Inday TrendingInday Trending
Ang Mahiwagang Pangontra sa Budol-Budol Gang

Ang Mahiwagang Pangontra sa Budol-Budol Gang

Karaniwang target ng mga lalaking magnanakaw ang mga matatanda dahil mas madaling maniwala sa mga pakulo nila. Iba ang lolang ito, sila ang nabiktima!

Nakangising binilang ni Al ang perang hawak. Ayos, sa isang lakaran lamang ay may 15 000 pesos na sila. Paghahatian nila iyon ng dalawa niya pang kasama, kaya tig-5k sila. Ang sarap isampal sa mukha ng mga taong nagsabing wala siyang mararating sa buhay dahil bulakbol siya sa pag-aaral noon

“Hah, maliit pa nga ito eh. Basta gagalingan natin at walang kakanta, yayaman tayo rito.” sabi niya kina Jette at Lito.

“Oo naman, kami pa ba? Matagal na tayong magkakasama. Tsaka daig pa natin ang mga nag-oopisina, magkano ang kinikita nila sa pangangamuhan? Samantalang tayo kaunting karinyo lang may pera na,” tatawa tawang segunda ni Lito.

Well, tama naman ito. Easy money ang kanilang hanapbuhay. Paano naman kasi, budol gang sila. Ang raket nila ay magkukunwaring nagbebenta ng sabon, may mga pekeng ID pa sila. Si Al ang taga-kausap sa biktima, kung anu ano ang sasabihin niya hanggang mawili ito at pumayag na papasukin sila sa bahay. Kesyo, sasampolan nila kung gaano ka-effective ang sabong ibinebenta.

Kapag napansin nilang lutang na ang kausap ay doon eeksena sina Jette at Lito, na tutulungan siyang limasin ang pag-aari ng kanilang biktima. Kani-kanina nga lang ay isang matandang lalaki ang kanilang nanakawan. Kadalasan naman ay iyong may edad na talaga ang tinatarget nila, dahil mas madaling magtiwala ang mga ito.

“Nga pala Jette, natiktikan mo na ba iyong sinasabi ko sayong bahay? Iyong malaki na may lola laging nakaupo sa tumba-tumbang upuan?” tanong ni Al.

“Oo. May kasama ang matanda, isang dalaga pero mga bandang alas siyete na ng gabi kung umuwi. Pare, madali lang iyon. Tapos jackpot pa tayo kasi parang mayaman,” nakangisi na agad na sabi ni Jette.

Nagningning ang pera sa mga mata nito.

Pinlano na nila agad kung paano kakausapin ang lola. Kinabukasan ay maagang nagbihis ang magkakaibigan, hindi sila kaagad bumaba sa sasakyan dahil nagmasid muna sila sa paligid. Walang masyadong kapitbahay ang lola at tulad ng dati ay nakaupo lang ito sa tumba-tumba.

Malawak ang bakuran nito at nasa terrace sa harapan ng bahay ito nakapwesto palagi.

“Madali lang to pre, tara,” pangunguna ni Al.

Isa- isa silang bumaba. May nakapaskil pang mga napakatatamis na ngiti sa labi.

“Goodmorning po lola! Sunny bright detergent po.” sabi ni Al mula sa gate.

“Libreng sabon po kasi kakasimula lang po namin, pero kung okay lang po ide-demo muna namin sa inyo,” sabi ni Jette.

“Ang kagandahan dito lola ay sobrang mura kaysa sa mga sikat na.” dagdag ni Lito.

Walang kibo ang matanda at tinitingnan lamang sila.

“P-Pwede po bang pumasok?” tanong nilang muli, nasa gate pa rin kasi sila.

Tumango lang ang lola kaya agad na pumasok ang tatlo. Dahan-dahan lang silang naglakad sa malawak na bakuran dahil kinakabisa nila ang bahay, nag-usap rin sila ng mabilisan.

“Wag na muna tayong maghiwa-hiwalay. Kausapin na nating tatlo ang matanda tutal ay mamaya pa naman darating ang kasama niya diba? Tapos saka natin nakawin ang lahat ng ari-arian.” sabi ni Lito.

Sumang-ayon naman ang dalawa.

“Yan, sobrang thank you po Ma’am sa opportunity na makinig sa amin. Like po ng sinabi ko kanina, bago lang kami. Si Sunny Bright detergent po ay product ng KL Corporation, isa sa mga fastest growing company sa bansa. Pareho lang kami ng mga sikat na brand, iisang ingredient lang ang ginagamit pero inooffer namin ang mga products sa mas murang halaga.

