Mula noong nauso ang online games ay marami ang nahumaling rito at isa na si Stephen sa mga iyon. Maghapong nakatutok sa cellphone, halos ayaw nang maligo at nakakalimutan na minsan ang kumain.
Isang araw ay bigla na lamang siyang nilagnat ng mataas kasabay ng ubong hindi mawala-wala.
“Anong nangyayari sa’yo, Stephen?” asik na tanong ng kanyang inang si aling Yumi.
“Ang taas po ng lagnat ko, Nay.” nanginginig niyang sagot.
“Ayan na ang napapala mo sa kakatutok mo d’yan sa cellphone mo. Ako pa sa’yo lunukin mo ‘yang cellphone mo at gawin mong gamot! Wala kanang ginawang tama puro kana lang laro,” anito na agad din siyang tinalikuran.
Tumayo si Stephen upang pumunta sa kusina. Ano bang aasahan niya sa kanyang ina na wala nang ginawa kundi ang magsugal at napapabayaan na lamang silang magkakapatid. Hinainan niya ang sarili, kailangan niyang kumain upang makainom ng gamot.
Ngunit nakailang inom na siya ng gamot ay hindi parin bumababa ang kanyang lagnat. Patuloy parin ang kanyang ubo at sumabay na rin ang kanyang sipon. Nabahala na siya kung ano ba talaga ang nangyayari sa kanyang katawan, hindi na niya nabawi pang muli ang kanyang lakas at patuloy na nanghihina ang kanyang katawan.
“Nay,” tawag niya sa kanyang ina.
“Bakit?” tanong naman nito.
“Baka pwedeng dalhin mo na ako sa hospital, nanghihina na talaga ako at mukhang hindi ko na kaya.”
“Ano!” Saka naman ito nataranta at agad na inalalayan siya upang makapunta sa malapit na hospital.
Pagkarating sa naturang pagamutan ay agad na inasikaso si Stephen, may mga ginawa sa kanyang mga test upang matukoy kung ano ang kanyang sakit.
Makalipas ang walong oras
“Doc,” agad na tumayo ang Ina ni Stephen ng makita ang papalapit na Doctor.
“Misis, kaya po ganyan ang nangyayari sa anak niyo ay dahil mayroon na siyang malubhang sakit. Base sa mga nakuha naming resulta sa ginawang test sa kanya kanina ay may tama na ang kanyang parehong kidney. Nagdurugo na ito sa loob at dahan-dahang pinapahina ang kanyang immune system.
I’m sorry to say that your son has a kidney c*ancer. Mahirap ng gamutin iyon, kailangan ng ura-uradang operasyon. Hindi din natin masasabing isandaang porsyento ay maliligtas natin ang anak niyo, but that’s the best option we have right now, at kailangan din ninyong maghanap ng kidney donor.”
Hindi na nakapagsalita pa si aling Yumi, ang tanging nagawa nito ay ang humagulhol na lamang ng iyak at gano’n din si Stephen.
“Masyado niyang napabayaan ang kanyang kalusugan kaya nag-react ang kanyang kidney, Mother. Malaking halaga ang kakailanganin niyo para ma-operahan ang anak niyo. Kung nakapag-desisyon na po kayo ay huwag kayong mag-atubiling lumapit sa’kin.” Iyon lang at nilampasan na siya nito.
Saan sila kukuha ng malaking halaga ng pera? Paano siya maipapagamot ng ina kung tanging pagkain na nga lang nila ay hirap na hirap na ito. Tatlo silang magkakapatid at siya ang pangalawa sa panganay. Walong taong gulang pa lamang siya ay iniwan na sila ng kanilang magaling na ama kaya tanging ang ina na lamang nila ang bumuhay sa kanilang tatlong magkakapatid.
Maaga silang naako sa obligasyon, lahat sila ay naghahanap buhay upang may makain sa araw-araw na pamumuhay. Isang kahig, isang tuka. Kaya kung wala silang kakahigin ay wala silang tutukain
Kung ang iba ay basketball ang pampalipas oras, siya naman ay online game. Kapag natapos na niya ang trabaho ay magdamag na siyang nakatutok sa cellphone at wala ng pakialam sa mundo. Kaya labis ang kanyang pagsisisi ngayon.
“Paano kita maipapagamot, Stephen.” Umiiyak na tanong ng kanyang ina. “Ang bata mo pa para mawala sa’min.
Lalo siyang nalungkot at humaguhol ng iyak sa sinabi ng kanyang ina. Kahit lagi itong nasa sugalan ay hindi sila pinabayaan nito. Nagagalit nga lang ito sa kanya dahil sa pagka-adik niya sa online games.
Kung maibabalik lang niya ang panahon, disinsana’y basketball na lamang ang kanyang kinahiligan hindi pa siya magkakaroon ng malalang sakit.
“Patawarin niyo ako Nay,” aniya at niyakap ito. “Mag-iingat kayo dito. Huwag niyong pababayaan ang sarili niyo at bawasan narin ang pagkahumaling sa sugal. Ayoko po na magaya kayo sa’kin. Ayoko po na magkasakit din kayo dahil pinabayaan niyo ang sarili niyong kalusugan. Tanggap ko na po, tatanggapin ko na po ang maaga kong pagka-wala. Mahirap lang tayo at wala tayong pantustos sa pagpapagamot ko.”
“S-stephen..” Uumiiyak parin ito.
“Mahal na mahal ko po kayo. Pakisabi narin sa iba na huwag gumaya sa’kin na dahil lamang sa online games ay nagkasakit at namatay. Wala pong nauunang pagsisisi,” patuloy niya sa pag-iyak.
Hindi masamang mahumaling sa isang bagay o laro. Pero lagi sanang tatandaan na ang lahat ng sobra ay nakakasama.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!