Inday TrendingInday Trending
Lihim ng Nililipad na Buhok sa Bus

Lihim ng Nililipad na Buhok sa Bus

Kinabukasan ay graduation na ng anak ni Aling Myrna, akala niya ay maayos pa ang bestidang matagal niyang itinago-tago para sa araw na ito pero nang silipin niya kanina ay may mantsa na pala at nginatngat pa ng daga ang laylayan.

Kaya heto siya, nagmamadaling sumadya sa Baclaran para lang maghanap ng susuutin bukas. Nakakahiya naman diba, kung pipitsugin ang suot niya. Siya itong mahilig mamintas sa ibang tao, tapos siya ang kapupulaan. Hindi pwede.

Buti nalang ay may nakita siya agad. Ngayon ay nakasakay na siya sa bus pauwi. Puno iyon pero hindi naman tayuan, nasa unahan ni Aling Myrna ang isang dalagang ubod ng haba ng buhok. Dahil walang aircon ang kanilang sasakyan at nililipad nang kaunti ang buhok nito kay Aling Myrna, bagamat hindi naman tumatama sa kanya.

Pero dahil nga sadyang mataasin at maldita ang ale ay kinainis niya iyon.

“Walang etiquette. Siguro ay walang pinag-aralan ito,” bulong niya. Kahit siya naman mismo ay wala ring pinag-aralan. Mayabang na siya ngayon dahil nakapagtapos na ang kanyang anak.

Nadagdagan ang kanyang inis nang marinig na humagikgik ang babae. Kinuha rin nito ang cellphone at may tinawagan.

“Hello? Nagsimba ako sa Baclaran. Ang dami kong nakita, grabe ang saya-saya ko!” sabi nito sa kausap.

Umikot ang mata ng ale, Diyos ko po napaka-OA. Baclaran lang eh.

Nagpatuloy sa pagsasalita ang babae, “Sana makabalik ako rito. Sana rin makapunta ako dyan at makakain tayo ng maraming banana cue. Grabe miss ko na ang mga ganoong pagkain, pati street foods!” sabi ng dalaga.

Pasimple niyang sinilip ang mukha nito at pananamit. Aba at may takip pa sa bibig, sosyalin naman pala! Eh bakit sa bus sumasakay? Ang arte. Feeling mayaman na hindi nakakakain ng street foods? Wala sa damit ha.

Nagpatuloy ito sa pagsasabi ng mga nais nitong gawin sa kausap, habang tumatagal naman ay nadadagdagan ang inis ni Aling Myrna. May ilang hibla pa rin kasi ng buhok na nagagawi sa direksyon niya.

Kung may gunting nga lang siya ay tiyak na ginupit niya na iyon.

“Kaunti nalang talaga, makakatikim sakin ang lintik na ito,” bulong niya.

Mabilis lumipas ang oras at narinig niyang nagsabi ang babae sa kausap.

“O sige na, bababa na ako bago mag-stoplight. Susunduin ako ni Brenan eh,sige na po.” sabi nito at tinapos na ang tawag. Nag-ayos na rin ito at nakahanda nang bumaba.

Pero may naisip na ideya si Aling Myrna, parang hindi naman yata pwedeng ganoon nalang. Binuwisit siya nito buong byahe, kailangang gantihan niya ito. Nang tumayo ang babae ay nasagi ng bag nito ang kamay niyang nakahawak sa sandalan sa unahan.

“Ano ba yan!” hindi na nakapagpigil na wika niya.

“P-Pasensya na po..” mahinang sabi nito.

Tumaas ang kilay ni Aling Myrna, pagkakataon niya na. Pinagtitinginan sila ng ibang pasahero. Maging ang driver ay hindi rin makapagmaneho dahil alam nga nitong may bababa.

“Ikaw na tarantada ka kanina kapa eh! Pagkaarte-arte mo! Kesyo hindi ka kamo nakakatikim ng streetfoods? Bakit mayaman ba kayo? Wala naman sa itsura mo! Tsaka bakit sa bus ka sumasakay?!

Tapos ano, mamemerwisyo ka dyan sa lintik na buhok mong halos ipalamon mo na sa akin! Magpapahaba ka ng buhok ayaw mong ayusin, gupitin ko kaya yan at isalaksak ko sa bibig mo?! Kalbuhin kaya kita!” dire-diretsong wika niya.

Napansin na sila ng binata na susundo pala sa babae, palapit na ito nang biglang hilahin ni Aling Myrna ang buhok ng dalaga.

Napasinghap ang lahat, pati siya ay nagulat nang matanggal iyon.

“W-Wig?” di makapaniwalang wika niya. Hawak hawak pa ang mahabang peluka.

Ang babae naman ay iyak nang iyak at hindi malaman kung paano tatakpan ang sarili. Buti na lamang ay dumating ang kasama nito at niyakap ito, itinago sa mga bisig niya.

“Pasensya na-“

“Feeling mayaman? Maarte? Hindi nyo ho ba alam kung bakit sabik siyang kumain ng street foods? Kasi matagal na siyang hindi nakakatikim noon, kasi bawal! Alam nyo ba kung bakit ligayang-ligaya siya sa kausap kahit sa mga simpleng bagay, kasi hindi niya alam kung magagawa niya pa ring tawagan ang pamilya niya bukas o sa isang araw.

May taning na ho ang buhay ng girlfriend ko, may ka*nser siya. Iyon rin siguro ho ang dahilan kung bakit nililipad ang buhok niya at di niya nararamdaman dahil peluka nga. Mali ako eh, na hinayaan ko siyang mag isa. Sabi niya kasi ay nais niya itong gawin para mag isa niyang harapin ang Diyos sa simbahan ng Baclaran. Tsaka malaki naman raw ang tiwala niyang marami pa ring taong mabait.

Pero ang mga taong tulad ninyo ang nagpapatunay na mali siya. Ang sama ninyo po, pwede nyo namang sabihin nalang, bakit ipapahiya ninyo pa?” puno ng hinanakit na sabi nito bago inakay ang nobya pababa.

“Sorry-” pahabol ni Aling Myrna pero nakalayo na ang dalawa.

Sinalubong siya ng galit at nadidismayang tingin ng ibang pasahero. Hindi niya masisi ang mga ito, maski siya ay galit sa sarili niya.

Noong gabing iyon ay taimtim siyang nagdasal, humingi ng tawad sa Diyos. Hiniling rin niya na sana ay mapatawad na siya ng babae, at maging maayos ang lahat para rito.

Isang aral ang karanasan na iyon ni Aling Myrna- na palagi nating piliing maging mabait. Sa salita..sa kilos. Dahil bawat isa ay may pinagdaraanan na lingid sa ating kaalaman.

Advertisement