Inday TrendingInday Trending
Bangko De Kuya

Bangko De Kuya

Tapos na ng kolehiyo si Brenda ngunit gusto pa niyang mag-aral ng abogasya dahil lahat ng kaniyang mga kaklase ay nag-aaral ng ganun at ayaw niyang maiwan kaya pipilitin niyang makapag-aral din. Ngunit hindi na siya magagagawang pag-aralin pa ng mga magulang dahil pumanaw na ang kaniyang ama at wala namang trabaho ang kaniyang ina.

“Hihingi ako ng tulong kay kuya,” wika ni Brenda.

“Ikaw ang bahala anak, basta alam mo naman ang relasyon namin ng kuya mo diba, hindi kami okay. Mamaya sabihin pa nun na lumalapit lang tayo sa kaniya kapag may kailangan tayo,” saad sa kaniya ni Aling Beng, ang nanay ng dalaga.

“Hayaan mo na mama, kailangan ko ng pera at gusto ko talagang mag-aral,” pahayag naman ni Brenda.

Tumango lamang ang ale sa desisyon ng kaniyang anak, malaki na ito kaya alam niyang hindi na mapipigilan o makokontrol pa.

Lumapit si Brenda sa kaniyang kuya, anak ito ng kanyang ina sa unang pamilya at dahil hindi sila nagkasundo ng dating asawa ay iniwan niya ito. Doon naman niya nakilala ang tatay ni Brenda at saka nabuo ang kanilang pamilya.

“Kuya, diba sabi mo sa akin gusto mo ako tulungan? Baka pwede mo naman ako tulungan mag-aral ng abogasya,” wika ni Brenda sa kaniyang kapatid.

“Hindi ba’t mahal ang kursong iyon? Matutulungan kita pero hindi ako lang, kailangan mo rin magtrabaho,” sagot naman ni Greg, ang kuya ng dalaga.

“E kuya, hindi naman ko sanay na mag-working student. Baka pag pinagsabay ko ay hindi ako makafocus, ang masama pa niyan ay magkabagsak ako tapos ulit muli,” pahayag ng dalaga.

“Naku Brenda, ako nga iniwan ni mama para sa inyo e. Bata pa lang ako nagbabanat na ako ng buto, ang akin lang naman kailangan kayanin mo kasi hindi madali ang kumita ng pera, tutulungan naman kita pero hindi ko nga kaya na ako lang. Alam mo na rin naman na may pamilya na ako kaya iba na talaga ngayon,” sagot ni Greg.

“Sige na nga kuya, basta tulungan mo ko ha,” sabi ni Brenda saka niya niyakap ang kapatid. “Ang hirap talaga kapag hindi mo kadugo, hindi ka tutulungan ng buo,” isip-isip niya habang nakayakap dito.

Kahit hindi sanay na magtrabaho ay naghanap siya ng mapapasukan sa umaga na hindi masyadong mahigpit dahil sa gabi naman ang kaniyang klase. Ang kuya Greg niya ang nagbayad ng 45,000 piso para sa kaniyang matrikula at siya naman na ang bahala para sa mga libro at pagpasok sa araw-araw.

Natapos nyang ang unang taon na hirap na hirap at may tatlong bagsak na hindi niya pinapaalam sa kaniyang kuya o maging sa kaniyang nanay.

“Magtanan na lang tayo Joshua, hindi ako matatanggap ng kuya ko sa ganito. Bagsak na nga tapos ngayon buntis pa! Anong malas ng buhay ko,” wika ni Brenda sa kaniyang nobyo.

“Alam mo naman na hindi pwede diba? Isang taon na lang at matatapos na ako sa pag-aaral ng abogasya, hindi rin kita pwedeng itira sa amin dahil dorm lang iyon. Kung gusto mo ipalaglag na lang natin yan,” suhestiyon naman ni Joshua.

“Tarantado ka! Ginawa natin ito ng sabay at masaya tapos nagkaganito ay ipapalaglag mo lang? Wala kang puso, puro ka utak! Maghiwalay na tayo, hindi kita kailangan!” sigaw ni Brenda sa lalaki saka niya ito sinampal ng malakas.

Simula noon ay huminto na siya sa pag-aaral dahil mas pinili niyang ituloy ang pagbubuntis. Tinanggap naman siya ni Aling Beng at tinulungan sa kaniyang pagdadalang-tao hanggang sa pagiging nanay ngayon sa bagong silang niyang sanggol.

