Inday TrendingInday Trending
Tamang Pag-ibig O Maling Pagkakataon?

Tamang Pag-ibig O Maling Pagkakataon?

Mataas ang sikat ng araw at unang araw ng pasok sa eskwela kaya maagang umalis si Athena sa kanilang bahay. Gusto kasi niyang mauna sa upuan at makita ang mga magiging kaklase dahil sa wakas, makakatapak na siya sa kolehiyo.

“Wow! College ka na talaga Athena, ito na iyon. Matutupad mo na ang lahat ng pangarap mo kaya kailangan focus, focus focus. Aja, Athena!” wika niya sa sarili habang naglalakad papasok.

“Tabi!” sigaw ng isang lalaki mula sa malayo. Hindi naman niya makita kung saan galing kaya tumabi na lang din siya yun nga lang minalas pa rin at tinamaan ang dalaga.

“Aray!” reklamo ni Athena nang bumagsak siya sa semento.

“Sabi ko kasi tabi, mga freshman talaga! Sa susunod huwag kang lutang para hindi ka naaaksidente,” sagot sa kaniya ng lalaki na bumagsak din sa lakas ng banggaan nila.

“T*rantado ka pala, 1st year ako pero mas matanda ako sa’yo! Wala kang galang!” sigaw niya sa lalaki saka kinuha ang skateboard at sinipa niya iyon. Pinulot ang kaniyang bag at nilapitan ang lalaki.

“Matuto kang gumamit ng skateboard mo na wala kang nadidisgrasya at higit sa lahat huwag kang mambubulyaw ng mga freshman!” pahayag niya sabay umaktong sasapakin niya ang lalaki.

Mabilis naman na tumayo ang binata at inabot ang kaniyang kamay, “Sorry, ako nga pala si Jacob, huwag ka na magalit Ms. Ganda,” sabi nito.

Saka sila nagkatinginan at doon nagsimula ang pag-iibigan ng dalawa. Love at first bump nga kung biruin nila ang isa’t-isa. Halos araw-araw silang magkasama at binubuo na sa kanilang mga isipan ang kanilang magiging pamilya sa hinaharap. Mahal na mahal nila ang bawat isa, mahahalata mo iyon sa unang tingin mo pa lang sa magkasintahan.

Kaya nga lang ay naunang nakapagtapos si Jacob at dahil nagkahiwalay at hindi na magkasama ay nasubukan ng kanilang relasyon. Hindi kinaya at bumigay rin ang pundasyon ng tiwala at pagmamahal dahil nagkaroon ng ibang babae si Jacob kaya natapos ang kanilang kwento.

“Dalawang wintermelon with pearl, 50% sugar level,” saad ni Athena habang nakapila sa counter ng isang milk tea shop at kumukuha ng pera sa kaniyang pitaka.

“Athena?” tanong ng lalaking kahero.

“Yes, Athena for both drinks na,” sagot niya sa lalaki.

“Athena, si Jacob ito,” sabi ng lalaki at mabilis na inangat ni Athena ang kaniyang ulo upang tingnan ang nagsalita. Kumabog ang kaniyang dibdib at bigla siyang napangiti.

“Oh my god! Akala ko nagtatanong ka ng pangalan para sa milktea, sorry! Ikaw pala iyan Jacob, dine-in mo na yung order ko para makapagkwentuhan tayo,” sagot ni Athena saka niya binigay ang pera. Hindi naman ito tinanggap ni Jacob at sinabing hintayin na lang siya sa dulong mesa.

Nagkwentuhan ang dalawa at nagkamustahan katulad ng dati. Hanggang sa dumalas na ang pag-uusap nila at alam ni Athena na may namumuong malalim na pagtitinginan sa kanilang dalawa.

“Bakit ganun? Dalawang taon na tayong nagkahiwalay, akala ko nakalimutan na kita at natanggap ko na ang lahat. Pero bakit ganito? Mahal pa rin kita Jacob,” napaluhang saad ni Athena sa lalaki.

“Akala ko ako lang nakakaramdam nun, mahal pa rin kita Athena at kung pwede ko lang ibalik ang lahat ay hindi na kita muling lolokohin o sasaktan dahil ayaw ko nang lumipas ang araw na hindi ka kasama,” pahayag ni Jacob sa dalaga saka siya humarap dito.

“Sumama ka sa akin Athena, magtanan tayo. Umalis tayo dito, tumira tayo sa probinsya o sa ibang lugar basta kasama kita,” saad pang muli ng lalaki.

“Pero paano ang anak mo, Jacob?” umiiyak na tanong ni Athena sa lalaki.

“Susuportahan ko na lang siya, magpapadala ako ng pera basta makasama lang kita. Hindi ko na kasi kaya pang mabuhay na wala ka sa piling ko, mahal na mahal kita, Athena, at hindi na ako makakapayag pang mawala ka sa akin,” wika ng binata at saka niya hinalikan ang babae.

Gumanti rin naman ng halik si Athena at natapos ang gabi na pinagsaluhan nila ang luha at init ng kanilang pag-iibigan. Naghuhumiyaw ang kanilang mga damdamin upang hamakin ang lahat magkasama lamang ang dalawa.

Tinitigan ng dalaga si Jacob habang natutulog ito. Nagsimula na siyang maghakot ng gamit. Kinaumagahan ay nagising ang binata na wala sa tabi niya si Athena at naiwan ang isang liham.

“Dalawang taon na tayong magkahiwalay pero nung magkita tayo ulit ay parang walang pinagbago. Parang ikaw pa rin yung lalaking gusto kong sapakin sa galit, ikaw pa rin yung lalaking minahal ko, ikaw pa rin yung Jacob ko. Pero hindi na ako ang Athena mo, hindi na siguro ngayon.

Mahal na mahal kita Jacob pero hindi ko kaya isiping kakamuhian ako ng anak mo pagdating nang araw dahil iniwan mo siya para sa akin. Walang mali sa pagmamahalan nating dalawa, pero mali kung ipaglalaban pa natin ito, kung itutuloy pa natin ang mapangahas na relasyong ito.

May pamilya ka na at kahit mahirap ay panindigan mo sana ang pangako mo sa kanila na panghabang buhay. Magkakaroon din ako ng pamilya at mamahalin ko rin sila. Pero huwag kang mag-alala dahil hindi ka na mabubura sa puso ko. Paalam Jacob, hanggang dito na lang tayo, ito na ang dulo,” laman ng liham na iniwan ng babae.

Napaiyak na lamang ang lalaki at niyakap niya ang unan na ginamit ni Athena noong nagdaang gabi. Tama ang dalaga, pamilyado na siya at kung may magagawa man siyang tama sa panahong ito ay yun ang maging mabuting ama sa kaniyang anak.

Agad na umuwi si Jacob sa kanyang bahay at hinanap niya ang anak saka niyakap ito ng mahigpit. Hindi man siguro niya ganoon kamahal ang nanay ng bata katulad ng pagmamahal niya kay Athena pero sigurado na siya ngayon sa isang bagay. Hindi niya dapat lokohin ito, lalo na’t walang ibang ginawa ang kanyang asawa kundi unahin sila.

Advertisement