Inday TrendingInday Trending
Pinagtagpo Para Itadhana

Pinagtagpo Para Itadhana

Si Ella ay ipinagkasundo ng mga magulang sa anak ng matalik na kaibigan ng mga ito. Sinabi pa ng mga magulang niya na ito raw ang kanyang childhood sweetheart pero wala naman siyang matandaan na nagkita o nagkakilala sila noong mga bata sila.

Sa una ay halos mag-iiyak at maglulupasay ang dalaga nang malamang ipapakasal siya sa lalaking hindi niya mahal kaya ang ginawa niya ay tinawagan ang boyfriend niya at sinabing itanan siya at pakasalan nito ngunit sinabi ng lalaki na hindi pa nito kaya ang responsibilidad bilang asawa, sinabi rin nito na hindi pa siya nito ganoon kamahal para pakasalan kaya gumuho ang mundo niya at nawalan ng pag-asa kaya sa bandang huli ay sinunod na lang niya ang mga magulang sa kagustuhan ng mga ito.

Minsan ay inutusan siya ng kanyang ina na pumunta sa bahay ng kanyang mapapangasawa para makita ito.

“Hi, Tita Betty magandang hapon po,” aniya pagpasok sa bahay ng mga magulang ng kanyang fiance.

“Ikaw pala, hija. Napadalaw ka? Naku, napakaganda talaga ng mamanugangin ko,” anito.

“Pinapunta po kasi ako dito ni Mama para po makita si Luke,” sabi niya sa kanyang future mother in law.

Malugod siya nitong dinala sa sala at nakita niya roon ang isang lalaki na nakahiga sa sofa at naglalaro ng PSP.

“Luke, narito si Ella ang fiance mo,” wika ng babae.

Wala itong imik at patuoy na naglalaro at hindi man lang lumingon.

“Ay Tita hayaan niyo na lang po siya. Busy po yata sa ginagawa niya, e!” naka-ismid niyang sabi.

“Naku, tumayo ka nga riyan Luke at asikasuhin mo ang mapapangasawa mo!” bulyaw ng ina ng lalaki. “Pasensya ka na hija at ganyan lang talaga ang anak ko. Maupo ka muna at kukuha lang ako ng meryenda ha,” pahabol pa nito.

Habang dalawa na lamang sila na nasa sala ay biglang nagsalita si Luke.

“Buwisit, nakakainis, talo na naman!”

“Ano ba iyang nilalaro mo?” tanong ni Ella habang nakatingin sa nilalaro ng lalaki.

Lumingon ito sa kanya at nagwika “Bakit alam mo ba ‘to?” sarkastikong tanong nito.

Hindi na nakasagot si Ella dahil biglang dumating si Betty at may dalang slice ng cake, biskwit at orange juice. Mayamaya ay umalis ito ulit at nagpunta sa kusina. Nakita niyang dumukot ng tatlong pirasong biskwit ang lalaki at sabay-sabay na isinubo sa bibig. Kasabay noon ay naglalaglagang mumo ng durog na biskwit ang kumalat sa suot nitong damit na galing sa ngumunguya nitong bibig. Ang kalat nitong kumain na daig pa ang bata. Muli itong lumingon sa kanya at inalok siya ng pagkain.

“Kain ka , o! Masarap ‘to!” wika ni Luke habang maingay na ngumunguya.

“S-sige lang,” matipid niyag sagot.

Napainom ng juice si Ella at bumulong sa sarili.

“Ito ba talaga ang mapapangasawa ko? Parang bata kung kumilos. Baka mamaya maging yaya pa ako ng mokong na ito.”

Matapos kumain ng kaunti ay nagmamadali na siyang nagpaalam. Nagdahilan na lang siya na may mga gagawin pa siya sa bahay, gusto niya sanang magtagal doon ngunit nainis siya sa inasta ni Luke.

Sa bahay nila ay hindi niya natiis na magkuwento sa kanyang ina.

“Mama, ayoko na magpakasal, napaka-isip bata naman ng Luke na iyon. Nakakainis siya,” maktol niya.

“Anak, intindihin mo na lang muna. Kapag ikinasal na kayo ay baka magbago rin siya,” anito.

“Haynaku, basta ayokong magpakasal sa kanya. Ipakasal niyo na lang ako sa iba, huwag lang sa isip batang iyon!” aniya sabay naglakad papunta sa kanyang kuwarto.

“Ella, anak bumalik ka dito. Hindi pa tayo tapos mag-usap!” sigaw ng ina.

Hindi niya iyon pinansin, sa halip ay nagkulong siya sa kanyang kuwarto.

Isang araw, habang namimili siya sa mall ay di sinasadyang nakita niya si Luke na may kasamang magandang babae. Magkahawak-kamay pa ang mga ito habang naglalakad. Sa tingin niya ay masaya ang lalaki na kasama ang babaeng iyon. Napansin din niya na napaka-guwapo ni Luke sa suot nitong polo shirt at maong pants. Naka-Korean look pa ang mokong. Ang mga kilos nito ay normal gaya ng ibang binata na malayong-malayo sa isip batang kilos nito. Sa isip niya ay maporma pala ito samantalang nang pumunta siya sa bahay nito ay hindi man lang marunong mag-ayos sa sarili ang lalaki.

