Inday TrendingInday Trending
Kapitbahay Kong Eskandalosa

Kapitbahay Kong Eskandalosa

Nasa ikatlong taon na sa kolehiyo si Banjo, nais niyang maging psychiatrist- isang espesyalista sa pag iisip ng tao. Dahil nasa probinsya ang kanyang mga magulang ay napag-desisyunan niyang mangupahan nalang sa isang maliit ng apartment.

Nakakaawa naman kasi ang parents niya, talo sa pamasahe. Hindi rin biro ang gastos sa kursong kinukuha niya, kung wala nga lang scholarship ay baka hindi na nila kinaya. Gayunpaman, habang palapit na ang pagtatapos ng binata ay lalo siyang naging abala. Wala na siyang oras para dalawin ang kanyang parents dahil kapag walang klase ay mas pinipili niya na lamang na magtulog maghapon, makabawi man lang ng pahinga.

“Nak? Miss na miss kana namin ni Papa mo, kapag may oras ka..punta ka dito ha?” sabi ng kanyang ina isang gabing tinawagan siya nito.

“Opo Ma,” tipid na sagot ng binata sa telepono. Hindi masyadong maganda ang araw niya ngayon dahil sunud-sunod ang kanyang mga exam.

“Kumain ka na ba? Ano ang inulam mo? Mag-iingat ka ha, baka mamaya ay maiwan mong bukas ang kalan at magkasunog. Wag rin masyado sa noodles dahil-“

“Ma, alam ko na po iyan. May sasabihin pa ba kayo?” hinihimas ang sentido na tanong niya.

“W-Wala na naman anak. Sige na, pahinga kana.. naiintindihan ko naman na-”

Ibinaba na ni Banjo ang tawag. Kapag kasi hindi niya pa pinutol ay hahaba na naman, katakut-takot na bilin na naman mula sa mama niya. Ulit na naman sa umpisa. Alam niyang magtatampo ito pero ano naman ang magagawa niya?

Nitong mga nakaraan ay ang mga magulang ang napagbubuhusan niya ng stress sa school.

Papikit na sana ang binata nang makalimutan niyang hindi niya pa pala nailalabas ang basura. Bukas ng umaga ay dadaan ang truck at hindi na naman umaakyat rito sa second floor. Napabuntong hininga na lamang siya, pinilit ang sarili na bumangon.

Matapos niyang itapon ang basura ay nakasalubong niya pa ang kapitbahay na si Aling Lourdes, mukhang magtatapon rin ito.

“Sana ay agahan nila ang pagkuha bukas sa mga basura para hindi nangangamoy,” kwento nito sa kanya, sinundan iyon ng matamis na ngiti.

Mabait talaga ang ale, nakatira ito sa kaliwang bahagi, katabi ng unit niya. Kasama nito ang asawang si Mang Ronald, may isang anak ang mga ito pero may sarili na raw condo at hindi na nakatira kasama ng mga magulang.

Tahimik naman ang mag-asawa na ipinagpapasalamat niya talaga dahil nakakapag aral siya ng maayos. Nakakarinig lang siya ng ingay kapag dumadalaw ang anak ng mga ito. Madalas magsigawan at mag away ang mag ina.

“Oo nga po eh,” nginitian niya lang rin ito tapos ay nagpatuloy na sa paglalakad.

“Bakit ninyo ba ako pinapunta rito?” asik ng boses ng isang babae. Bahagyang lumingon lang si Banjo, ang anak pala ni Aling Lourdes.

“Nami-miss lang naman kita anak, busy ka ba”

Hindi na narinig pa ni Banjo ang usapan dahil nakaakyat na siya.

Mabilis lumipas ang isang Linggo, napansin ng binata na tila palaging maingay sa kanyang kapitbahay. Doon na yata nag-stay ang dalagang anak nila Aling Lourdes. Himala, ngayon lang ito nagtagal ng ganoon. Palagi itong sumisigaw lalo na kung gabi.

“Ano ba Nay? Lumabas ka nga dyan, kinakausap kita ah! Labas na!”

Isang umaga, papasok na siya sa eskwela nang makarinig ng ilang mahihinang katok.

“Sino yan? Mang Ronald,” wika niya nang buksan ang pinto.

“Hijo, pasensya kana kung ang aga kong mang-istorbo. P-Psychiatrist ka diba?” wika ng lalaki.

Medyo nagtaka si Banjo, “Iyon po ang kursong kinukuha ko, pero hindi pa naman po ako expert.”

