Maraming taon na ang nakalipas nang iwan ng mister si Aling Delia para sumama sa ibang babae. Ang nag-iisa niya namang anak na pinaghirapan niyang pag-aralin ay maagang nag asawa, nang mabuntis ito at iwan ng nobyo ay naglayas rin sa poder niya dahil nabuburyong raw sa buhay. Iniwan sa kanyang pangangalaga ang apo niyang si JJ na ngayon ay limang taong gulang na.
“JJ! Ayaw ka pang kumilos! Ako’y hirap na hirap na sa iyo, gusto mo pa ay aasikasuhin ka! Kumain kana ng almusal!” bugnot na sigaw niya sa bata. Walang araw yata na hindi niya ito napapagalitan.
Naaaburido na rin kasi ang ale sa sobrang hirap kaya sa apo niya iyon naibubuhos.
Walang imik naman na umupo ang bata sa hapag at nagsimulang kumain. Pupungas pungas pa ito dahil kagigising lang.
“Lola kain po tayo?” yaya nito sa kanya.
Umirap naman si Aling Delia, “Wag mo nga akong pinagkakausap! Kita mo ang hirap ko sayo? Mamamatay nalang ako ay dusa pa rin ang buhay ko, aalagaan pa kita!” sermon niya rito.
Lalong nag-init ang ulo niya nang mapasulyap siya sa bintana at makita ang mga kapitbahay na nagtatawanan.
“Naha-highblood nanaman ang taong aparador,” bungisngisan ng mga ito.
“Pustahan tayo, sakit sa puso ang titigok dyan.” sabi pa ng isa.
Masama ang loob na isinara niya ang bintana, hindi na siya kumikibo sa mga ganoong pang aasar pero syempre ay masakit pa rin. Kahit pa sabihing sanay na siya sa mga tawag na lumba-lumba, mataba, baboy, dabiana, dambuhala.
Mataba kasi ang ale, sa katunayan nga ay nahihirapan siyang makabenta ng gulay sa palengke dahil para bang pinandidirihan siya ng mga mamimili. Kulang na nga lang isigaw niyang malinis ang mga paninda niya.
May isang pagkakataon pa nga na hirap na hirap siyang tumayo sa upuan niya dahil nakasalampak na siya halos sa bangketa, mahal naman kasi ang pwesto sa palengke. Imbes na may tumulong ay pinagtawanan pa siya ng mga tao.
“Lola kailan po ako papasok sa eskwela? Iyong mga kalaro kong sina Henry ay magki-kinder na raw po dyan sa daycare sa barangay,” sabi ng bata na nagpagising sa malalim na pag iisip ng ginang.
Nakasimangot niyang hinarap ito, “Papasok ka dyan? Wag na! Sayang lang ang baon sa iyo ano. Basta kumain tayo at maghanapbuhay, ganoon lang naman eh. Ako ay mamamatay na sa katabaan-nararamdaman kong sandali nalang ang buhay ko. Matitigil ka rin sa pag-aaral kaya wag mo nang simulan para di ka masaktan,”
Hindi naman umimik ang bata, malungkot nalang nitong ipinagpatuloy ang pagkain.
Isang gabi, hirap na hirap na bitbit ni Aling Delia ang isang timba at bilao na pinaglagyan niya ng paninda. Papasok na siya sa bahay nang humahangos na kausapin siya ng tanod sa kanilang barangay.
“Delia, itong apo mo ay nakipag-away. Pagsabihan mo, ke bata bata eh. Napagkaisahan tuloy siya ng mga kalaro niya. Ayan at may sugat sa ulo.” sumbong nito, noon niya napansin si JJ na nasa likod pala ng tanod.
May galos ang braso ng bata at may sugat nga sa ulo.
“Napaano yan?!”
“Lola nauntog po ako pagkatulak nila,” naiiyak na sabi ng bata.
Imbes na lapitan ang apo at yakapin ay malakas niyang hinaltak ang braso nito at kinaladkad papasok sa maliit nilang bahay.
