Alas onse ng gabi at dalawang oras na si Rosette sa kapapanood ng video sa computer shop nang may biglang kumalabit sa kanyang balikat.
“Gabi na miss, magsasara na kami,” wika ng lalaking nagbabantay.
“Tatapusin ko lang itong pinapanood ko, sandali nalang ito,”sagot ng dalaga.
“Okay sige, pagbibigyan kita. Saglit na lang iyan ha?” sagot ng lalaki.
Nililibang lang ni Rosette ang sarili niya sa panonood ng mga video sa Youtube. Malungkot ang dalaga dahil ilang linggo lang ang nakalilipas mula nang siya’y hiwalayan at pina-iyak ng lalaking pinakamamahal niya. Nanonood nalang siya palagi ng mga nakakatawang video na nakakatulong sa kanya para maibsan ang lungkot na nadarama.
Pagkagaling sa computer shop ay diretso uwi na si Rosette sa kanilang bahay. Hindi pa man siya nakakapasok sa gate ay nabigla na lang siya sa malakas na sigaw ng lalaki sa kanyang likuran.
“Miss, bayad mo?”wika ng lalaki na hingal na hingal.
Natigilan ang dalaga at may naalala.
“Bayad? Ay oo nga pala, sorry ha. Sobra kasi akong nadala sa pinanood ko kaya nakalimutan ko na hindi pa pala ako nakakapagbayad. O, heto ang bayad ko. Pasensya na,” sagot niya habang iniabot ang bayad.
“Ayos lang. Pinatakbo mo pa tuloy ako,”sagot ng lalaki bago tuluyang umalis.
Pumasok na si Rosette sa bahay at agad na tinungo ang kusina. Tiningnan ang bawat laman ng refrigerator. Kumuha siya ng ulam sa loob at ininit. Nagsandok din siya ng kaunting kanin. Habang mag-isang naghahapunan ay hindi niya namalayan na pumapatak na pala ang mga luha sa kanyang mga mata. Muli na naman niyang naalala ang nobyong nang-iwan sa kanya ngunit tinatagan niya ang sarili at tinapos ang pagkain pagkatapos ay pumasok na siya sa kuwarto. Nagulat siya nang maabutan na naman ang bungkos ng mga bulaklak na nakapatong sa kanyang kama.
“Akala siguro ng lalaking iyon ay madadala ako sa mga bulaklak. Simula nang iwan mo ako ay wala ka ng mapapala sa akin. Tapos na ang lahat sa atin kaya magsama kayo nitong bulaklak mo sa basurahan. Diyan kayo nababagay,” inis niyang sabi sa sarili at itinapon sa basurahan ang mga bulaklak.
Ilang araw na kasi siyang nakakatanggap ng mga bulaklak at alam niya na ang dating nobyo ang nagpapadala ng mga iyon sa kanya, marahil ay tanda ng paghingi nito ng tawad sa mga ginawa. Sa tuwing makikita naman ito ng kanyang ina na nakalagay sa harap ng kanilang gate ay pinapasok sa kuwarto niya. Ilang beses naman niyang sinabi rito na itapon iyon ngunit hindi nito ginagawa. Sa isip niya ay umaasa pa kaya ito na magkakabalikan sila ng dating nobyo?
Kinaumagahan ay nagising siya sa malakas na tunog ng orasan at sigaw ng kanyang ina.
“Rosette, anak, gumising ka na!” gising ni Aling Femia sa anak.
“Opo, inay babangon na po!” sagot ng dalaga.
“Maligo ka na at magbihis, male-late ka na sa eskwelahan. Kumain ka ha, baka mamaya hindi ka na naman mag-almusal,” bilin ng ina.
“Opo, inay,” aniya.
Nasa ikalawang taon na si Rosette sa kolehiyo at nag-aaral ng kursong edukasyon. May trabaho ang kanyang ina sa isang kilalang kumpanya sa Makati kaya palagi itong nauunang umalis sa kanya. Limang taon na mula nang mamayapa ang kanyang ama dahil sa isang malubhang sakit. Nag-iisang anak rin siya kaya mahal na mahal siya ng mga magulang.
“Ang baon mo nakapatong sa mesa. Kumain ka nang marami ha? Paboritong ulam mo ang iniluto ko,” wika ng ina bago ito umalis para pumasok sa trabaho.
Tumango lamang siya at ipinagpatuloy na ang pagbibihis.
“Nga pala, mayroon na namang nagpadala sa iyo ng bulaklak. Nakita mo ba sa kuwarto mo?” ungkat nito.
“Opo at alam niyo na po kung saan ko inilagay,” sabi niya rito.
“Haynaku, anak. Sinasayang mo ang mga bulaklak. Kay gaganda pa naman.”
Napabuntong-hininga na lamang siya sa sagot nito.
