Ang sabi ng karamihan ay nobody’s perfect! Pero hindi iyon ramdam ni Katrina, dahil taglay niya na yata niya ang kinaiinggitan ng lahat. Ang kanyang kutis na sabi pa ng iba ay ‘kutis porselana’. Ang kanyang mukhang animo’y isang anghel na bumaba sa kalangitan. Ang kanya namang ilong na bumagay lamang ang pagkatangos sa kanyang inosenteng mukha.
Ang labi niyang mamula-mula na animo’y pinapatungan ng liptint.pero wag ka – natural iyon. Sa makatuwid ay hindi na niya kailangan pang magpaganda, dahil likas na siyang maganda. Bonus pa ang kanyang boses na para kang idinuduyan sa tuwing siya ang kakanta.
Ang problema lang, taglay niya rin ang walang kapantay na kayabangan na ayon naman sa karamihan ay hindi man lang makain ng aso.
Isang araw ay may patimpalak na sinalihan si Katrina, isang beauty contest at ang kanyang talent na gagawin ay ang pagkanta.
“Katrina, nakakailang naman na maging kalaban ka. Hindi pa nag-uumpisa ay alam na ng lahat na ikaw ang panalo,” malungkot na sambit ni Isabel. Ang kasama niya sa gaganaping patimpalak.
“Sabel, ayos narin naman na sumali ka. Para naman maranasan mo kung paano lumaban sa ganitong contest, pero syempre huwag ka nalang din umasa. Mahirap na baka masaktan ka lang,” ismid ni Katrina.
Ganito siya makipag-usap sa kapwa tao. Ang taas at bilib na bilib sa sarili kaya kunti lang ang nais na maging kaibigan siya. Kinakaibigan lang din siya ng iba upang mapasama rito, maging sikat din.
Excited na si Katrina dahil tatlong araw na lamang ang hihintayin bago ang gaganaping contest. Nagkaroon lang ng kaunting aberya dahil may ubo siya, bwisit!
“Ang sakit na talaga ng lalamunan ko sa kakaubo. Paano na’ko sa araw ng patimpalak, hindi ko kayang kumanta dahil wala akong boses.” paos na paos niyang sambit.
“Hala ka! Katrina, tignan mo nga ‘yang mukha mo sa salamin kung anong nangyari d’yan. Binubulutong ka ba?” sigaw ni Clara ang kanyang pinsan na nag-aayos na mga gagamitin niya sa darating na patimpalak.
“Hala ka! Anong nangyari sa mukha ko!” Mangiyak-iyak niyang sambit habang tinititigan ang sariling repleksiyon sa salamin. “Bakit ngayon pa..”
Bakit ngayon pa na kailangan na kailangan niya ang kanyang ganda at ang kanyang boses. Paano siya nito mananalo kung binubulutong siya.
Ang araw ng patimpalak
“Katrina, bakit ganyan ang mukha mo? Nagtutubig siya girl,” nandidiring tanong ng isa sa mga contestant na katabi niyang nagme-make up.
“Oo nga, Katrina. Nakakadiring tingnan, atsaka kahit naman lagyan ng make-up hindi talaga maitatago ang pagtutubig ng bulutong mo,” sabat pa ng isa.
“ Sana nagpahinga ka nalang muna, Katrina.”
“Ano bang pakialam niyo kung nais ko paring sumali sa patimpalak na ito,” mataray niya paring sambit.
“Pero paano naman kung mahawa kami niyang bulutong mo,” agad namang sagot ng contestant na unang nanita sa kanya.
“E ‘di mahawa kayo, pakialam ko sainyo!” nakaismid niyang sagot sabay irap sa mga ito.
“Alam mo Katrina, mukhang kinakarma kana yata d’yan sa ugali mong hindi makain kahit na asong ulol—”
“Anong sinabi mo!”
“Uulitin ko paba? Ang sabi ko, umaasa ka parin bang mananalo ka ngayon sa pa-contest na ito? Tignan mo nga ‘yang itsura mo. Mukha kang babaeng nangangailangan ng derma. Ang dumi mong tingnan at nakakadiri ka. Beauty Contest ang sinalihan mo baka nakakalimutan mo. Hindi papangitan contest!”
Narinig niya kung paano nagtawanan ang lahat dahil sa sinabi ng babae sa kanya. Hindi niya na matandaan kung ano ang pangalan nito, dahil wala naman siyang pakialam sa lahat ng tao sa kanyang paligid. Siya ang tinitingala ng lahat at lubos na hinahangaan pero ngayon ay pinagtatawanan na lamang siya ng mga ito na animo’y isang pulubing nakakaawa at nakakatawa. Katulad lang sa pangmamaliit niya sa iba noon.
“Masakit ba? ‘di ba masakit ang mapagtawanan at laitin. Hindi ba ganyan ang gawain mo noon? Noong wala pang maipintas sa’yo, gaano kasakit Katrina? ‘di ba hindi madali.” wika ng babaeng kanena ay makikinig lamang sa usapan nila. “Ngayong naranasan mo na kung paano ang maging pangit, ramdam mo na kung gaano kasakit na ang baba ng tingin nila sa’yo, na para bang kasalanan mo ang ipinanganak kang hindi kasing ganda mo.”
“Magpahinga kana lamang muna sa inyo, Katrina. Ipaubaya mo nalang muna sa’min ang patimpalak na ito. Tanggapin mo muna ang pagkatalo mo,” sabat isa pang babae.
“Ito lamang ang patunay na hindi sa habang panahon ay nasa itaas ka. Tignan mo, ang taas-taas ng tingin mo sa sarili mo. Lahat ng tao ang tingin mo ay nasa baba mo. Pero tignan mo nga naman ngayon. Ikaw naman ang nilalait, pinagtatawanan, at pinandidirihan.” napalingon siya sa may pinto ng magsalita ang isang pamilyar na boses.
Ang nakangiting mukha ni Isabel ang kanyang nabungaran.
“Ngayon ko nga napatunayan, Katrina ang salitang ‘Don’t do to others what you don’t want them to do unto you’. Ikaw ang buhay na patunay,” patuloy pa nito.
Gusto na niyang umiyak at tumakbo palayo sa mga taong ito. Kinakarma na nga siya. Sinisingil na sa lahat ng kanyang pagkakasala. Hindi pala madali. Tama nga ang sinasabi ng karamihan na walang pabor-pabor kapag si karma na ang maniningil.