Libo-Libo Kapalit ay Isa
Si Carlito ay nagtatrabaho bilang isa sa mga mekaniko sa istasyon ng tren. Isang araw habang siya ay nagkukumpuni…
“Hoy, Ikaw lumapit ka nga rito sa akin!” sigaw ng kanyang supervisor na si Mr. Corpuz. Kasing edad lang niya ang lalaki, pareho silang treinta y tres anyos ngunit sa sobrang stress sa trabaho ay nagmumukha itong singkwenta anyos.
“Bakit po, sir?” aniya.
“Bukas ay pumunta ka sa may tulay ayusin mo iyong makina doon. Bumabagal daw kasi ang pagtaas at pagbaba ng tulay kailangan mong maayos iyon agad dahil bukas ng hapon ay may dadaang barko na magbababa ng kargamento sa pier baka magkaroon ng aberya kapag hindi agad naayos,” anito.
“Teka sir nagpasa na po ako ng memo na magde-day off po ako bukas dahil birthday po ng anak ko,” paalaa niya rito.
“Hindi. Hindi ka muna maaaring mag-day off dahil kulang tayo ng tao,” sagot ni Mr. Corpuz.
“Pero sir…”
“Walang pero pero. Ano susunod ka ba o gusto mo ng day off pero hindi ka na makakabalik?” pagbabanta nito.
Wala na siyang nagawa kundi ang sundin ito, dahil ayaw rin naman niya na mawalan ng trabaho.
Habang naglalakad pauwi ay naksalubong naman niya ang may-ari ng inuupahan niyang bahay na si Aling Lumen.
“Carlito maaari ka bang makausap?” bungad ng babae,
“Ano iyon Aling Lumen?”
Apat na buwan na kayong hindi nagbabayad ng renta. Kailangan niyo na magbayad dahil kung hindi ay maghanap-hanap na kayo ng ibang mauupahan!” pasigaw na sabi ng babae.
“Pasensya na po kayo wala pa po akong maibabayad dahil wala pa pong sahod at saka birthday po ng anak ko bukas, e ipaghahanda ko po siya. Naipangako ko na kasi iyon sa kanya.”
“Pasensya na pero kung dati ay napagbibigyan ko kayo ngayon ay hindi na dahil nangangailangan din ako. Kailangan mong magbayad kahit na katumbas lang ng isang buwan mong renta,” sabi pa ni Aling Lumen.
Wala na namang nagawa si Carlito kundi ang magbayad ng renta sa babae kahit na kalahati lang. Sa isip niya ay hindi na talaga matutuloy ang plano niyang ilabas ang anak sa birthday nito.
Pagdating niya sa inuupahang bahay ay agad siyang dumiretso sa kuwarto ng anak na si Paul. Dalawa na lamang silang magkasama sa buhay dahil maagang pumanaw ang kanyang asawa dahil sa kumplikasyon sa puso. Ang kanyang anak na lamang ang dahilan kung bakit niya ipinagpapatuloy ang mabuhay. Mahal na mahal niya ito at pinakaiingat-ingatan kaya hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanya kung pati ito ay mawala pa sa kanya.
Kinaumagahan ay ginising siya ng malakas na yugyog ng kanyang anak.
“Itay, itay! Gising na! Aalis tayo ngayon di ba kasi birthday ko? Kaya bangon ka na itay!” sabi ng kanyang anak.
Hindi niya alam kung paano sasabihin sa anak na hindi na sila matutuloy sa lakad nila.
“Paul, anak? hindi na tayo matutuloy, e.”
“Ha! Bakit po? Di po ba sabi niyo na mamamasyal tayo ngayon at kakain sa labas?” kita sa mukha ng bata ang pagkadismaya.
“Oo anak pero biglang nagkatrabaho si tatay ngayon, e. Sorry anak, babawi na lang ako sa susunod.
“Pero nangako po kayo di ba?” tanong nito habang pumapatak na ang luha sa mga mata.
“Tahan na anak. Huwag ka nang umiyak. S-sige ganito na lang sumama ka sa akin sa trabaho, may aayusin lang naman ako sa may tulay, e. Pagkatapos ko magtrabaho ay didiretso na agad tayo sa mall. Ano ayos ba sa iyo iyon, anak?” aniya.
Agad naman na tumahan ang bata at nagpakawala ng malapad na ngiti.
“Sige po itay! Ayos na ayos po sa akin. Maliligo na po ako at magbibihis,” masayang wika ng bata.
Pagdating nila sa trabaho ay agad siyang nilapitan ng isang lalaki.
“Pare ikaw ba ang pinadala para ayusin ang makina?” tanong nito.
“Oo, ako nga,” sagot niya.
“A, sige buti pa ay umpisahan mo na para matapos ka ng maaga,” sabi pa ng lalaki na siya palang nangangasiwa roon.
Inumpisahan niya agad ang trabaho dahil alam niya na excited na si Paul na mamasyal.
