Ang Binibini sa Aking Tag-Ulan
Papasok na naman ang panahon ng tag-ulan at kabisadong kabisado na ni Pedro ang mangyayari sa kaniya. Bukod sa parati siyang may sipon at ubo ay palagi din siyang maiistranded sa daan dahil sa baha. Napakabilis bumaha sa kanilang lugar na siyang kinasasakit ng ulo ng lahat.
“Pedro anak, magdala ka ng extrang t-shirt. Alam mo naman na tag-ulan na ngayon, magpalit ka kaagad kapag nabasa ka para iwas sakit, anak,” paalala ni Aling Emma, ang nanay ng binata.
“Alam mo ma, dapat lumipat na tayo e. Dito na kayo nakapag-asawa at dito na rin ako lumaki. Baka panahon na para umalis tayo dito,” saad ni Pedro sa kaniyang nanay.
“Anak, alam kong galit ka sa panahon na ito kasi madalas ka na naman susugod sa baha, pero ganoon talaga ang buhay. Hindi naman tayo pwedeng umalis ng basta-basta kasi walang ganito kamurang pabahay sa ibang lugar. Hayaan mo na at lilipas din ang ganitong panahon,” sagot sa kaniya ng ale.
Napabuntong hininga na lang ang binata at kinuha ang extrang damit, tsinelas at payong saka isinilid sa kaniyang bag at saka pumasok sa trabaho.
“Sabi ko na, ganito na naman ang mangyayari sa akin. Dapat bumili na ako ng powerbank para hindi ako nalolowbat,” isip-isip ng binata habang nakatulala sa labas at pinagmamasdan ang malakas na buhos ng ulan at matinding baha.
Halos mag-iisang oras na silang nakatigil sa tindi ng traffic, gutom na siya, mainit na rin ang puwet sa kakaupo at inaantok ngunit naagaw ang kaniyang atensyon sa binibining nakatitig sa kaniya at ngumiti ito.
Ginantihan naman niya ng ngiti ang binibini at nakipagtitigan rin siya. Maya-maya pa tila nag-uusap ang kanilang mga tinginan, “Ate, ano? Crush mo ba ako o gusto mo lang umupo sa pwesto ko?” isip-isip ng binata. Tayuan kasi ang bus na nasakyan niya at dahil bihisa na nga siya sa biyahe ay palagi siyang nakakaupo, bastos man kung minsan pero nagtutulog-tulugan na lang siya sa tuwing may mga babae na nais umagaw ng kaniyang pwesto.
Ngunit tadhana na talaga ang naglalapit sa kanila dahil tumayo ang katabi niyang lalaki at pinaupo ang binibini.
“Hello, pasensya ka na ha? Malayo pa kasi ako,” mahinang wika niya dito.
“Ayos lang, naiintindihan ko,” sagot naman ng dalaga.
“Tiga-saan ka naman? Malapit ka lang ba dito? Lakas ng ulan ano, nakakagutom at nakakainit lalo ng ulo,” pahayag niyang muli.
Saglit na hindi sumagot ang babae sa kanya at nagulat na lang si Pedro nang dahan-dahan na sumandal ang babae sa kaniyang balikat. Napataas siya ng kilay at inayos ang pagkakaupo.
“Ayos lang ba?” mahinang sabi ng babae.
“T*ngina, ikaw pa ba aayaw? Nakapaganda niya, Pedro!” isip-isip ng binata saka ito tumango.
“Salamat ha, pagod lang ako ngayon at malungkot. Kanina pa kita tinititigan kasi may kamukha ka,” wika ng babae sa kaniya.
“Sino naman?” sagot ni Perdo.
“Mmm, yung magiging tatay ng mga anak ko,” sabi ng babae sakay tumawa at mahinang hinampas ang braso ni Pedro.
Natawa naman ang binata at naisip na ito ang tinatawag na swerte. Sino bang makakapagsabi na babae mismo ang lalapit sa kaniya at babanat ng pick-up line. Saglit pa silang nag-usap at agad na nakapagkwentuhan.
“Malapit na nga pala ako bumaba, bigay mo naman sa akin ang number mo,” wika ng babae sabay abot ng kaniyang telepono.
“Sure!” masiglang sagot ni Pedro dito. Hindi na niya nakuha ang numero ng babae dahil patay na rin naman ang kanyang telepono.
“Oh paano, hanggang dito na lang muna tayo ha? Alam kong magkikita pa tayo,” saad muli ng dalaga sabay lagay ng kanyang kamay sa hita ni Pedro at marahang hinaplos ito. Hindi na nagpakatorpe ang lalaki at niyakap naman niya ang babae, gulat siyang hindi ito tumangi.
Bumaba na ang dalaga at saka niya kinawayan. Nagbitaw pa ito ng isang halik sa ere na siya naman niyang sinalo.
“Hay, may maganda rin naman palang nangyayari sa ulan at pag-iintay sa bus nang matagal. Makakakilala ka ng magagandang dalaga at kung sinuswerte pa ay halatang may gusto sa akin yun! Mga babae talaga ngayon,” isip-isip ng binata saka siya napapangiti-ngiti.
“Teka nga, hanapin natin sa FB si ate, baka kaya pa ng telepono ko,” saad pa niyang muli sa sarili at saka kinuha ang kaniyang bag na sinandalan niya sa likod.
Kaso napahinto siya nang maramdamang may tastas na ang gilid nito, wala na ang kaniyang telepono at maging ang pitaka na nasa bulsa.
“AY P*TA! MAGNANAKAW PALA,” madiing bulyaw ni Pedro at medyo nakuha niya ang atensyon ng ilang pasahero.
“Naku, nadali ka ng magandang babae kanina, ano?” tanong ng lalaki na nakatayo.
“Mukha nga po, hayop na ‘yan! Maganda lang pero kawatan,” sagot niya sa lalaki. Hindi niya malaman kung magagalit siya o matatawa dahil nasalisihan siya ng babae at bumigay naman siya agad.
Napailing at napahalakhak na lang si Pedro, mabuti na lang bayad na siya sa pamasahe dahil kung nagkataon ay baka nagmumura na siya ngayon.
Napagtanto niyang bigla na hindi ulan at baha ang may kasalanan sa nangyari sa kanya ngayong araw, kundi ang kaniyang sarili mismo. Masyado siyang nagpadala at umasang may pag-ibig sa isang estranghero. Ano’t-ano pa man ay ipinagpasa-Diyos na lamang niya ang nangyari.