Ang Obligasyon ng Pagiging Isang Ninang
Saktong isang buwang gulang noon ang anak nila Dona at Kier nang pabinyagan nila ang bata. Naka-pitong pares sila ng mga ninong at ninang na puro konsehal sa kanilang lugar. Limang pares mula sa mga katrabaho at tatlong pares naman mula sa mga kaklase nila noong kolehiyo. Idagdag pa ang mga ninong at ninang sa kanilang lugar na hindi na inilista ay sadyang napakaraming pangalawang magulang ng batang si Stephanie.
“Mahal, mag bibirthday na si Steph! Apat na buwan na lang. Dapat maghanda na tayo ng pera para sa malaking handaan. Gusto ko sana ay bongga, alam mo na, unang anak natin ito,” wika ni Dona sa kaniyang mister habang nilalaro ang kanilang anak.
“Mahal, alam mo naman ang sitwasyon ngayon diba? Kakagaling lang ni mama sa ospital at hindi pa rin maayos ang sugar sa dugo niya, kaya kapos tayo sa pera. Pwede bang simplehan na lang muna natin ang selebrasyon?” saad ni Kier dito.
“Kaya nga ngayon pa lang ay sinasabi ko na sayo para may oras pa tayo makapag-ipon. Ano ba yung magtabi ka para sa anak mo diba, birthday naman ‘yon! Hindi naman natin papabayaan si mama,” pahayag naman ni Dona sa mister.
“Nasa magkano ba ang target na budget mo?” tanong ni mister.
“Mga nasa 50 to 60 libong piso lang naman,” sagot naman ni misis.
Nabilaukan si Kier nang marinig ang sinabing presyo.
“Mahal, alam mong minimum lang ang sinasahod ko at hindi na malakas ang pag-eextra ko sa Grab kaya ngayon pa lang ay sinasabi ko nang hindi ko kakayanin ang ganyang kalaking gastusin,” baling ni Kier sa kaniyang misis.
“T*ngina talaga! Ang aga-aga pa sumusuko ka na, hindi ka pa nga nakakaipon, hindi pa natin sinusubukan pero ganyan na ang sagot mo. Ako na ang gagawa ng paraan! Napakahina mong dumiskarte sa buhay,” galit na sagot ni Dona saka tumayo at lumabas ng kanilang kwarto.
Simula nang maging magkasintahan ang dalawa ay nanuluyan na ito sa poder nila Kier, dahil panganay ang lalaki kaya malakas din ang loob ni Dona. Palibhasa’y puro babae ang kapatid ng kaniyang asawa at ito ang aalis sa bahay kapag nagsipag-asawa na saka mapupunta ang bahay sa kanilang mag-asawa pagdating ng araw.
“Ate Tess, baka pwede mo naman ako ilakad kay kapitana at sa mga kagawad ng meeting. Magsosolicit lang sana ako para sa 1st birthday ni Stephanie,” pahayag ni Dona.
“Naku, magulo ngayon sa barangay ha? Balita ko rin ay 500 lang ang bigayan nila sa mga nagsosolicit,” sagot naman ni Tess, ang kusinera sa kanilang barangay.
“Naku Ate Tess, iba naman si Stephanie. Inaanak nila ang anak ko,” nakangiting saad ni Dona sa babae. Nagtaas na lang ng kilay ang babae at saka tumango.
Pinagawa nang sulat si Dona para ibigay sa mga konsehal at kay kapitana kahit nga paulit-ulit niyang sinabing inaanak nila ang bata. Hindi man lang siya nagkaroon ng pagkakataon na makita o maka-usap ng personal ang mga ito at limang daan lang rin ang kaniyang nakuha.
“T*ngina ‘tong mga to. Nung eleksyon lang magaling, mabuti pa noong hindi pa nananalo ay nagbibigay pa at nagbabahay-bahay. Walang kwentang ninong at ninang!” isip-isip ng dalaga habang palabas siya sa kanilang barangay hall.
Sinunod naman ni Dona kausapin ang ibang ninong ngunit mas nahirapan siya.
“Sis, baka naman pwede mong sagutin yung photobooth ng inaanak mo. Malapit na kasi yung birthday niya,” wika ni Dona sa chat.
“Naku sis, pasensya ka na ha. Malapit na kasi ang pasukan kaya nag-iipon ako ng pera para sa mga gamit ng anak ko. Pwede bang 500 na lang ibigay ko?” saad sa kaniya ni Jinky, kaklase dati ni Dona
“Ikaw naman sis, wala ka naman binigay nung binyag baka naman pwede mo nang ibawi ngayon sa 1st birthday,” sagot ni Dona.
“Sis pasensya ka na talaga ha? Wala talaga e, 500 lang mabibigay ko, kung ayaw mo e di huwag,” baling ni Jinky.
“1,000 mo na mare para makabili man lang kahit cake. Walang mararating yung 500 mo e,” saad muli ni Dona.
“Alam mo sis, yung anak ko nga cake lang meron nung nag 1st birthday. Hindi pa nakakaranas ng party kahit nasa elementary na kasi ayaw kong mangutang at mas lalong ayaw kong nanghihingi sa mga ninong at ninang kasi pera iyan. Mahirap kitaan ang pera, saka hindi naman pera ang sukatan ng pagiging ninang hindi ba?” mensahe ni Jinky.
“Naku ang dami mo naman sinasabi sis, kung ayaw mong magbigay ay di huwag! Ayaw ko nang maraming sinasabi,” sagot ni Dona sa babae at saka siya nag offline.
Agad siyang pumasok sa loob ng kwarto at doon nagdadadabog. Sakto naman dumating si Kier na kakauwi lang sa trabaho.
“Anong problema mo?” tanong ni Kier sa kanyang misis.
“E paano yung mga ninong at ninang ni Steph ay hindi ko mahingan ng pera. Tapos si Jinky ang dami pang sinabi, kesyo yung anak daw nila hindi naman nagparty tapos ako daw wagas makahingi ng pera,” saad ni Dona.
“Tama naman kasi sila mahal, kung ikaw ba yung ninang tapos nagchat sa’yo yung kaibigan mo nanghihingi ng pera na akala mo may pinatago ka, magbibigay ka kaya?” baling ni Kier.
Hindi nakasagot si Donna sa sinabi ng kaniyang asawa at napaisip siyang tama ito. Hindi rin naman talaga siya magbibigay lalo na sa panahon ngayon na napakahirap kitaan ng pera.
“Kahit naman pansit at cake lang ang ihanda natin kay Steph ay lalaki pa rin ang bata. Hindi lang naman ito ang magiging kaarawan niya kaya maari pa tayong makabawi. Huwag mo na ipilit ngayon kasi wala talaga tayo, mas mahirap na mabaon tayo sa utang para lang sa handaan na pwede naman simplehan,” paliwanag ni Kier dito.
Walang nagawa si Dona kung hindi mapabuntong hininga. Ayaw na rin niyang kumausap ng ibang tao para lang humingi pa ng pera dahil nauubos na ang kaniyang hiya.
Hindi nagtagal ay dumating ang kaarawan ni Stephanie, simple lang ito katulad ng pinag-usapan nilang mag-asawa pero wala silang inutang kahit piso.
“Mahal, babawi tayo sa mga susunod kaya huwag ka na sana malungkot,” pahayag mi Kier saka niya niyakap ang kaniyang mag-ina.