Palaging sinasabi ng mga mangangalakal na magulang ni Edgar na kahit mahirap lang sila ay marangal ang kanilang trabaho na hindi niya dapat ikahiya ang pangongolekta ng mga basura o bote dahil may pera kapalit ang mga iyon.
“Ayan na si Edgar, naabutan na naman tayo,” wika ni Darwin.
“Tutal nandito na rin naman kayo at pagod ako ngayon, baka gusto niyo na magkusang loob,” pahayag ni Edgar sa binata.
“Edgar kasi ano, wala kaming pera ngayon saka tinapay lang ang baon namin,” baling sa kaniya ni Oliver.
“Gusto niyo pa bang pagsasapakin ko kayo bago niyo ako bigyan?!” bulyaw ni Egdar sa dalawa sabay taas sa manggas ng kaniyang polo at hinawakan ang kaniyang kamao. Hinimas niya ito na tila pinapainit para sa pagsuntok sa dalawa.
“Sorry, sorry. Ito na,” nanginginig na sagot ng dalawa sabay hagis sa baon nilang tinapay at agad na itinakip ang kanilang bag sa ulo, halatang takot na takot ang dalawa.
“Ibibigay niyo naman pala e, asan ang pera?!” sabi ni Edgar.
“Ito pa pala, ayan na ha! Tig-limang piso na kami ni Darwin diyan, huwag mo na kami saktan,” saad pa ni Oliver sabay hagos sa sampong pisong barya.
“Saan yung sa iba niyong kaklase? Diba sabi ko tig limang piso bawat ulo? Gusto niyo talaga yata masaktan e,” pahayag muli ni Edgar at saka lumapit kay Oliver at hinawakan niya sa kuwelyo ang bata.
“Parang awa mo na Edgar, huwag mo kaming saktan! Wala na kaming makuhang pera kasi ayaw na nila magbigay. Maniwala ka sa akin,” nagmamaka-awang wika ni Oliver.
Binitiwan ni Edgar ang dalawng kaklase nang makitang paparating ang isang guro.
“Walang magsusumbong!” mahinang bulong ni Edgar sa dalawa at niyakap niya ito saka umalis.
“Okay lang ba kayo mga bata?” tanong ni Ms. Ada.
“Ayos naman po ma’am,” sagot nina Oliver at Darwin. Umalis na din kaaga ang dalawa para pumasok sa klase.
Kilalang bully si Edgar sa kanilang paaralan. Bukod sa nananakit siya ng mga kaklase kapag hindi ibinigay sa kaniya ang baon ay lagi din siyang nangungulekta ng tig limang piso sa bawat kaklase.
Hanggang sa nakarating na nga ito sa ibang mga guro ngunit wala naman may gustong magsumbong at hindi rin naman nila mahuli sa akto si Edgar kaya hindi nila mabigyan ng tamang kaparusahan ang bata.
“Anak, nakakuha ka ba ng mga bote sa eskwelahan niyo? Para sana maidagdag natin sa benta,” wika ni Aling Vina, ang nanay ni Edgar.
“Wala, tinapay lang ang nahingi ko,” galit na sagot ni Edgar.
“Nahingi o nanakot ka na man sa mga kaklase mo? Bakit mo ba laging ginagawa iyan? Akala mo ba hindi ko alam na lagi kang nanakit ng mga bata at nangunguha ka pa ng pera, bakit ka ganyan anak?” tanong ni Aling Vina.
“Hindi kaya, saka hindi ko naman sila sinasaktan. Tinatakot ko lang naman, huwag kayong mag-alala malapit ko nang tigilan ang panananakot,” baling ni Edgar sa kaniyang ina.
“Alam kong mahirap lang tayo anak at maaring pulubi ng tingin ng iba sa atin pero sana matutunan mong maging mabuting tao dahil yan lang naman ang mapapamana ko sa’yo,” saad naman ng kaniyang ina na halatang tinatago ang mga luha.
Umalis na si Edgar upang magpunta sa may karinderya, doon kasi siya nagbabasa dahil may ilaw.
“Mukhang kasya naman na ang lahat ng nakuha ko, pwede ko nang ihinto ang pananakot,” saad ng bata sa kaniyang sarili.