“Tarantadong bata ka talaga! Wala ka na ngang naitutulong, kahihiyan pa ang ibibigay mo sa akin!” sabi niya at pinagpapalo ito.
Iyak nang iyak si JJ.
“Sino’ng kaaway mo ha? Sino?!”
“Sila Henry po..” pabulong na sagot nito.
Lalong nag-init ang ulo ni Aling Delia, “Perwisyo ka talaga!” nanggigigil na wika niya. “Alam mo naman na nanay ni Henry ang pinagkautangan ko ng puhunan kaya may nilalamon tayo ngayon! Paano pa ako makakaulit roon?! Ikaw, siguro naiinggit ka kasi nag aaral siya ano? Walanghiyang bata ito!”
Puro hikbi lang ang ginagawa ng paslit. Iniwan ito ni Aling Delia, mabilis siyang nagtungo sa bahay nina Henry upang ihingi ng sorry ang nagawa ng kanyang apo. Ayaw niyang masira kay Merced, ang ina ng bata.
Mabilis siyang kumatok, ilang sandali naman ay binuksan ni Merced ang pinto.
“Merced, eh kararating ko lang. Ngayon ko lang nalaman ang nangyari sa mga bata-”
“Naku Aling Delia, ako nga dapat ang pupunta sa inyo bukas. Hindi maganda ang inasal ng anak ko,” putol nito sa sasabihin niya.
“H-Hindi. Wag mong sisihin ang anak mo, tiyak ko namang asarang bata lang ang nangyari. Si JJ ang pinagalitan ko kasi pikon at nakipagsakitan,” paliwanag niya.
Umiling si Merced na siyang ipinagtaka niya.
“Nakausap ko ang anak ko Aling Delia. Tahimik si JJ at mabait na bata pero si Henry ang nanguna. Kaya nagalit ang iyong apo ay dahil ginagawa ka raw katatawanan ng mga kalaro niya. Ang sabi raw ni JJ, isang beses niya pa raw na marinig na inaasar ang lola niya ay mananakit na siya talaga.
Hindi nagpatinag ang mga bata, akala nila ay biro biro. Pero ganoon ka kamahal ng apo mo, siya ang nagsimula ng gulo para lang malaman ng iba na hindi ka pwedeng ganoonin. Ang swerte mo aling Delia, may tagapagtanggol kana.”
Tulala ang ale at parang hindi niya na narinig ang sumunod na sinasabi ni Merced, mabilis siyang bumalik sa kanilang bahay.Inabutan niya ang apo na takot pa ring nakaupo sa sofa.
Namasdan niya ang payat at maraming galos nitong katawan. Ang maliliit na kamay na walang ibang ninais kundi hawakan siya ngunit palagi siyang umiiwas, ang maamo nitong mukha. Ang mga mata nito na halatang humihingi ng pagkalinga. Ang kanyang si JJ na kahit anong masakit na salita ang sabihin niya ay hindi nagtanim ng galit.
Ang kanyang si JJ, na kahit marami siyang ipinagkait at isinumbat ay patuloy siyang minamahal, ang kanyang si JJ. Ang kanyang apo..
Nang makita siya ng bata ay mabilis itong nagsalita, “L-Lola ayaw ko lang naman pong nasasabihan ka nila ng mataba kasi po nakikita ko na nasasaktan ka-”
Niyakap niya ito. Umiiyak na si Aling Delia nang magsalita, “Shhh. Apo, patawarin mo ang lola. Mahal na mahal kita..” bulong niya.
Mula noon ay naging mabuti na si Aling Delia, bumawi siya sa kanyang apo. Inalagaan niya ito at pinag-aral. Kahit na mahirap ang buhay ay hindi na siya naaaburido basta kasama niya ang bata.
Tinuruan rin siya nito na mahalin ang kanyang sarili at kalusugan, alam niyang dapat pa siyang mabuhay ng matagal dahil kailangan siya ni JJ.
Walang kasing saya si Aling Delia dahil di man niya makuha ang mga materyal na bagay ay ipinagkaloob naman sa kanya ang isang kayamanang wala nang hihigit pa- ang kanyang apo.