Inday TrendingInday Trending
Napilitang Mangupahan ang Magkasintahan sa Mag-asawang Mahilig Mangutang, Hindi Niya Inaasahan ang Tunay na Katauhan ng mga Ito

Napilitang Mangupahan ang Magkasintahan sa Mag-asawang Mahilig Mangutang, Hindi Niya Inaasahan ang Tunay na Katauhan ng mga Ito

Matagal nang naninirahan si Jay sa Sta. Mesa, Maynila dahil mayroon siyang maliit na pwesto at nagbebenta siya ng mga milk tea doon. Sa Sta. Mesa na rin niya nakilala ang nobyang si Lilibeth.

“Mahal, maghanap na tayo ng bahay para naman hindi na tayo hirap na hirap dito sa tindahan. E mas tinalo pa ako ng mga daga, sila may sariling lunga, tayo nakakapagpahinga lang pag sarado na itong tindahan,” saad ni Lilibeth sa nobyo.

Mga dalawang buwan lang ang lumipas pagkatapos sagutin ng dalaga ang lalaki ay agad itong nakisama sa kaniya. Mas malapit kasi ito sa kanyang pinagtratrabahuhang opisina sa may Pureza.

“Pag umupa kasi tayo ng isa pang bahay e mas mapapalaki ang gastos natin, alam mo naman na pinag-aaral ko pa si Diane sa probinsya,” baling ni Jay rito.

“E mag-aambag naman ako sa bahay, tsaka ayaw mo ba non? Magsisimula na tayo ng isang pamilya, hindi pa ba ako ang gusto mong mapangasawa?” tanong ng babae dito.

“Syempre ikaw na, tatagal ba tayo ng higit isang taon kung hindi kita mahal? Mahal na mahal kita Lilibeth alam mo naman yan e,” saad ng lalaki sa nobya.

“E kung mahal mo talaga ako, lilipat tayo. Ayoko na sa ganitong sitwasyon,” matigas na sagot ng dalaga.

Makalipas ang ilang papalit-palit na relasyon ni Jay sa ibat-ibang mga babae ay nagseryoso siya kay Lilibeth. Matapang man ang babae at walang tigil ang bunganga ay malambing ito sa kaniya at maalaga. Pinaglulutuan siya, inaasikaso, pinaglalaba ng salawal at pinag-paplantsa ng kanyang mga damit. Kaya alam niyang si Lilibeth na ang babaeng gusto niyang pakasalan. Kaya naman kinaumagahan ay agad na naghanap si Jay ng maliit na kwarto para makalipat sila.

“Naku Jay doon sa kabilang barangay may pinauupahang bahay, matagal nang bakante iyon kasi yung may-ari ay dalawang matanda na mahilig mangutang sa mga umuupa sa kanila kaya walang tumatagal. Ikaw baka gusto mo tingnan,” saad ng isang kagawad na napagtanungan ng lalaki.

Pinuntahan niya ang bahay ng sinasabi ng kagawad, medyo may kalumaan na ang bahay pero malaki, may sarili itong gate at maraming bulaklak na nakapalibot dito, sakto namang nakita niya ang isang matandang lalaki na nagwawalis sa labas ng gate.

“Tay, sino po kayang pwedeng pagtanungan tungkol ho sa paupa dito, naghahanap ho kasi ako,” bulong ni Jay sa matanda.

“Ilan ba kayo lilipat?” tanong ng matanda.

“Dalawa lang ho Itay, ako tsaka yung kinakasama ko ho,” saad ni Jay.

“ 3,000 kada buwan, libre tubig at kuryente pwede na kayo lumipat mamayang gabi, kailangan niyo lang magbayad ng 2 months advance 2 months deposit. Dalawa lang kami ng misis ko na makakasama niyo dito, kaya bawal ang maingay.” sagot agad ng matanda.