“E bakit mo ba kasi sila laging tinatakot?” tanong ng isang babae na biglang tumabi sa kaniya. Pamilyar ang boses na iyon kaya bigla siyang naupo ng maayos at hinarap ang nagsalita.
“Ma’am Ada, hindi po. Hindi po, mali po ang iniisip niyo,” mabilis na sagot ni Edgar sa guro.
“Hindi mo kailangan matakot sa akin Edgar, tinatanong lang naman kita kung bakit kasi gusto kitang tulungan. May gusto ka bang bilhin kaya ka laging nanghihingi ng pera sa mga kaklase mo? Gusto mo ba ng bagong sapatos, bag o laruan?” tanong ng guro sa kaniya.
“Wala po, hindi po iyan ang gusto ko. Hindi na po ako mananakot huwag niyo na po ako pagalitan,” baling ng bata saka ito tumkbo palayo.
Alam ni Ada na hindi magiging ganun kadali na malambot niya si Edgard kaya naman lihim niyang sinusundan ang bata. Nag-aalala kasi siya baka sa masamang bagay gamitin ito ni Edgar kaya hindi niya sinusukuan ito.
Maya-maya pa ay nakita niyang inilabas ng bata ang isang bag saka pumasok sa katapat na kainan.
“Ayun naman pala, gustong kumain ng masarap ni Edgar,” bulong pa ni Ada sa sarili.
Ngunit nagulat siyang halos sampong order ang binili ng bata, hirap na hirap man itong lumabas ngunit kinaya ni Edgar bitbitin ito mag-isa.
Nakita niyang palihim itong nag-iwan ng isang burger sa kaniyang nanay na natutulog.
“Kung hindi para sa kaniya o sa mga magulang niya e para kanino niya ibibigay ang mga pagkain?” tanong pang muli ni Ada sa sarili.
Sinundan pa rin niya ang bata at saka siya napahinto nang makita ang ilang mga palaboy na lumapit kay Edgar. Naupo sila sa ilalim ng isang puno at dalawang tao sa bawat isang pagkain ang hatian ng mga ito.
Napapikit si Ada sa kaniyang nakita.
“Kuya Edgar, salamat ha! Natikman namin ang jollibee. Sana sa susunod mcdo naman po,” sigaw ng isang bata.
“Naku baka matagal pa bago ako makapagbigay ulit ng pagkain ha, marami na kasing nagagalit sa akin,” sambit ng bata.
“Nagagalit ba silang pinapakain mo kami?” tanong pang muli ng isang bata.
Hindi sumagot si Edgar at niyakap lamang ang mga bata.
Doon napagtanto ni Ada na hindi masamang bata si Edgar at napakabuti pa pala ng puso nito dahil kahit salat sa buhay ay naiisip pa rin niyang tumulong sa ibang bata.
Tinupad naman ni Edgar ang kaniyang sinabi na hindi na muli siyang mananakot o manghihingi ng pera sa mga kaklase.
“Edgard, tara samahan mo ako. Bili tayo sa McDo,” saad ni Ada sa bata.
Tumango lamang si Edgar at sumama siya dito. “May gusto ka ba?” tanong muli ng guro.
“Wala naman po, pero bakit ang dami niyong binili? Ipapakain niyo po ba yan sa klase?” tanong ni Edgar.
“Naku hindi, para sa iyo lahat ng ito. Sasamahan kita at papakanin natin ang mga kaibigan mo. Alam ko na ngyon na hindi mo ginagamit sa masamang bagay ang pera pero mali pa rin na ganun ang ginawa mo para mapakain sila,” paliwanag ng guro.
“Pero dahil nakita ko kung gaano kabuti iyang puso mo ay tutulungan na lang kita. Mag-iipon tayo lagi, mga bote o kahit ano na pwedeng pagkakitaan para mapakain natin sila kaya huwag ka na mag-alala. Ngiti na Edgar,” dagdag pa nito.
Niyakap ni Edgar ang guro at nagpasalamat siya dito. Saka sila sabay na pumunta sa mga palaboy at sabay-sabay na kumain.