Inday TrendingInday Trending
Inggitan ng Dalawang Ina

Inggitan ng Dalawang Ina

Taas noong nagbayad ng mga pinamili niya si Marjorie, aba, kapapadala lang ng mister niya mula Saudi kaya marami siyang pera ngayon. Maingat niya pang ipina-kahon ang mga pagkain tapos ay nagpahatid sa malapit na waiting shed.

Nakaupo siya habang naghihintay sa kanyang anak na si Rojer, susunduin siya ng binata. Masayang masaya si Marjorie dahil bakasyon ng anak sa kolehiyo kaya nakakasama niya ito kahit na paano.

Palingon-lingon pa siya nang mamukhaan ang babaeng nasa tabi niya.

“Mila? Ikaw na ba yan?” gulat na sabi niya.

Saglit siyang tinitigan ng babae, bago nanlaki ang mata at napangiti. “Marjorie! Ako nga ito! Hay Diyos ko, para ka namang hindi tumatanda, ilang taon na ba ang nakalipas?”

Nagyakapan silang dalawa. Naging malapit sila noon dahil magkasabay silang naghihintay ng uwian ng mga bata, kaklase ng kanyang si Rojer ang anak nitong si Eric noong elementarya. Nang makagraduate ang kanilang mga supling at mag-highschool ay nawalan na sila ng balita sa isa’t isa.

“Aba maraming taon na! Binata na ang mga chikiting natin noon eh, buti at napadpad ka rito? May grocery malapit doon sa inyo diba?” usisa niya. Nasulyapan niya ang isang plastic bag ng bigas na bitbit nito. Ayon sa itsura ni Mila ay naghihirap ito sa buhay.

“Wala. Sinamantala ko na dito bumili para masilip ko na rin si Eric. Dyan siya nagtatrabaho sa may pabrika sa tabi ng grocery,” kwento nito.

Sandaling napaisip si Marjorie, proud pa talaga ito at itinuturo pa kung saan napasok ang anak.

“O-oh. Hindi nag aaral si Eric ng college?” balik tanong ni Marjorie.

Ngumiti si Mila, “Hindi eh. Medyo mabigat kasi ngayon ang gastos namin sa bahay, nagkasakit ang tatay niya eh. Tapos may dalawang kapatid pa siyang nag aaral kaya pass na muna si Eric. Nagtatrabaho na muna..si Rojer mo ba, kumusta?”

Palihim na napangisi si Marjorie. Tiyak na kapag ikinuwento niya ang mga ganap sa buhay ng kanyang anak ay maiinggit ang kausap. Diyos ko, kung siya ang nasa lugar nito ay ganoon rin ang mararamdaman niya ano? Sino naman ang matutuwang magkaroon ng anak na hindi nagkokolehiyo at sa halip ay nagtatrabaho sa pipitsuging pabrika?

“Si Rojer ko sa Manila nag-aaral. Ay nako ang batang iyon, lahat ng club sinalihan. Pati sports, active siya. Siyempre full support naman kami ng daddy niya. This coming semester patatahian namin ng jersey kasi nga varsity siya.

Ang daming activities ng anak ko, alam mo na nakakaproud lang bilang parent kasi sure ako na kapag ganyang may pinag aralan mas may direksyon ang buhay.” may halong pagmamalaki na wika niya.

Ngumiti lang naman si Mila, “Mabuti iyan para kay Rojer.”

Magsasalita pa sana si Marjorie pero maging siya ay nagulat nang bigla nalang may yumakap kay Mila mula sa likuran.

“Bulaga nanay!”

“Hay sus kang bata ka! Pag ako ay inatake ewan ko sayo!” tatawa-tawang sabi ni Mila, nasa harap niya na si Eric. Nakasuot pa ito ng uniporme pang pabrika kaya napairap si Marjorie, ang cheap ha.

“Wag ka nang magalit nanay, pasensya kana kung natagalan ako ha? Binili ko pa ito eh..” sabi nito at inilabas sa likuran ang tatlong pirasong sunflower.

“Ang ganda nak, mahal yata ito? Pang kain mo na ng tanghalian eh,” natutuwang sabi ni Mila.

“Basta para sa nanay ko. Ikaw ang naalala ko dyan eh,” malambing na sabi ni Eric.

“Bolero..ay anak! Naalala mo ba ang tita Marjorie mo? Mama ni Rojer, kaklase mo noon sa elementary?”

“Oo naman po, hello po,” tinanguan lang siya ng binata.

Naiilang naman na ngumiti si Marjorie. Ilang minuto pa ang lumipas ay natanaw niya na ang kotse ni Rojer, ngumiti siya. Nais niyang ipakita na malambing rin ang kanyang anak.

Hindi muna siya sumakay ng kotse at hinintay ang binata na bumaba. After all, ang dami rin naman kasing bubuhatin.

Bumaba nga ito pero nakakunot ang noo.

“Ma, pucha naman ano na?” bugnot na tanong nito.

Napapahiya si Marjorie, “P-pasensya kana. Ang dami kasing ipapasok sa loob eh.”

Marahas na bumuntong hininga ito bago padabog na pinagbubuhat ang mga kahon. Tinanguan lang nito si Eric na tumulong na rin sa pagbubuhat.

“Nakakainis ka Ma sobrang paimportante ka. Namimilit ka pa dyan na sunduin kita, imbes na nagchi-chill ako kasama ng barkada aabalahin mo pa ako. Alam mo next time ma kung mamimili ka, wag mo na kong istorbohin ha.” sabi nito sa harap nina Mila at Eric.

Napapahiyang nagpaalam si Marjorie at pumasok na sa kotse. Nagdadabog pa sa manibela si Rojer.

Tahimik na lumuha si Marjorie, maaaring nakapag-aral nga si Rojer at ang anak ni Mila ay hindi. Pero aanhin niya naman ang edukado kung walang malasakit sa sariling ina?

Mali siya na tinangka niyang inggitin si Mila dahil ang totoo ay siya ang dapat na mainggit rito.

Advertisement