“Anak, yung kuya mo, kumusta?” tanong ni Aling Beng sa kaniyang anak.

“Uhm, okay naman si kuya,” sagot ni Brenda.

“Nag-uusap ba kayo? Anong sinabi niya nung malaman na huminto ka na sa pag-aaral?” saad muli ng ale.

“Alam mo ma, parang masarap yung bagong pansitan sa labas. Bili ka naman po para makapag-meryenda tayo,” pahayag ng dalaga sa ale upang maiba ang kanilang usapan.

Dali-dali naman tumayo si Aling Beng para bumili ng meryenda ngunit palabas pa lamang sana ang ale sa kanilang bahay ay agad siyang napahinto.

“Greg, anak? Kumusta ka?” tanong ng ale nang makita niyang nakatayo ang panganay na anak sa labas.

“Nandito lang po ako para kamustahin si Brenda. Galing ako sa eskwelahan niya pero hindi na daw siya nag-aaral. Anong nangyari?” wika ni Greg sa ale.

Bago pa man makasagot si Aling Beng ay agad na nakalabas si Brenda bitbit ang kaniyang anak.

“Kuya, patawarin mo ako. Babayaran naman kita, pangako iyan,” pahayag ng dalaga.

“Totoo pala ang nabalitaan ko? May anak ka na at huminto ka rin sa pag-aaral. Hanggang kailan mo ako lolokohin at peperahan ha Brenda?” galit na tanong ni Greg sa babae.

“Kasi kuya natatakot ako sa’yo, baka ma-disappoint ka lang pag nalaman mong hindi ako nakatuloy sa pag-aaral tapos nabuntis pa ako. Natatakot din akong mawalan ng pera kasi hindi na ako nakapagtrabaho,” sagot ni Brenda dito.

“Niloko mo ako Brenda, nagbayad ako ng matrikula mo na napakalaki at hindi mo man lang ba naisip kung saang kamay ng Diyos ko kinuha ang pambayad nun? Mas natakot ka pa na mawalan ng pera imbes na magsabi sa akin ng totoo?” galit na saad ni Greg.

“Baka kasi hindi mo na ako tulungan. Galit ka kay mama, tapos ako half-sister mo lang. Baka sabihin mo lang sa akin na pag-aaral lang ang kaya mong isuporta,” sagot ni Brenda dito.

“Saka babayaran naman kita e kaya huwag ka nang magalit! Saka alam ko naman na ayaw mo talaga akong tulungan noon kasi pinagtrabaho mo pa rin ako,” baling naman ni Brenda dito.

“Ganyan ba ang tingin mo sa akin? Na hindi ko kayo tutulungan? May galit ako kay mama kasi iniwan niya kami noon dahil mahirap ang buhay at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya humihingi ng tawad sa akin. Pero hindi ako masamang tao, Brenda, para gawin din sa’yo iyon. Kapatid kita at pamangkin ko iyang bata, pamilya ko pa rin kayo. Kaya sana nagsabi ka ng totoo kasi mas matatanggap ko pa iyon,” malungkot na sabi ni Greg.

“Hindi naman pera ang mahalaga, mas mahalaga yung tinuring mo akong kuya kaya nga kita tinulungan. Pero ano ba talaga ang tingin mo sa akin? Kapatid o bangko? dahil naalala niyo lang ako kapag may kailangan kayo sa akin. Samantalang ako, bukas palad na lagi at handang tumanggap sa inyo palagi,” dagdag pa ni Greg.

Doon nahimasmasan si Brenda na masyado niyang inisip ang kaniyang sarili at hinusgahan ang kapatid. Buong akala niya ay hindi siya mahal nito at hindi tinuturing na kapamilya pero mali siya.

Niyakap niya si Greg at saka humingi ng tawad, “Sorry kuya, masyado akong naging mapanghusga. Akala ko kasi hindi mo na ako kakausapin o bibigyan ng pera dahil ganito lang ang narating pero mali, mali din po talaga na nagsinungaling ako sa’yo at ginamit ko ang pera mo. Hayaan mo kuya, babawi ako sa’yo,” saad ni Brenda.

“Ako rin anak, patawarin mo ako. Hindi ako humingi ng tawad sayo kasi natatakot ako sa sarili kong pagkakamali at hinayaan kong masira ang relasyon natin,” pahayag naman ni Aling Beng saka sila nagyakap na pamilya.

Nagbigay daan pa ang komprontasyon na iyon upang magkaayos-ayos ang kanilang pamilya.

Advertisement