagdag pa nito.

Saka lamang napagtanto ni Zyra na tama ang babae. Masyado siyang nagpaapekto sa kanyang sugatang puso at mas pinakinggan ang konsepto na durog siya kaya hindi niya kayang magtrabaho. Kinalimutan niya ang sinumpaang tungkulin na magliligtas siya ng buhay at mas masakit pa nito’y baon na siya sa utang dahil doon.

Agad siyang umuwi at pinagbebenta ang mga gamit na hindi naman kailangan. Ngayong ay sigurado na siya na hindi pera ang sagot sa kaniyang puso, kundi ang sarili niya mismo. ‘Yong matanggap at mahalin niyang muli ang sarili dahil hindi man siya naging perpekto ngunit malinis ang kaniyang puso. Hindi siya ang nagloko sa kanilang relasyon ni Henry kaya dapat hindi siya ang nahihirapan at umiiyak ngayon. Hindi siya ang mali at may plano pa ang Diyos sa kanya na naghihintay lamang sa kaniyang buong pusong pagtanggap.

Advertisement