Inday TrendingInday Trending
Si Lolo at ang Malditang Kahera

Si Lolo at ang Malditang Kahera

Alas nuwebe na ng gabi at todo simangot na naman si Nicki dahil may iilang customer na naman ang humabol sa pagsasara ng supermarket na pinagtatrabahuhan niya. Mainit ang ulo ng babae dahil buong araw na naman siyang hindi nirereplyan ng lalaking kinukulit niya.

“Bwisit na buhay talaga ‘to! Ang b*bo naman kasi ng mga ito e. Alam namang alas nuwebe ang closing time namin, tapos kinse minutos bago mag alas nuwebe pupunta para mamili. Bwisit talaga!” bulong ni Nicki sa sarili.

Maya-maya pa, isang matandang lalaki na lamang ang natirang customer sa loob. Nang makapili ito ng isang pirasong lata ng gatas na bibilhin niya, agad niya naman itong ibinigay sa kahera upang bayaran. Napangiti naman ng kaunti si Nicki dahil sa wakas ay matatapos na siya.

“P68.00 lang, sir,” aniya.

Nagsimulang kumunot ang noo ng matanda. Kinuha nito ang wallet niyang tila ba naaagnas na sa pagkaluma at binuklat ang kada lalagyan nito.

“Nako, miss. Pasensiya na. Kulang pala ang dala ko, P40.00 lamang ito. I-cancel mo na lang, pasensiya ka na ha?” nahihiyang sabi ng matanda kay Nicki.

Agad na sumiklab ang init ng ulo ng dalaga. Kailangan pa niyang hagilapin ang supervisor niya upang ipa-void ang nai-scan nang de lata ng gatas ng matanda, dahilan upang matagalan pa siya sa trabaho.

“Tang*na naman kasi! B*bo ka ba? Alam mo namang wala kang pera, may presyo naman iyong gatas, tapos didiretso ka pa dito sa kahera! Bwisit talaga! Perwisyo kang matanda ka!” sigaw ng babae sa matanda. Hindi na siya nahihiyang bulyawan ito dahil wala nang ibang tao sa supermarket sa mga oras na iyon.

“Pasensiya ka na talaga. Hindi ko napansin na hindi sasapat ang dala ko,” sagot pa ng matanda.

Patuloy na bubulong bulong sa inis si Nicki habang hinahanap ang supervisor niya, nang biglang lumapit ang janitress na si Camille.

“Nicki, anong nangyari? Kulang ba ang pambayad ni lolo?” tanong nito.

“Oo! Perwisyo, amp*ta!” anito.

“Magkano ba? Heto, ako na ang magbabayad. Tutal sweldo naman na bukas at makakaraos na ako ngayong gabi,” sabi ni Camille kay Nicki.

Hinablot ni Nicki ang perang inabot ni Camille, ngunit patuloy pa rin ito sa pamamahiya sa matanda.

“Tama na, tapos na e. Nabayaran na. Huwag mo namang bastusin si lolo,” pagtatanggol ni Camille.

Nang matapos na ang pagbabayad, inihatid ni Camille ang matanda palabas ng supermarket. At nang makarating sa labas, nagkausap na ang dalawa.

“Dito na lamang po ba kayo, lolo? Saan po ba ang uwi ninyo? May pamasahe pa po ba kayo?” tanong ni Camille.

“Oo, hija. Salamat. Napakabuti mo naman. May hinihintay lang ako rito.”

Maya maya pa ay isang magarang sasakyan ang huminto sa harapan ng supermarket. Nang mapansin ito ni Nicki, agad itong nag-ayos ng sarili dahil sigurado siyang sasakyan iyon ng may-ari ng supermarket. Lumabas pa ito upang salubungin ang boss at sumipsip.

“Sir! Good evening po. Bakit napadaan po kayo? Pasara na po kami,” nakangiting bati ni Nicki. May promosyon kasi siyang inaabangan at sigurado siyang konting sipsip na lang ay magtatagumpay na siya.

“Ay, sinundo ko lang itong si lolo ko. Napadaan kasi siya para i-check kung kumusta itong supermarket na ipinamana niya sa akin,” nakangiting sagot ni Sir Ramir sabay mano sa matandang binastos at pinahiya ni Nicki kanina.

“Hijo, alam mo ba ang nangyari? Nakalimutan ko ang wallet ko! Tumatanda na talaga ako, hijo. Mabuti’t tinulungan ako nitong si Camille. Sana’y lahat ng empleyado mo’y kagaya nitong si Camille,” sabi ng matanda.

Halos magpalamon na sa lupa sa pagkapahiya itong si Nicki. Hindi man siya isinumbong ng matanda kay Sir Ramir, kinabukasan ay agad na rin siyang nag-resign dala ng labis na pagsisisi at pagkapahiya sa nangyari.

Habang si Camille naman ang nabigyan ng posisyong hinahangad ni Nicki noong nakaraan. Hindi akalain ni Camille na ang simple niyang pagtulong sa matanda, na sinabayan niya ng sipag at tiyaga, ang magdadala sa kanya sa tagumpay sa buhay.

Advertisement