“Grabe, iba ang datingan ng lokong ito ha! Teka hindi kaya nagkukunwari lang ito na isip bata para ma-turn off ako sa kanya para hindi matuloy ang kasal? Hmmm…” bulong niya sa isip.

Kinaumagahan ay nagpasya si Ella na pumunta sa bahay ng lalaki. Nagdala pa siya ng chocolate cake para may makain sila. Hindi na siya nagtaka nang maabutan niya ulit na naglalaro ng PSP si Luke at nakahiga sa sofa. Nakasuot lang ito ng luma at kupas na sando at maluwang na shorts. Umupo siya sa tabi nito habang inihanda naman ni Betty ang dala niyang chocolate cake.

“Luke, anak chocolate cake dala iyan ni Ella sa iyo,” wika ng ina ng lalaki saka bumalik ulit sa kusina para kumuha naman ng maiinom.

Kumuha ng isang slice ng cake si Luke at isinubo.

“Ano, masarap ba, Luke?” sabi niya rito.

Hindi siya pinansin nito, sa halip ay ipinagpatuloy ang paglalaro. Kukuha pa sana ito ng isa pang slice nang paluin ni Ella ang kamay nito.

“Grabe ka! Tinatanong kita kung masarap, tapos wala kang reaksyon? Hindi ka man lang nagpasalamat?” aniya sa inis na boses.

Nakakunot ang noo ni Luke na tumingin sa kanya.

“Iyon lang ba ang gusto mong marinig? E di salamat!” tila nang-iinis na sabi ng lalaki sabay kuha ulit ng cake.

Sa sobrang inis naman ni Ella ay pinagbantaan niya ito.

“Aba, baka gusto mong isumbong kita kay Tita Betty na may kasama kang ibang babae sa mall at magkahawak-kamay pa kayo!”

Halos mabulunan si Luke sa sinabi niya at nang tangkain niyang magsumbong ay tinakpan nito ang bibig niya.

“Huwag ka maingay,” bulong nito sa kanya.

“Okay fine. Umamin ka sa akin, girlfriend mo iyon di ba?”

Tumango si Luke at biglang nalungkot ang mukha.

“Bakit mo itinatago? Bakit ayaw mong malaman nila Tita ang tungkol sa kanya?”

“Mahirap lang kasi ang pamilya nina Jacque kaya natatakot akong sabihin kila Mama ang tungkol sa kanya dahil siguradong hindi nila matatanggap ang girlfriend ko. Natatakot lang ako na baka masaktan siya kapag ipinakilala ko sa aking pamilya,” bunyag ng lalaki.

“Pero mahal mo talaga siya?” tanong ni Ella.

“Oo, mahal ko siya,” halata sa mukha nito na seryoso ito sa babae.

“So, paano iyan. Kailangan na hindi matuloy ang kasal natin,” sabi niya rito.

“Yes, pero huwag mo muna sasabihin sa kanila ang tungkol sa amin ni Jacque ha? Gagawa ako ng paraan.”

“Sige pero sa isang kondisyon…”

“A-anong kondisyon?”

“Ipakilala mo ako sa iba mo pang mga kaibigang lalaki. Malay mo may magustuhan ako sa kanila at siya ang pakasalan ko. Mainam rin iyon para kapag nagtanong sila kung bakit hindi natuloy ang kasal natin ay dahil nagkagusto ako sa ibang lalaki,” hirit ni Ella.

“Iyon lang pala, e. Sige ako ang bahala at may ipapakilala ako sa iyo.”

Tinotoo nga ni Luke ang sinabi kay Ella at ipinakilala siya nito sa kaibigang si Harvey. Kagaya ni Luke ay napaka-guwapo rin ni Harvey kaya agad niya itong kinaibigan. Naging madalas ang paglabas-labas nila kasama ang iba pang kaibigan ni Luke. Sa tuwing may lakad ang barkada ng lalaki ay palaging kasama si Ella para lalong mapalapit kay Harvey. Ngunit sa madalas na paglabas at gimik ni Luke ay tila nagkalabuan ang lalaki at ang girlfriend nito na nauwi sa paghihiwalay dahil lang sa ayaw ng babae na lumalabas si Luke kasama ang mga kaibigan at nag-iinuman. Konserbatibo kasi ito at hindi mahilig sa gimik at barkada. Gusto ng babae na sa kanila lang ng boyfriend umiikot ang mundo ngunit hindi iyon kaya ni Luke kaya kusa na rin itong sumuko. Ang naging takbuhan at hingahan ng lalaki sa mga panahong lugmok na lugmok ito ay si Ella. Doon nagsimula ang pagiging malapit nila sa isa’t isa ngunit hindi namalayan ni Ella na nahuhulog na pala ang loob niya kay Luke at ganoon din ito sa kanya. Hindi na rin natuloy ang pakikipagmabutihan ni Ella kay Harvey dahil napagtanto niya na mas mahal niya ang kanyang fiance.