“O, anak huwag kang malikot ha. Maupo o maglaro ka muna diyan pero huwag kang mangingialam ng kung anu-ano ha?” paalala niya sa anak.
“Opo itay!” sagot ni Paul na may ngiti sa mga labi.
Masayang naglalaro si Paul malapit sa tabi ng riles habang si Carlito naman sobrang abala at nagmamadali na matapos ang makina para maka-alis na silang mag-ama. Mayamaya ay tinawag siya nito at tinanong.
“Itay! tapos na po ba kayo?” anito.
“Hindi pa anak, e. Pero malapit na rin ito,” tugon niya rito.
Sa di kalayuan ay maririnig ang sunud-sunod na busina ng isang barko na may dala ng mga kargamento na ibababa sa pier.
“Pare, parating na ang barko. Ayos na ba iyan?” tanong ng lalaking nangangasiwa.
“Oo, sakto tapos na.”
Agad na pinagana ng lalaki ang makina at itinaas ang tulay. Paalis na sana ang mag-ama nang muli siyang tawagin ng lalaki.
“Pare, maaari bang ikaw muna dito? Hindi ko na kaya, e. Tinatawag na ako ng kalikasan, kailangan kong magbawas,” anito.
“Sige, pero bilisan mo lang ha may lakad pa kasi kami ng anak ko, e.”
“Oo pare. Salamat ha,” sabay alis sandal ng lalaki.
Habang inaayos ni Carlito ang mga gamit ay hindi niya namalayan na nakalagpas na pala ang barko. Si Paul ay naroon pa rin at masayang naglalaro.
Di niya napansin na ang tren ay paparating na ngunit napansin naman iyon ng kanyang anak.
“Itay! Ang tren itay!” sigaw ng bata.
Hindi niya iyon narinig. Paulit-ulit itong sumisigaw. Mayamaya ay narinig na niya ang malakas na busina ng tren at paparating na ito. Si Paul naman ay tumaakbo papalapit sa kinaroroonan niya nang biglang nalaglag ang bata sa isang butas na sa loob ay makina na iikot kapag ibinaba ang tulay. Siguradong maiipit ang kanyang anak kapag nagkataon pero muli niyang narinig ang paparating na tren. Natatranta na si Carlito, hindi niya alam ang gagawin. Masyado siyang malayo para puntahan si Paul para iligtas. Hindi sapat ang oras niya para bumalik at ibaba ang tulay dahil masasawi ang libu-libong tao. Kung ibababa naman niya ang tulay ay maiipit at masasawi naman ang kanyang anak. Sumigaw siya ng malakas at tinawag ang lalaking nangangasiwa pero hindi siya nito naririnig. Natataranta na si Carlito, hindi na niya alam ang gagawin.
“Paul, Paul, Paul!” paulit-ulit niyang sigaw at tawag sa anak.
Malapit nang dumating ang tren kailangan na niyang magdesisyon. Ang maaaring masawi ay ang nag-iisa niyang anak at ang libo-libong pasahero ng tren. Kung ibababa niya ang tulay ay mawawala ang kanyang anak na si Paul, kung hindi naman mas maraming mawawalan ng buhay.
“Diyos ko, ano po ang gagawin ko?” mangiyak-ngiyak niyang bulong sa sarili.
Agad siyang nag-isip at nagdesisyon. Mayamaya ay pikit mata niyang pinaandar ang makina at ibinaba ang tulay habang humahagulgol ng iyak. Iyon na ang pinakamahirap na desisyon ng ginawa niya sa buong buhay niya.
“Paul, anak ko, anak ko! Ang nag-iisa kong anak, wala na!” patuloy niyang hagulgol.
Mas pinili niyang mawala ang nag-iisa at pinakamamahal niyang anak para mabuhay ang libo-libong tao na hindi naman niya kilala at kaano-ano. Isinakripisyo niya ang buhay ng anak para sa kaligtasan ng mas nakararami.
Ang mga tao sa tren ay walang kamalay-malay sa nangyari. Patuloy lang ang mga ito sa kanya-kanyang ginagawa. Habang si Carlito ay nagluluksa sa pagkawala ng kanyang anak. Karga-karga ang wala ng buhay na katawan ni Paul habang umiiyak sa tabi ng riles. Huli na nang dumating ang mga awtoridad, nangyari na ang nangyari at hindi na maibabalik pa ang buhay ng kanyang anak. Kahit nagdadalamhati at nakikiramay ay masaya ang mga pasahero ng tren sa ginawa niyang kabayanihan ngunit sa loob-loob niya ay durog na durog ang kanyang puso sa pagkawala ng nag-iisa na lang niyang mahal sa buhay.
Masakit ang kinahantungan nilang mag-ama ngunit napagtanto ni Carlito na marahil ay may dahilan kung bakit iyon nangyari kaya ipinagpasa-Diyos na lamang niya ang lahat.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!