Tumangu-tango ang matanda, “Pwede mo ba akong tulungan?”

Male-late na si Banjo pero mukang desperado ang matanda kaya hindi na siya nakatanggi. Inakay siya ni Mang Ronald sa unit ng mga ito.

“A-Ano po ba ang nangyayari?”

“Ang ate Lourdes mo kasi, ilang araw na siyang nasa kwarto lang-” naputol ang sasabihin ng matanda nang lapitan sila ng dalagang anak ng dalawa.

“Siya ba ang doctor na sinasabi ninyo tatay?” sabi nito sa ama, nakatingin kay Banjo.

“Hindi pa ako-“

“Halika, tulungan mo ang nanay ko.” hinawakan ng dalaga ang kamay niya at tumapat sila sa kwarto. Malakas nitong kinatok ang pinto. “Nanay! Nandito na ang doktor nating kapitbahay. Wag kanang umarte nanay, ipapacheck-up ka na namin sa kanya!” sigaw nito.

Kinalampag pa ng babae ang pinto pero hindi iyon binubuksan ni Aling Lourdes.

“Nanay! Sabi nang lumabas ka dyan eh!” sabi nito, naiiyak na.

Natulala naman si Banjo sa nakikita, mukhang malala ang away ng mag-ina dahil ngayon lang natiis ni Aling Lourdes ang anak. Kadalasan ay ito ang naririnig niyang nauunang magsorry sa babae.

Napabuntong hininga naman si Mang Ronald, may kinuha sa bulsa. Lumapit ito sa pinto, bitbit pala nito ang susi.

“Mauna kana,” malungkot na sabi nito.

Naglakad na si Banjo papasok sa loob pero sinalubong siya ng nakasusulasok na amoy. Halos masuka siya.

“A-Aling Lourdes?” tawag niya sa ginang na nakahiga at nakatakip ng kumot.

“Nanay! Sorry na kasi!” bigla namang lapit ng dalaga. Niyakap nito nang mahigpit ang ale at sa pagkakayapos nito ay nalilis nang kaunti ang kumot. Nanlaki ang mata ni Banjo sa nakita.

Inuuod na ang bumbunan ni Aling Lourdes! Wala nang buhay ang ale at naaagnas na.

“Diyos ko po!” sabi niya at natakpan ang bibig.

Umiiyak na inilabas siya ni Mang Ronald.

“Ang totoo niyan Banjo humingi ako ng tulong hindi para sa ate Lourdes mo. Kundi para sa anak namin. Isang Linggo na ang nakalipas nang mag-away silang mag ina kasi nagalit siya sa nanay niyang inabala ang kanyang trabaho. Nami-miss lang kasi ng asawa ko ang anak namin,” kwento nito.

Naalala niya iyon, ang gabing nagtapon siya ng basura.

“Nagpalitan sila ng masasakit na salita at paalis na ang anak namin nang atakehin ang ate Lourdes mo. Iyon ang dahilan ng pagkawala niya, hindi matanggap ng anak namin. Labis labis ang pagsisisi niya kaya ayaw niyang ipagalaw ang nanay niya.

Para siyang nasisiraan ng bait na kinukumusta at inaaway lagi ang nanay niya. Sinasampal sampal niya pa ang bangkay ng asawa ko para magising lang. Tuwing tatangkain kong ilabas ang nanay niya ay nagwawala ang anak ko.

K-Kaya kinailangan kong ikandado. Pero walang tigil sa pagsigaw ang anak ko, hindi ko na alam ang gagawin ko Banjo. Tulungan mo kami,” napasabunot pa ito sa sarili.

“Nanay.. nanay patawarin mo ako! Hindi na ako magagalit.. gumising ka na lang ulit. Gumising kana nanay mahal kita! Mahal kita! Gising sabi! Ano ba, ang kulit mo! Gising na!” mula sa pag iyak ay naging galit ang boses ng dalaga.

Tumakbo sa kwarto niya si Banjo at humingi ng tulong sa mga pulis kaya nakuha rin ang katawan ng ginang. Sa wakas ay nabigyan ito ng disenteng libing.

Isa naman itong aral kay Banjo, ayaw niyang magsisi kung kailang huli na ang lahat. Kinuha niya ang cellphone at tinawagan ang magulang.

“Hello Ma? Uuwi po ako dyan this Saturday. Miss ko na kayo at mahal ko kayo ni Papa.”

Advertisement