“Hindi ko akalaing hahantong tayo sa ganito, Luke. Noong una ay ayoko sa iyo kasi napaka-isip bata mo pero wala, e bigla na lang tumibok ang puso ko sa iyo,” wika niya sa lalaki.

“Ako din, Ella. Akala ko ay si Jacque na ang babae para sa akin ngunit nang lubos kitang makilala ay napamahal na ako sa iyo,” anito.

Naging opisyal na magkarelasyon sila kahit alam nila na engaged na sila. Noon kasi ang relasyon nila ay bunga lang ng arranged marriage pero ngayon ay totoong-totoo na ang nararamdaman nila sa isa’t isa. Umabot ng tatlong buwan ang kanilang relasyon at hindi sa lahat ng pagkakataon ay masaya sila. Ilang beses din silang nagkatampuhan at nauuwi sa cool off dahil sa magkaiba nilang personalidad pero nagkakabalikan pa rin ngunit nang dumating ang ikaapat na buwan nilang anibersaryo ay hindi man lang nagpaparamdam si Luke kay Ella. Hindi man lang ito nagyaya na lumabas sila at iselebra ang espesyal nilang araw. Wala ito buong araw sa bahay nito at umalis daw sabi ng kanyang Tita Betty. Kahit tawag at text ay hindi nito nagawa. Sa sobrang sama ng loob sa fiance ay desidido na talaga siyang hiwalayan ito. Naramdaman niya na napakasakit palang balewalain siya ng taong mahal niya sa importanteng araw niya. Ngunit nagulat siya nang kinagabihan ay pinuntahan siya ni Luke sa kanilang bahay.

“O, mabuti naman at nagpakita ka pa?” galit niyang singhal sa lalaki.

“Narito ako para kunin ko ang lahat ng mga ibinigay ko sa iyo,” wika nito.

Nabigla siya sa sinabi ni Luke. Hindi siya makapaniwala na iyon ang bungad sa kanya nito. Napaiyak na lang siya nang sabihin nito na pati ang mga ibinigay nitong regalo sa kanya ay binabawi rin.

“A-anong ibig sabihin nito? Pero kung iyan ang gusto mo, sige kukunin ko!”

Papatalikod na siya upang kunin ang hinihingi nito ngunit biglang hinawakan ni Luke ang braso niya. Nang lingunin niya ang lalaki ay napansin niya ang dala nitong kahon.

“At ano naman ang kahon na iyan?” sabi niya habang patuloy ang pagdaloy ng luha sa mga mata.

“Nasa loob niyan ang mga ibinigay mo sa akin, buksan mo para makita mo,” sagot nito.

Pagbukas niya ay laking gulat niya dahil isang pirasong papel lang na nakatupi ang laman ng kahon. Nang basahin niya ang nilalaman ng sulat ay mas lalo siyang naluha.

“Ngayong araw ay gusto kong ibahagi ang lahat-lahat sa iyo. Handa mo ba akong tanggapin ng buong-buo? Would you take me as your forever, my labs? Pinakukuha ko sa iyo ang mga ibinigay ko sa iyo dahil gusto ko na dalhin mo na ang lahat ng iyon sa magiging bahay natin. Sa bagong bahay natin kapag mag-asawa na tayo.”

Nakapaloob din sa kahon ang isang maliit na kahon na may lamang singsing, kinuha iyon ni Luke at lumuhod sa harapan niya.

“Will you marry me, Ella?” seryosong sabi ng kanyang fiance.

Napahagulgol si Ella sa sorpresang iyon ni Luke.

“Yes, yes, yes!” paulit-ulit niyang sabi kay Luke sabay yakap rito nang mahigpit at halik sa mga labi nito. “Kainis ka talaga, lagi mo na lang ako pinapaiyak, e!” maktol niya.

“Sorry na mahal. I love you!” bulong nito sa kanya sabay halik muli sa mga labi niya.

Nang biglang may dumating na kotse at sumakay sila doon. Dinala sila ng sasakyan sa isang romantikong lugar. Ikinagulat niya na naroon din ang mga magulang nila at mga kaibigan. Wala siyang kaalam-alam na doon pala gaganapin ang enggrandeng pagtatapat ni Luke ng kasal sa kanya kaharap ng mga importanteng tao sa buhay nila. Inamin ng lalaki na iyon pala ang sorpresa nito sa kanya kaya buong araw itong hindi nagpakita.

Ikinasal sila ni Luke at di nagtagal ay nabiyayaan ng dalawang anak. Mula noon ay naging maayos na ang pagsasama nilang mag-asawa at walang ibang nasabi si Ella kundi sila talaga ni Luke ang itinadhana ng Maykapal.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement