Inday TrendingInday Trending
Tinuruang Maging Matapat ng mga Magulang ang Anak, Ito Rin Pala ang Magpapahamak sa Kanila

Tinuruang Maging Matapat ng mga Magulang ang Anak, Ito Rin Pala ang Magpapahamak sa Kanila

Pinalaki ng mag-asawang Tessa at Romeo ang kanilang anak na si Johnson na palaging nagsasabi ng totoo.

“Johnson tandaan mo ha, masama sa bata ang nagsisinungaling kaya palagi dapat nagsasabi ng totoo,” sabi ni Tessa sa anak.

“Oo, anak. Ang batang sinungaling ay kukunin ng mumu,” pabirong wika naman ng ama.

“E inay, itay, bakit po ba dapat nagsasabi ng totoo?”

“Basta, anak kailangan iyon sa pang-araw-araw na buhay,” sagot ng ina.

Mabait na bata si Johnson ngunit gaya rin ng ibang bata ay may kakulitan din ito paminsan-minsan. Wala namang problema ang mag-asawa sa anak, sa katunayan ay madali itong pagsabihan at pasunurin.

Isang araw, isinama ni Tessa ang anak sa palengke. Wala kasi itong makakasama sa bahay dahil lumuwas ng probinsiya ang kanyang ina na nakatokang mag-alaga sa anak.

“O, Johnson huwag kang maglilikot dito, a.”

“Opo, inay!” magalang na sagot ng bata.

Isang matandang babae ang bumili kay Tessa ng gulay at nang paalis na ay di sinasadyang nahulog ang perang papel na iniligay niya sa kanyang bulsa. Agad niyang tinawag ang matanda.

“Ale, ale!”

Lumingon naman ang matandang babae.

“Bakit iho?” tanong niya.

“Nahulog po ang pera niyo!” aniya.

Kinapa naman ng matanda ang bulsa at nakitang butas pala iyon kaya nahulog ang pera.

“Naku, salamat iho, napaka-tapat mo namang bata!”

“Pinalaki po talaga namin siya na palaging nagsasabi ng totoo,” sabad ni Tessa.

“Nakakatuwang bata! Napakabuti niyong mga magulang,” anito.

Mayamaya ay nakita naman ni Johnson na nangungupit ng pera ang anak ng isang tindera sa katapat nilang puwesto.

“Nasaan ang pera kong inilapag dito?” tanong ng babae.

Nang makita nito ang isang batang pulubi na palakad-lakad sa puwesto nila ay agad itong pinagalitan.

“Uy, bata, ikaw ang kumuha ng pera ko ‘no?” bintang niya sa pulubi.

“Wala po akong kinukuhang pera,” sabi ng bata.

“Anong wala, e ipinatong ko lang ang pera ko sa ibabaw ng timbangan!”

Lumapit si Johnson at sinabi sa babae ang totoong nangayari.

“Aling Ising, iyong anak po niyong si Popoy ang kumuha ng pera niyo!” bunyag nito.

“Ano kamo, ang anak ko?” gulat na sabi ng babae.

Tinawag nito ang anak at tinanong.

“Popoy, Popoy! Halika nga dito at umamin ka nga sa aking bata ka!”

“Ano po iyon, nay?” kakamot-kamot sa ulo ang bata.

“Ikaw ba ang kumuha ng pera?”

Nagsimula nang humikbi ang bata sa malakas na boses ng ina.

“O-opo ako nga po ang kumuha. K-kasi wala po akong pambili ng kendi,” pag-amin nito.

Nang malamang nagkamali ay agad na humingi ng paumanhin ang babae sa batang pulubi. Binigyan pa niya ng pagkain ang bata pampalubag loob.

Pagdating naman sa bahay ay hindi pa rin nawawala ang pagiging matapat ni Johnson.

Habang naglalaro siya sa salas ay napansin niyang pumasok ang pinsang si Atong at dumiretso sa kusina. Nang may marinig na may nabasag na kung ano pagkagaling sa kusina ng pinsan ay patakbo siyang lumabas ng bahay.