As in halos kalahati. Kayo po ba? Diba ang sabong panlaba ay nasa otso pesos na? Sa amin po ay papatak na 4 pesos lang isang pakete,” dire-diretsong sabi ni Al.

Nakatitig lang sa kanya ang lola kaya medyo nailang ang lalaki. Para rin kasi siyang hinihigop ng mga mata nito, parang siya ang nahihipnotismo.

Naka-duster ang matanda at prenteng nakaupo sa tumba-tuma. Wala karea-reaksyon.

Siniko siya ni Lito, hindi kasi maaaring wala siyang sasabihin. Kailangan tuloy-tuloy ang salita hanggang hindi na namamalayan ng kausap nila na kung anu ano na ang kanilang pinagsasabi.

Mabilis namang sumaklolo sa kanya si Jette, “Ako nga po eh. Dati ako mismo na empleyado hindi naniniwala pero nang gamitin ko na ay namangha ako. Akalain nyo ba naman kasing iyong polo na bigay ng misis ko mula HongKong, iyong may mantsa? Nagawa niyang gawing mukhang bago ulit!

Hindi na tuloy nagtatampo ang misis ko. Pinaghirapan niya iyon sa abroad eh, 2001 noong una siyang naging OFW tapos ngayon ang tagal niya na. Iyon pa rin ang amo niya,” sabi ng lalaki.

Sinundan pa iyon ng kung anu-anong kwento na hindi na naman talaga related sa sabon. Pero hindi natitinag ang lola.

Nakakaramdam na ng inis ang tatlo, halos isang oras na sila rito.

“T*ngina ka ‘La. Pasensya kana pero kailangan kasi talaga namin eh.” sabi ni Al. Bahala na, ayaw niya nang utuin ang matanda.

Magnanakaw na sila, tutal naman ay mukhang mabagal ito at hindi makakalaban. Bukod doon, hindi naman sila taga-rito. Kung magtatangka man itong tumawag ng mga pulis, sa tagal nito ay nakalayo na sila.

Pero akmang tatadyakan pa lamang nila ang pinto ng bahay ay biglang dumating ang mga alagad ng batas at inaresto ang tatlo. Hindi nila maintindihan kung paano nangyari iyon, lumabas ang isang dalaga mula sa loob.

“Magnanakaw ho sila!” umiiyak na sabi nito, nanginginig pa.

Isinama silang lahat sa presinto maging ang babae, na kanina pala ay nasa likod bahay at narinig ang kanilang plano. Day off pala nito sa trabaho.

“S-Sir narinig ko ho silang nagpaplano na nanakawin ang ari-arian at may kakausapin raw hong matanda.” sumbong ng babae dahil hinihingian siya ng statement ng mga pulis.

Nang pagkakataon na nina Al ay dinepensahan naman nila ang kanilang sarili, “S-Ser nakita ninyo ba kami sa akto na nagnanakaw? Hindi nga ho, kakwentuhan lang namin ang lola niya.” sabi niya at sumulyap pa sa dalagang si Ana na noon ay nanlalaki ang mata sa gulat.

“Tingnan ho ninyo, sinungaling!” naiiyak na sigaw ng babae.

“Ano ang sinungaling roon miss? Binebentahan lang namin ang lola mo-“

“Matagal nang pumanaw ang lola ko!” bulyaw ni Ana.

Hindi nakapagsalita ang tatlo, gumapang ang kilabot sa kanilang mga katawan. Nagkatinginan sila at inamin rin ang kanilang kasamaan dahil sa sobrang takot.

Hindi nila akalain na ang matandang kausap nila kanina ay isang multo! Ito na yata ang karmang matagal nang naghihintay sa kanila, ayos nang makulong kaysa multuhin sila ng lola.

Samantalang si Ana naman ay magkakahalong emosyon ang nararamdaman. Hindi na siya takot dahil nakakulong na ang mga kawatan. Pero aaminin niyang nabakas niya ang kilabot sa mukha ng mga ito nang sabihin niyang wala na ang kanyang lola. Ibig sabihin, posibleng nakausap nga ng mga ito ang matanda.

Mapait na napasulyap siya sa tumba-tumba na tatlong taon nang bakante mula nang sumalangit ang matanda. Umihip ang malakas na hangin at gumalaw iyon.

“Lola, salamat po at hanggang ngayon ay binabantayan mo ako. Mahal kita..”

Advertisement