Habang nakasakay sa bus papuntang eskwelahan ay bumalik sa alaala ni Rosette ang mga nagdaan kasama ang unang lalaking minahal niya, si Harris. Nagsimula sila ng binata bilang magkaklase. Noon pa man ay si Harris na ang lihim niyang minamahal. Nahulog ang loob niya sa binata sapagkat mayroon itong naiibang katangian na napansin niya kaagad noong unang araw pa lang nila sa eskwelahan. Natuwa siya dahil bukod sa kanya ay may lihim na pagtingin din pala ito sa kanya kaya nang magtapat ito ng nararamdaman ay sinagot niya ito agad subalit ang hindi niya alam ay may iba pa palang nililigawan ang binata. Wala siyang kaalam-alam na ginawa lang pala siyang panakip butas ng lalaki para mapalapit sa kaibigan niyang si Maria Fe. Isang araw ay nakipaghiwalay na lang ito sa kanya ng walang sabi-sabi. Nabalitaan na lang niya na nakikipag-date na ito sa kaibigan niya at makalipas ang ilang araw ay naging opisyal na magkasintahan.
Dahil sa sama ng loob sa nangyaring kabiguan ay itinuon niya ang sarili sa pag-aaral at panonood ng mga video sa Youtube kapag mayroon siyang libreng oras. Di nagtagal ay nagbunga naman ang kanyang pagsisipag sa pag-aaral dahil tumaas ang mga marka niya sa lahat ng asignatura at nanguna pa siya sa klase.
Minsan ay nawiwili na naman siya sa computer shop kapapanood ng mga video kaya hindi ito nakaligtas sa mga mata ng lalaking nagbabantay ng shop.
“Napapansin ko palagi kang tumatambay dito at minsan ay ginagabi pa kapapanood mo ng video sa Youtube,” sabi ng lalaki.
Nilingon siya ni Rosette at nagsabing “Ito lang kasi ang libangan ko mula nang iwanan ako at lokohin ng g*go kong nobyo, e!” aniya.
“Ay sorry miss, hindi ko alam na brokenhearted ka pala. Kaya pala gabi-gabi kang narito. Thank you ha!” sambit ng lalaki.
Nagtaka si Rosette sa sinabi nito.
“Thank you? Para saan?”
“Thank you kasi kundi dahil sa wasak mong puso ay hindi ka palaging magpupunta dito at manonood ng video sa Youtube. Thank you kasi palagi kitang nakikita. Ako nga pala si Warren. Anak ng may-ari ng computer shop na ito. Ang totoo ay matagal na akong may pagtingin sa iyo mula nang una kitang makita dito. Kaya masaya ako kapag araw-araw kitang nakikita. Dahil doon ay ipinagtanong ko ang pangalan mo at kung saan ka nakatira. Pagpasensiyahan mo nga pala iyong mga bulaklak na ibinigay ko sa iyo ha? Tanda lang iyon ng aking paghanga,” bunyag ng lalaki.
Hindi nakapagsalita si Rosette sa pag-amin ng lalaki.
“I-ikaw ang nagpapadala ng mga bulaklak sa bahay?”
“Oo ako nga,” anito.
Biglang nakaramdam ng guilt ang dalaga nang malamang ang lalaki ang lihim na nagbibigay sa kanya ng mga bulaklak.
“Diyos ko, sa kanya pala galing ang lahat ng iyon, bakit ko ba naman kasi tinapon, e!” inis niyang sabi sa sarili.
“Alam kong may pinagdaraanan ka pa ngayon, pero handa naman akong maghintay kung kailan ako maaaring manligaw sa iyo,” hirit pa ng lalaki.
Lihim na napangiti ang dalaga. Ngayon ay alam na niya kung bakit nangyari ang mga nangyari sa kanyang buhay, iyon ay dahil may nakatakda siyang makilala na sa tingin niya ay mas karapat-dapat na bigyan ng pansin at pagpapahalaga.
“Kung gusto mo akong ligawan ay pumunta ka sa bahay namin. At ligawan mo muna ang nanay ko,” natatawang wika ng dalaga.
Lumapad ang pagkakangiti ng lalaki sa sinabi ni Rosette.
“Iyon lang ba? Sige, handa kong ligawan ang lahat ng mahal mo sa buhay. Mapatunayan ko lang ang maganda kong intensyon sa iyo,” masaya nitong sabi.
Sa isip ni Rosette ay wala namang mawawala kung subukan niya na muling umibig. Dahil napagtanto niya na kalakip na talaga ng umibig ang masaktan. Sa bagong kabanata ng kanyang buhay at sa bagong pag-ibig na kumakatok sa kanya ay umaasa siya na ito na ang pinakahihintay niya na totoong pagmamahal.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!