Tirik na ang sikat ng araw nang magising ang batang si Tere.
“Inay, nasaan po si itay?” tanong nito.
“Maagang umalis ang itay mo anak. Marami raw siyang huhulihing masasamang tao,” sagot ng inang si Baby.
“Ang aga naman po niya umalis,” sabi ni Tere habang naghihikab pa.
Si Tere ay anim na taong gulang lamang. Bagamat hindi pa siya pumapasok sa eskwelahan ay kinakikitaan na siya ng husay sa pagsusulat at pagbabasa. Gustuhin man siyang pag-aralin ng mag-asawang Baby at Lucas ay hindi nila magawa dahil si Tere ay may sakit sa puso at kailangan ng matinding pag-aaruga. Bawal itong mapagod. bawal ang sobrang saya, sobrang lungkot at bawal ang masaktan. Lagi lamang siyang nasa loob ng kanilang bahay.
Minsan ay abala si Baby sa paglilinis ng kanilang bahay nang mapansin niya ang anak na nakasilip sa bintana habang nakapangalumbaba. Agad niya itong nilapitan.
“Anak, anong sinisilip mo diyan?” tanong ng ina.
“Inay, tingnan niyo po iyong mga bata naglalaro sila. Buti pa sila. Bakit ako hindi puwede lumabas ng bahay?” balik nitong tanong.
Saglit na natigilan si Baby sa tanong ng anak.
“E, kasi anak, ayaw ka naming mapagod. Saka di ba naglalaro naman kayo ng itay mo?”
“Ang tagal po kaso ni itay, e. Gusto ko na po maglaro,” maktol ng bata habang nakatingin sa mga batang naglalaro sa labas ng bahay nila.
“Huwag kang mag-alala at darating na rin ang itay mo. Nanghuhuli pa kasi siya ng masasamang tao di ba? Saka di ba sabi mo ang itay mo ay isang superhero, kasi matapang siya dahil nagliligtas siya ng mga tao laban sa mga masasama. Isipin mo na lang na bilang superhero ay may responsibilidad ang iyong itay sa mga tao,” paliwanag ni Baby sa anak.
“O sige anak sabay na lang nating hintayin ang superhero ha? Baka may pasalubong pa sa iyong laruan o pagkain iyon.”
Nagbalik ang ngiti sa mga labi ni Tere at maghapong hinintay ang pagdating ng ama.
Alas nuwebe na ng gabi ay wala pa rin si Lucas. Hindi pa rin dalawin ng antok ang bata.
“Anak matulog ka na. Masyado nang malalim ang gabi para sa iyo,” wika ng ina.
“Pero wala pa po si itay. Maglalaro pa po kami, e,” sabi ni Tere habang nagkukuskos ng mata upang pigilan ang antok.
“Sa umaga mo na lang siya kausapin anak, halika na sa kuwarto mo.”
Binuhat ni Baby ang anak upang ihatid sa kuwarto para patulugin.
“Ikaw inay hindi ka pa po ba matutulog?”
“Mamaya na anak. Ako na lang muna ang maghihintay sa itay mo.”
“Sige po,” matipid nitong sabi habang ipinikit na ang mga mata.
Pasado alas tres na ng madaling araw nang dumating si Lucas. Duguan ang damit nito at may tama ng baril sa kanang braso.
“Diyos ko anong nangyari sa iyo Lucas?!” nag-aalalang tanog ng asawa.
“Wala ito, daplis lang. Masuwerte at hindi ako napuruhan,” sagot ng lalaki.
“Ano ba kasi ang nangyari?!” usisa pa ni Baby.
“Ni-raid kasi namin ang isang bar sa may Ermita. Doon kasi ginagawa ang transaksyon ng mga ipinagbabawal na gamot. Kaso nanlaban ang mga salarin at namaril. Sa kasamaang palad ay nakatakas pa ang dalawa sa kanila.
