Salat sa buhay ang batang si Nestor, lumaki siyang kamote lamang ang baon hanggang sa makapagtapos ng high school. Kaya ngayon na gusto niyang ipagpatuloy ito sa kolehiyo ay walang sumusuporta sa kaniya.
“Anak, kahit nga pamasahe pa Maynila ay wala tayo. Paano ka pa namin magagawang mapag-aaral? Saan ka titira, anong kakainin mo? Walang bukid doon anak, hindi libre ang kamote o kangkong o kahit anong pagkain dahil pera, pera ang kailangan para mabuhay ka sa Maynila,” malungkot na pahayag ni Aling Essang na nanay ng binata habang buhat-buhat ang bunsong anak.
“Inay hindi niyo po kailangan mag-alala, sabi pong guro ko ay libre naman daw ang lahat doon. Kailangan lang namin mag-aral ng mabuti at makatapos,” saad naman ni Nestor.
“Pero anak alam mo ba ang ibig sabihin nun? Alam mo ba kung saan ka pupunta?” tanong ni Mang Hulyo, ang tatay ng bata.
“Alam ko ho itay, alam kong bahay ampunan iyon pero sila lang ang magpapa-aral sa akin ng libreng kolehiyo kaya naman tatangapin ko po dahil alam ko naman sa puso ko na hindi niyo ako inaabandona. Babalik ako itay, magiging matagumpay ho ako inay, magtiwala lang kayo,” pahayag ni Nestor sa kaniyang mga magulang.
Pangalawa sa limang magkakapatid si Nestor at tanging siya lamang ang nakapagtapos ng pag-aaral sa hayskul. Napakahirap kasi ng kanilang pinagdadaanan para lamang makapasok sa kabilang nayon, kailangan nilang umakyat ng dalawang bundok at tumawid sa ilog. Lahat ng iyon ay tiniis niya dahil naniniwala ang binata na edukasyon ang makakapag-ahon sa kanila sa kahirapan.
Nag-aral nang mabuti si Nestor at palagi pa itong nangunguna sa klase.
“Anak, napakagaganda ng mga damit na ito. Maraming salamat dahil naalala mo kami,” wika ni Aling Essang habang binubuklat ang kahong inuwi nang kaniyang anak.
“Naku inay, madami pa hong mga damit doon. Alam niyo naman po, maraming nagpapadala. At dahil nangunguna ako lagi sa klase kaya naman iyan ang gantimpala ko, ang makapag-uwi ng damit sa inyo at sa mga kapatid ko,” saad ng binata.
“Oh, malapit ka nang makapagtapos. Ano bang balak mo anak? Mangingibang bansa ka ba? Yun kasi ang uso sa bayan, kapag daw sa ibang bansa nagtrabaho ay gumaganda ang buhay. Nakikita ko ngang may mga tsokolate lagi ang mga tao doon, padala daw kasi iyon ng kanilang anak galing Saudi. Sana Nestor e ganoon ka rin,” baling ni Mang Hulyo.
“Naku itay, pasensya na ho kayo dahil nakapagdesisyon na ho ako ng aking magiging trabaho. Nais ko pong maging guro,” sagot ni Nestor sa kaniyang ama.
“Ah, balak mong magturo doon sa bahay ampunan? O sa mga malalaking unibersidad sa Maynila?” tanong ng kaniyang ama.
“Dito ho itay, dito ko ho balak magturo sa atin,” sagot ni Nestor dito.
“Gusto mo ba nang bato? Dahil ipukpok ko na lang ngayon sa ulo mo para magising ka. Nakaalis ka na nga rito e babalik ka pa! Sa tingin mo ba ay may sasahurin ka dito sa probinsya natin? Gunggong ka kung iisipin mong meron,” sigaw ng kanyang ama at bigla itong napatayo sa kaniyang kinauupuan, tiningnan niya ng masama ang anak sabay baling ng tingin sa mga damit na dala nito.
“Hindi ka mapapakain ng pagmamahal mo sa kapwa o pagmamahal sa bayan. Presidente lang ang may sahod pero ang mga bayani, nililibing! Huwag mong gamitin sa akin na gusto mong magturo para sa mahihirap na kabataan dito dahil hindi na uubra pa iyan. Bata ka pa lang, marami nang guro ang nagsipagpunta dito sa ating lugar pero lahat sumuko dahil sa hirap ng buhay. Kaya sino ka naman para baguhin lahat ng iyon?” dagdag pa nito sabay dura sa mga damit na nasa kahon.
“Walang silbi ang mga damit na iyan kung hindi naming mailalaman sa mga kumakalam na sikmura at mas lalong hindi iyan ang mag-aahon sayo sa pagkain ng kamote!” pahayag ni Mang Hulyo.
Napayuko na lang si Nestor at inintindi ang kaniyang ama. Alam niyang mahirap ang kanilang buhay at pinangako niya sa mga ito na siya ang mag-aahon sa kanila sa putikan, kaya lamang ay nagbabago ang lahat ng tao.
Nakapagtapos na si Nestor ng kaniyang kurso bilang isang guro sa pagtuturo ng elementary at agad din siyang nakapasa upang magkalisensya ito.
Ngayon ay bumalik na si Nestor sa kanilang probinsya, dala-dala ang kaniyang lisensya, diploma at pag-asang maitataguyod niya ang itatayong maliit na eskwelahan.
“Anak, kung diyan ka masaya ay buong puso kitang susuportahan. Ako na ang bahala sa magiging meryenda ng mga estudyante mo, maglalaga ako ng kamote,” pahayag ng kaniyang ina.
Pinagtawanan lamang si ni Mang Hulyo at sinabing susuko din siya sa ginagawa kapag dumating ang araw na wala ang pera niya kakaubos sa mga batang hindi naman magkakaroon ng magandang kinabukasan dahil mananatili at tatanda rin ang lahat sa kanilang lugar.
“Hulyo, nga pala para ito kay Nestor. Pasasalamat dahil matiyaga niyang tinuturuan ang mga anak ko, kahit nga ako ngayon ay marunong na ring magsulat, tanggapin niyo sana ito,” saad ni Aling Fura na isa rin sa mga estudyante ni Nestor sabay bigay ng isang sakong bigas.
“Isang sakong bigas? Walang pangbayad ang anak ko niyan at wala rin akong mabibigay na kapalit,” sagot ng lalaki.
“Libre iyan, Hulyo. Kabayaran sa kabutihan ng anak mo,” saad sa kanya ng ale.
Hanggang sa nagsunod-sunod ang mga biyayang dumating sa bahay nila. Bigas, prutas, gulay mga damit, laruan at iba pang gamit na mapapakinabangan nila sa araw-araw.
“Anak, patawarin mo ako kung ininsulto kita. Kung minaliit kita, akala ko kasi ay pera lamang ang makakapagsalba sa atin sa kahirap pero tingnan mo itong mga biyayang ito? Sobra-sobra pa ito para sa atin at sa mga estudyante mo. Hanga ako sayo, anak,” wika ni Mang Hulyo kay Nestor.
“Maraming salamat ‘tay,” sagot ng binata at niyakap niya ang ama.
Ngayon ay patuloy na nagtuturo si Nestor sa kanilang lugar, naiparating na rin sa DEPED ang kaniyang kabayanihan kaya naman tinulungan nilang makapagpatayo ng maayos na eskwelahan sa lugar ng binata para na rin sa edukasyong nararapat para sa lahat. Sa wakas, natupad ni Nestor ang kaniyang mga pangarap.