Inday TrendingInday Trending
Gabay o Pera?

Gabay o Pera?

Sa isang Linggo ay binyag na ng anak ni Catherine, excited niya nang inililista kung sinu-sino ang balak niyang maging ninong at ninang ni baby Lea.

“Cathy, may extra pa bang sando si baby? Pahingi akong isa, iyong presko ha. Napakainit, baka ubuhin ang bata.” sabi ni Mildred, ang kanyang kapitbahay.Karga nito ang kanyang anak. Kapag may pasok si Catherine sa call center ay si Mildred ang napapakiusapan niyang magbantay kay Lea.

Inaabot-abutan niya na lamang ng kaunting halaga bilang tulong.

Wala naman kasi siyang asawa, hiniwalayan siya ng walang paninindigan niyang nobyo nang malaman nitong buntis siya. Aba ang magaling na lalaki, nang kalkalin niya ang buhay ay natuklasan niyang may asawa na pala. Kaya hindi na rin siya naghabol pa.

“Uy ano yan? Listahan ng ninang? Sali mo naman ako! Gusto kong maging inaanak si baby Lea,” sabi nito habang hinehele-hele pa ang bata.

Alanganing napangiti si Catherine. Sa totoo lang kasi, wala naman siyang issue kay Mildred kaya lang ay ayaw niyang kunin ito na ninang ng anak niya. Ang nais niya lamang maging kumare ay mga may pera, tulad nalang ng konsehal sa lugar nila. Ang landlady nila sa inuupahang apartment at ilang boss niya sa pinapasukan para siguradong tiba-tiba ang kanyang anak.

“P-puno na kasi eh,” mahinang sabi niya.

Nakakaunawa namang ngumiti si Mildred, “Okay lang yan. Ano ka ba, basta pupunta pa rin ako sa binyag niya. Ako ang mag aasikaso kay baby Lea para maka-focus ka sa mga bisita.”

Mabilis lumipas ang araw at sumapit ang binyag ng anak ni Catherine. Ang laki ng ngiti niya dahil bukod sa maraming regalo ay malaking pera rin ang natanggap niya, bawing-bawi ang nagastos sa pagpapakain sa mga bisita.

Buti nalang mautak ako, ganitong mga ninang talaga dapat ang kinukuha. Hindi iyong mga gaya ni Mildred na walang datung, sa isip-isip niya.

“Uy girl, ang swerte mo ha. Ang hirap na kayang maghanap ng yaya ngayon.” sabi ng ka-opisina niyang si Sophie isang hapon, binisita siya nito sa apartment.

Si baby Lea naman ay tulog sa crib.

“Oo naman, mabait naman iyang si Mildred infairness. Kaya lang may pagka-ambisyosa.” turan niya.

“What do you mean?”

“Aba remember months ago pinabinyagan ko si baby Lea? Nagprisinta ba namang gusto niya raw maging ninang. Una sa lahat, ayaw ko siyang maging kumare ano. Baka akala niya close na kami por que inaalagaan niya ang anak ko, eh binabayaran ko lang naman siya. Pangalawa, ano naman ang mahihita ni baby Lea sa kanya? Ni wala nga siyang matinong trabaho.” dire-diretso ang kanyang salita na hindi niya na napansin na nanlalaki ang mata ni Sophie.

Sa wakas ay nakahalata rin siya, nilingon niya ang inginunguso ng babae at maging siya ay medyo natahimik. Kanina pa pala nakatayo sa likod niya si Mildred. Halatang nasaktan ang babae.

Sandali itong umalis tapos ay bumalik rin matapos ang ilang minuto, iniabot sa kanya ang lahat ng perang naibigay niya.

“Sayo na ito, alagaan mo ang anak mo.” tipid na sabi nito bago naglakad palayo.

Ilang araw pa ang lumipas, napilitan si Catherine na magleave sa trabaho dahil walang mag-aalaga kay baby Lea. Wala naman siyang balak na lumapit kay Mildred, nagpapa-importante lang naman kasi ito. Akala naman nito, kawalan sa kanya.

Hanggang isang umaga, hindi makabangon si Catherine. Sobrang sakit ng kanyang ulo at inaapoy siya ng lagnat. Hindi niya malaman ang gagawin dahil iyak nang iyak si baby Lea. Dumagdag pa sa stress niya na kahapon pa tapos ang kanyang bakasyon at dapat ay papasok na siya ngayon.

Dinampot niya ang cellphone at tinawagan ang isa sa mga kumare niya, “H-Hello? Darl? May sakit ako eh. Kasi hindi ko maisip kung sino ang mag aalaga kay baby Lea kahit today lang,” inuubo ubo pang sabi niya.

“Naku sorry ha, manonood kasi ako ng sine. Showing na kasi nung hinihintay kong palabas. Alam mo naman na February palang inaabangan ko na iyon,”

Ilan pang ninang ni baby Lea ang tinawagan niya pero wala ni isa man ang may malasakit na silipin ang inaanak. Pinilit na lamang ni Catherine na tumayo pero nagulat siya nang biglang tumahan ang baby. Nang lingunin niya ay karga na pala ito ni Mildred.

Napahiya siya, ang babae ang nagpaligo at nag asikaso sa baby. Ipinagluto pa nga siya nito ng mainit na sabaw.

“Sige na, pahinga kana muna. Bawi ka ng tulog para bukas okay kana. Nga pala, walang bayad itong ginagawa ko ha.” sabi nito.

Aalis na sana si Mildred nang tawagin niya ito, “S-Sorry sa nasabi ko. Mali ako doon..” hirap na wika niya.

Ngiti lamang ang isinukli nito tapos ay kinarga nang muli ang kanyang anak.

Isang aral ang natutunan ni Catherine, na kung may dapat man siyang kuning ninang ay wala iyong iba kundi si Mildred. Dahil ang ninang ay tumatayong ikalawang ina para sa bata, walang ibang nagpakita ng pagmamahal at malasakit sa anak niya kundi ang babae lamang. Higit pa iyon sa kahit na anong materyal na kayang i-regalo ng iba sa kanyang anak.

Advertisement