“Naku, Lucas, paano kung balikan ka nung mga nakatakas na salarin? Paano kung may gawin silang masama sa iyo? Hindi ba’t ikaw ang may hawak ng kaso na iyan? Iyan na nga ba ang sinasabi ko, kung bakit dati pa ay pinatitigil na kita diyan sa pagpupulis mo dahil ayokong may masamang mangyari sa iyo, mahal,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Baby.
Habang abalang nag-uusap ang mag-asawa ay hindi nila namalayan na nagising sa pagkakahimbing ang anak na si Tere. Laking pagtataka ng bata nang makitang puno ng dugo ang damit ng ama at umiiyak naman ang ina.
“Itay! Bakit ang dami niyo pong dugo sa damit? At bakit umiiyak po si inay? Sunud-sunod nitong taong.
“Naku, anak matulog ka na ulit. Nasugatan lang ang itay mo, gagaling din ito,” sagot ni Lucas. Ang inay mo naman ay napuwing lang ang mata sabay kindat sa asawa.
Nilapitan ng bata ang ama at agad itong niyakap.
“Itay alam mo bang kanina pa kita hinihintay? Gusto ko kasi maglaro tayo, e.”
“O sige anak, bukas ay maglalaro tayo ha.”
“Talaga po itay, promise ha?” anito.
“Promise!”
Nilapitan din nito ang ina. “Huwag ka na iyak inay. Hilamos ka lang ng tubig matatanggal din ang puwing mo sa mata,” pahabol pa nito.
“Sige na anak matulog ka na ulit. Huwag mong alalahanin ang sugat ng itay mo at ako na ang gagamot. Saka wala iyong sa mata ko anak, huwag mo itong intindihin,” sabi naman ni Baby sa anak.
Pagkatapos ay tinungo na ang kuwarto para ipagpatuloy ang pagtulog.
Tanghali na nang magising si Tere. Napansin nito na wala na sa tabi ang ina. Lumabas ito ng kuwarto at doon ay nakita ang ama na abalang naghahanda ng almusal.
“Anak, tara kain na tayo. Tayong dalawa lang ang magkasabay na kakain ng almusal dahil maagang pumunta sa palengke ang inay mo,” wika ng ama.
Umupo na sa hapag ang bata at nagsimula nang kumain nang bigla ulit itong nagtanong.
“Itay hindi ka po papasok sa trabaho ngayon? Kasi po di ba maglalaro tayo?”
Saglit na napatigil si Lucas sa pagsubo ng kanyang pagkain bago ito sumagot.
“A, e anak, di ba sabi mo ako ay superhero? Kailangan ko kasing magligtas ng mga tao sa mga masasamang loob. Kaya kailangan kong pumasok sa trabaho,” paliwanag niya sa anak.
Napansin niya ang pagkalungkot sa mukha ni Tere. “Nag-promise ka po sa akin na maglalaro tayo ngayon, e!” anito.
“P-pero huwag ka mag-alala, anak. Bukas ay hindi ako papasok para tuparin ang promise ko sa iyo. Buong araw tayong maglalaro at mamamasyal. Bibilhan din kita ng kung anong gusto mo. Ayos ba iyon anak? Hindi talaga maaaring hindi ako magtrabaho, e. Baka matanggal sa pagiging superhero ang itay mo, papayag ka ba ng ganoon?”
Umiling ang bata. “Pero promise mo po ulit itay, sigurado na bukas ay maglalaro na tayo ha?” tanong nito.
“Oo anak, promise, totoo na talaga,” wika ni Lucas saka hinagkan sa noo ang anak.
Nang sumunod na araw ay maaga ulit nagising si Tere ngunit nagtataka ang bata kung nasaan ang kanyang ama.
“Nasaan po si itay?” tanong ni Tere sa ina.
“E kasi anak, kaninang madaling araw ay tinawagan siya ng kapwa niya pulis. May mahalaga lang daw silang pupuntahan. Di ba ganoon naman talaga ang mga superhero? Kapag kailangan dumarating, parang ang itay mo di ba? Pero sandali lang iyon anak, dahil maya-maya lang babalik siya para tutuparin ang pangako niyang maglalaro kayo,” wika ni Baby.