Nang dumating si Romeo ay nakita niya na basag na ang mamahaling plorera na nasa ibabaw ng mesa.

“Popoy, Popoy! Sino ang nakabasag nitong plorera?” tanong niya.

“Itay, nakita ko pong pumunta sa kusina si Atong tapos may narinig po ako na parang may nabasag.”

“Sigurado ka, anak na si Atong ang may gawa?”

“Opo.”

Tinawag ni Romeo ang pamangkin at tinanong kung totoo ang sinasabi ng anak.

“Totoo ba, Atong na ikaw ang nakabasag ng plorera sa kusina?”

Dahil sa takot na lalong mapagalitan ay napilitang magsabi ng totoo ang bata.

“O-opo ako nga po ang nakabasag. Hindi ko naman po sinasadyang masagi ang plorera, sorry po, tito!” anito sa papaiyak na boses.

Napahaplos sa noo ang lalaki. Ano pa ba ang maggawa niya, nangyari na ang nangyari.

“O, huwag kang iiyak. Sa susunod ay mag-iingat ka ha, para hindi ka nakakabasag,” malumanay niyang sabi.

Kinaumagahahan ay magkasamang nagtitinda sina Tessa at Romeo. Napansin ng babae na may kung anong kinakalikot ang asawa sa timbangan.

“Ano iyang ginagawa mo?”

“Ito naman, parang bago ng bago. Dating gawi, ginagawan ko ng paraan ito para malaki ang kitain natin!”

“Aba, buti naman at naisip mo iyan! Matumal ang kita at kailangan nating makabawi.”

Ang hindi nila alam ay kanina pa nakikinig ang anak nilang si Johnson sa pinag-uusapan nila.

Mayamaya ay may kustomer na lumapit sa puwesto nila para bumili ng prutas. Nang timbangin na ni Tessa ang binili niyang kalahating kilong mangosteen at siningil ang babaeng kustomer ay agad siyang nagtanong.

“Teka, ate bakit ang mahal naman yata ng kalahating kilo? Nung nakaraan ay mababa naman ang presyo, a!” nagtatakang sabi ng babae.

Hindi inasahan ng mag-asawa na magsasalita ang anak.

“Inay, sabi niyo po ay bawal magsinungaling at dapat palaging magsasabi ng totoo. Bakit niyo po siya niloloko?” tanong nito.

Nagulat ang mang-asawa sa tanong ng anak.

“Nakita ko po si tatay na may kinakalikot sa timbangan at ang sabi niyo po ay malaki ang kikitain niyo sa ginagawa ni tatay.”

“Kaya pala mahal ang singil mo sa akin dahil dinadaya niyo ang timbangan?” wika ng babae.

Hiyang-hiya sa ginawa sina Tessa at Romeo. Halos hindi sila nakakibo nang ibisto ni Johnson ang pandaraya nila.

“Mahiya naman kayong mag-asawa, buti pa ang bata marunong magsabi ng totoo. Palalagpasin ko ito, sa susunod na mandaya pa kayo ay magsumsumbong na ako sa kinauukulan. Pasalamat kayo sa anak ninyo,” banta ng babae.

“Paumanhin po, hindi na namin uulitin!” wika ni Tessa.

Biglang naliwanagan ang mag-asawa, kung hindi pa nagsabi ng totoo ang kanilang anak ay hindi pa nila mapagtatanto ang kasalanang nagawa. Sila pa itong nagtuturo sa anak na palaging magsasabi ng totoo at maging tapat, sila pala ang hindi kayang gumawa noon. Kaya ang resulta, ang pagiging totoo at matapat ni Johnson ang nagpahamak sa kanila.

Matapos ang nangyari ay hindi na ginawa nina Tessa at Romeo ang pandaraya sa timbagan at sa halip ay nagtinda na lamang ng matapat at patas.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement