Hindi Pinaupo ng Lalaki ang Nahilong Babae sa LRT, Laking Gulat Niya Kung Sino ang Ginang
Alas singko pa lang ng umaga ay gising na si Darwin. Agad siyang nag-init ng tubig pampaligo at naghanda ng almusal.
Matapos makapaligo at kumain ng agahan ay kanyang isinuot ang pinakamaganda at pinakamaayos niyang pormal na damit at kulay itim na sapatos.
“Sa wakas, tinawagan din ako sa inaplayan ko!” sabi niya sa sarili.
Natutuwa ang binata dahil sa halos kalahating taon niyang pag-aapplay sa trabaho ay ngayon lang siya ipinatawag para sa interbyu ng kanyang posibleng maging boss.
Alas siyete ng umaga nang siya ay makaalis ng bahay. Mas minabuti niyang sumakay na lamang sa LRT kaysa makipagsiksikan sa jeep.
“Anak ng putsa naman, o, maaga pa pero punuan na rin ang LRT, paano kaya ako makakasakay?” aniya.
Hindi naman hinayaan ng tadhana na hindi siya makasakay kaya nang dumating ang sumunod na tren ay nakasakay na din siya. May kasikipan ang loob ng LRT na kanyang sinakyan ngunit mabuti at mayroon pa siyang naupuan. Sa may bandang dulo siya nakapuwesto.
Samantala, hindi naman kumportable ang isang babae sa kanyang kinatatayuan, nasa gilid mismo ito ni Darwin na noo’y may nakapasak na earphone sa tainga.
“Diyos ko, ngayon pa sumama ang pakiramdam ko. Sobrang init kasi ng panahon at nakakapanghina,” pabulong na sabi ng babae.
Kapansin-pansin na ang pamumutla ng babae. Nakita rin ito ni Darwin na komportableng nakaupo at tila walang pakialam.
Sa sobrang hilo ay hindi na ito nakatiis at kinausap ang binata.
“Kuya, puwede bang makiupo? Kahit sa gilid mo lang, medyo sumama kasi ang pakiramdam ko e,” pakiusap niya.
Umayos lang sa pagkakaupo si Darwin at muling ipinasak ang earphone sa tainga at umaktong kunwari’y inaantok. Kahit narinig niya ang pakiusap ng babae ay nagbingi-bingihan siya.
“Bahala ka diyan! First come first serve dito ‘no!” pabulong na wika ng binata.
Mayamaya ay isang lalaking pasahero ang boluntaryong nag-alok ng upuan nito sa babae.
“Miss, dito na lang po kayo umupo!” sabi ng lalaki na nakabihis rin ng pormal na damit ngunit di tulad ni Darwin ay hindi ito nabiyayaan ng guwapong itsura. Tumayo ito at inalalayan sa pag-upo ang babae. Mas pinili naman ng lalaki na tumayo sa gilid ng pinto.
“Thank you ha,” sambit ng babae.
Tinanguan lang ito ng lalaki na panay ang ayos sa suot na damit.
“Hay, salamat at nakaupo rin!” masayang wika ng babae na medyo naginhawaan ang pakiramdam.
Pasado alas-otso na nang makarating ang tren sa Balintawak. Naunang lumabas si Darwin at kasunod naman nito ang babae.
Nang marating ang pakay ay nagmamadali siyang pumasok sa gusali kung saan siya naka-iskedyul na interbyuhin.
Bago sumalang sa interbyu ay nagbanyo muna ang binata. Inayos ang suot na damit at naglagay ng kaunting pabango.
“Dapat ay mabango ako para pogi points agad!” bulong niya sa sarili.
Paglabas niya sa banyo ay agad siyang sinalubong ng babaeng staff.
“Sir, kindly wait for her,” sabi ng babaeng nag-aassist ng mga aplikante.
“Okay po. Salamat.” aniya.
Di nagtagal ay sinamahan siya ng babae kung saan naghihintay ang mag-iinterbyu sa kanya.
“This way, sir!” itinuro nito sa kanya ang isang pribadong kuwarto kung saan siya iinterbyuhin.
Humugot muna ng isang malalim na buntong-hininga ang binata bago pumasok sa loob ng kuwarto.
Laking gulat niya nang makita kung sinu-sino ang nasa loob niyon.
“So you are Mr. Darwin Dane San Luis? I am Ms. Cynthia Capistrano, the HR Manager!” bungad na sabi ng nag-iinterview sa kanya.
“I-ikaw ang…”
Hiindi niya inasahan na ang taong mag-iinterbyu sa kanya ay ang babaeng pinagdamutan niya ng upuan sa LRT. Bukod sa babae ay nasa loob din ng kuwarto ang di kagandahang lalaki na nagpaupo rito kanina. Napag-alaman niya na isa rin palang aplikante ang lalaki. Kahit malamig ang kuwarto ay bigla pinagpawisan si Darwin. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Sabay silang ininterbyu ng babae at matapos iyon ay pinababalik sila ng ala-una ng hapon para sa resulta.
“Good luck to the both of you!” makahulugang wika ng babae.
Makalipas ang ilang oras ay nalaman din nila ang resulta at inasahan na niyang hindi siya natanggap sa pinapasukang trabaho.
“Kung pinaupo ko man lang sana siya, kasalanan mo ito, Darwin napakatanga mo kasi, e!” inis niyang wika sa sarili.
Laking panghihinayang ng binata nang malaman na ang lalaking nagpaupo sa babae pa ang natanggap sa trabaho kaysa sa kanya.
Hiyang-hiya din si Darwin sa kanyang sarili. Abot kamay na sana niya ang pangarap na magkaroon ng trabaho ngunit naglaho pa itong parang bula dahil lang sa inasta niya.
Lulugo-lugong lumabas si Darwin sa gusali na puno ng pagsisisi.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!