“Pero nangako po ulit sa akin si itay na hindi raw siya magtatrabaho ngayon. Sabi niya buong araw daw kaming maglalaro,” malungkot na wika ng anak.
“Huwag ka nang malungkot anak, darating din ang itay mo mamaya. Makakapaglaro na kayo,” patuloy na pagpapalakas ng loob ni Baby sa bata.
Saktong alas otso ng gabi ay biglang may tumawag kay Lucas. Kasalukuyan ay nasa presinto pa siya at may tinatapos na report.
“O, sir napatawag po kayo?” tanong niya sa kausap.
“Abelardo, may mag-inang pinagbabaril ng mga hindi kilalang salarin sa inyong barangay at malapit pa sa tinitirhan ninyo!” nag-aalalang sabi ng nasa kabilang linya.
Halos mabitawan ni Lucas ang kanyang cell phone sa narinig mula sa kausap. Agad siyang umalis sa kinaroroonan sakay ng kanyang motorsiklo. Habang binabagtas ang daan pabalik sa kanilang barangay ay paulit-ulit na umaalingawngaw sa kanyang isipan ang ibinalita ng kasamahang pulis. Nahintakutan siya na baka ginantihan na siya ng mga nakatakas na salarin sa ni-raid nilang bar. Agad siyang nanalangin sa isip. Paulit-ulit at puno ng pagsusumamo na sana ay hindi iyon ang kanyang mag-ina.
Makalipas ang isang oras ay nakarating na siya sa kanilang lugar. Sa di kalayuan, kitang-kita niya ang dami ng mga taong nagpupumilit makasilip at mga taong nakasuot ng unipormeng katulad sa kanya. Dahan-dahan siyang lumapit sa kinaroroonan ng mga tao at hinawi ang mga ito upang makaraan. Nakita niya ang katawan ng isang bata at babaeng buhat-buhat ng mga kapwa niya pulis. Ang puting kumot na nakataklob sa mga ito ay waring binuhusan ng pulang pintura sa kulay ng dugong sumambulat sa katawan ng mga biktima. Pakiramdam niya ay hindi niya kayang ihakbang ang kanyang mga paa at hindi niya kayang matunghayan ang kalunus-lunos na nangyaring iyon. Nang alisin niya ang taklob ay laking gulat niya nang makitang ibang bata at ibang babae ang mga nasawi.
Nang biglang may pamilyar na boses na tumawag sa kanya.
“Lucas, mahal ko!” sigaw ng kanyang asawang si Baby.
“Itay, itay narito po kami!” hiyaw naman ng anak na si Tere.
Mangiyak-ngiyak niyang niyakap nang mahigpit ang kanyang mag-ina.
“Salamat sa Diyos at hindi Niya kayo pinabayaan. Mahal na mahal ko kayo, hindi ko kakayanin kapag may nangyaring masama sa inyo,” aniya.
“Diyos ko, Lucas natakot nga kami ng anak mo nang marinig naming pinaputukan ng mga di kilalang salarin ang mag-inang nanglalakad sa kalye. Mabuti na lamang at nasa loob na kami ng bahay ni Tere,” nangingilid ang luhang sabi ni Baby.
“Hayaan niyo at ang mga kasamahan kong pulis ang bahala sa kaso na iyan. Hindi rin ako titigil hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang pagkawala ng mag-ina,” wika ni Lucas.
“Tere, anak tara na sa bahay at maglalaro pa tayo di ba?” tanong niya sa anak habang patuloy pa rin sa pagluha.
“Totoo po itay, maglalaro na tayo? Yehey!” tuwang-tuwang sabi ng bata.
Mula noon ay nagkaroon na ng oras si Lucas sa kanyang mag-ina lalong-lalo na sa kanyang anak na si Tere. Patuloy siyang nagpapasalamat dahil binigyan siya ng pangalawang pagkakataon na mas pahalagahan pa ang kanyang pamilya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!