Ang Rebelasyon sa Loob ng Jeepney
Maagang bumangon si Celia upang pumasok sa kanyang trabaho bilang isang guro. Kahit pa maagang namayapa ang kanyang asawa, maituturing na napakaswerte niya dahil napaka-responsable at napakasipag ng nag-iisa nilang anak na si Mateo. Kahit kasi labing pitong taong gulang pa lamang ito at nag-aaral pa sa kolehiyo, madalas itong mag-abot sa kanyang ina ng panggastos sa kanilang pamamahay.
Tulad kaninang umaga bago umalis si Celia.
“Mama, magandang umaga po! Heto nga po pala, dalawang libo. Idagdag niyo po sa pambili natin ng pagkain at sa pambayad ng kuryente at tubig,” nakangiting sabi ni Mateo habang iniaabot ang lukot lukot na dalawang libong piso.
“Wow naman, anak! Ano ka ba naman? Hindi naman kita inoobligang magbigay. Estudyante ka pa lamang at alam kong minsan ay kulang ang ibinibigay ko sa’yong baon panggastos. Itabi mo na lang iyan para sa sarili mo,” sagot ni Celia sa anak.
Palaging ganoon ang eksena ng dalawa. Sa huli’y mapipilitan si Celia na kunin ang inaabot ng kanyang anak dahil talagang hindi ito susuko hangga’t hindi niya tinatanggap ang perang iniaabot nito.
Kinagabihan, kinailangang lumabas ng bahay ni Celia upang bumili ng mantika sa lulutuing pritong isda. Isang kapitbahay naman ang bumati at nakipag-kumustahan sa kanya.
“Celia! Kumusta? Parang alagang-alaga ka ng anak mo ah! Ang swerte mo naman sa kanya. Bata pa lamang ay masipag na,” anito.
“Ay naku, siyang tunay! Sinabi mo pa. E ‘di pa nga nakakatapos ng pag-aaral, palagi na akong sinusustentuhan,” pagmamalaking sagot ni Celia.
“Saan nga ba nakukuha ng anak mo ang ibinibigay niya sa’yo? May part time job ba siya? Baka pwede niya namang ipasok ang anak-anakan ko,” tanong ng babae.
“Ah… Eh… Sa totoo lang? Hindi ko nga alam e. Itatanong kong muli mamaya sa kaniya, at baka may opening sila. O siya sige, babalitaan agad kita ha?” pamamaalam niya.
Sa tuwing tinatanong ng ina ni Mateo kung saan nanggagaling ang pera, hindi naman makasagot ang binata. Palagi lamang nitong sinasabing, “biyaya lamang iyan, mama, kaya tanggapin niyo na lang po.”
Sumunod na araw, papasok na sana sa trabaho si Celia nang bigla siyang tawagan ng kanilang principal sa eskwela. Kinakailangan niyang pumunta sa kabilang barrio upang maging pansamantalang kapalit ng isang guro sa araw na iyon. Kaya naman agad siyang bumaba sa jeep na sinasakyan, at lumipat sa kabilang jeep na patungong kabilang baryo.
Tahimik ang byahe ng mga pasahero, ngunit nabasag ito nang isang grupo ng mga binatilyo ang umakyat ng jeep at nagsimulang magsisigaw.
“Akin na ang mga gamit niyo! Pera, cellphone, wallet! Lahat lahat! BILIS!” sigaw ng isa.
“Kapag hindi kayo sumunod, yari kayo sa’min! DALIAN NIYO NA!” sigaw pa ng isa.
Nanigas naman sa kinauupuan niya ang ginang. Sa tanang buhay niya, ngayon lamang niya naranasan ang ma-holdap sa sinasakyang jeep. Ni hindi niya magawang tingnan sa mukha o sa mata ang mga binatilyong may mga panyong nakasuot sa kani-kanilang mukha, kaya naman nakayuko lamang siya sa mga paa ng mga ito habang hinahanap ang kanyang cellphone at wallet upang ibigay.
Natigilan siya nang makita ang pamilyar na tsinelas na suot-suot ng isa sa mga kawatan. Nanlaki ang mga mata niya at parang tumigil ang mundo niya. Agad niyang tiningnan ang binatilyong may suot nito, at labis ang kirot sa puso niya nang makita ang mga mata ng anak na si Mateo.
“Anak?! Mateo?!” hindi na napigilan ni Celia ang mapasigaw.
Nang makilala siya ng sariling anak, dali-dali itong tumakbo pababa ng jeep kasama ng iba pang mga binatilyo. Ngunit pagbaba nila, isang sasakyan ng pulis ang agad nakapigil sa kanila. Agad silang dinala sa presinto, at dali-daling sumunod si Celia sa kanila.
At dahil mga binatilyo at menor de edad pa lamang, hindi nakasuhan ng kahit anong kaso ang mga ito. Nilapitan ni Celia ang anak at hinatak pauwi sa kanila upang disiplinahin at kausapin ng matindihan.
“MATEO? ANO?! MAGPALIWANAG KA! SAAN MO NATUTUNAN IYON?!” sigaw ni Celia sa segundong makatapak sila sa kanilang pamamahay.
“Ma… Ma… Sorry! Gusto ko lang naman ‘yong pakiramdam na nakakatulong ako sa iyo. Kitang kita ko na ang saya saya mo sa tuwing nakakapagbigay ako,” umiiyak na paliwanag nito.
“Pero mali iyon! Mateo naman! Ang akala ko pa nama’y matalino ka! Mali iyon! Labag sa batas, mali, mali, MALI!”
Naglumuhod sa sahig si Mateo at nagmamakaawa sa inang patawarin na siya nito. Sa katunayan ay napasama lang din ito sa mga maling kaibigan kaya natuto itong gumawa ng ganoon. Dahil mahal na mahal ni Celia ang anak, agad niya naman itong pinatawad.
Nangako si Mateo na kailanma’y hindi na uulit sa mga ganoong gawain. Napagtanto niyang mas masarap makatulong sa kanyang ina kung ang naibibigay niya ay nakuha niya sa legal at malinis na paraan. Ilang taon ang lumipas at nakagraduate na rin ang binata, at doon ay nagsimula na siyang magtrabaho ng marangal. Naibigay na niya sa nanay niya ang mga bagay na matagal na niyang ipinapangarap ibigay at ipatamasa rito.