Agad na itong kinuha ni Jay dahil alam niyang mura na iyong ganoong presyo para sa laki ng bahay at kasama na rin ang tubig at kuryente. Doon din nakatira ang mag-asawang matanda, may maliit itong kwarto na nakahiwalay sa pinakabahay na inuupahan niya, siguro ay mga nasa 70 anyos na ang dalawa at medyo mahina na rin ang panrinig ng lalaking matanda kaya kailangan lagi ni Jay na lakasan ang kaniyang boses. Kina-umagahan ay agad na lumipat ang magkasintahan doon.

“Mahal, malaki ‘tong nakuha mo ha, ayos! I love you, mahal!” saad ng babae sa kanyang nobyo.

“Oh ayan ha, mahal talaga kita, binigyan na kita ng bahay kahit pa nga ang sabi ni kagawad e mahilig raw umutang ang dalawang matanda sa mga umuupa sa kanila,” sagot naman ni Jay.

“Hay naku, ako ang magbabayad ng upa natin nang hindi sila maka-isa sakin. Tigilan nila ako sa utang-utang na iyan. Kaya ikaw ha, ‘wag na ‘wag kang magpapahiram dahil pag nasimulan mo na iyan ay magtutuloy-tuloy na,” wika ni Lilibeth dito habang nag-aayos ng mga gamit.

Lumipas ang unang tatlong buwan na walang naging problema ang dalawa sa kanilang tinitirhan. Naging maayos ang pakikisama sa kanila ng matanda, ngunit unti-unti nang nararamdaman ni Jay ang babala sa kanya ng kagawad tungkol rito nang isang gabi ay malakas na kumakatok si Tatay Melchor sa pintuan nila Jay.

“Bwisit naman oh, nasa kagitnaan na ng kasarapan e may kakatok dis-oras ng gabi!” saad ni Lilibeth na inis na inis dahil naputol ang kanilang pagsisiping nang bumaba si Jay upang tingnan kung ano ang problema.

“Oh ‘tay, ikaw pala yan, ano pong problema? Gabi na ah?” saad ni Jay sa matanda.

“Jay, baka naman pwede mo ako matulungan? Biglang bumagsak kasi si Nanay Luntian mo sa banyo at hindi ko makayanang buhatin,” saad ni Tatay Melchor. Napansin ni Jay na nanginginig ang matanda kaya agad-agad niyang pinuntahan ito sa bahay nila at tinulungan ang nakahandusay na si Nanay Luntian sa banyo.

“Jay, salamat anak. Pasensiya na kayo sa istorbo,” saad ni Nanay Luntian.

“Wala pong anuman. Ayaw niyo po bang magpadala sa ospital para naman ho matingnan ‘yang sugat ninyo at yung sakit ng inyong balakang?” tanong ni Jay rito.

“Wala naman kaming pera pang ospital e. Ang totoo nga’y manghihiram sana ako ng dalawang libo sa’yo para pangkain namin bukas ng asawa ko. Anibersaryo kasi namin bukas. Kahit ibawas mo na sa darating na upa ninyo,” pakiusap ng matanda.

Agad itong kumurot sa puso ni Jay kaya napagdesisyunan niyang bigyan ng pera ang matanda kahit pa nga hindi siya nakapagsabi muna kay Lilibeth. At nagsunod-sunod pa ang paghingi ng dalawang matanda sa bayad ng kanilang upa na mas maaga sa tamang petsa.

“Ano ba ‘yan! Mukhang lagi nalang advance ang bayad natin sa bahay kahit na sa katapusan pa lang. Ano ba akala sa’tin ng mga matatandang yan, alkansya nila?” tanong ni Lilibeth sa nobyo habang sila ay kumakain ng hapunan.

Hindi na nakasagot pa si Jay sa nobya nang marinig nila ang malakas na sigaw ni Tatay Melchor kaya agad nila itong pinuntahan. Pagdating nila ay wala nang buhay si Nanay Luntian at umiiyak ang asawa nito.

Si Jay ang umayos sa libing ni Nanay Luntian na labis na ikinagalit ni Lilibeth dahil naging pasanin pa raw nila ang matanda at gusto na nitong lumipat ng bahay.

“Jay? Lilipat na tayo ng bahay, ayoko na ng ganito. Hindi naman natin ka ano-ano yan pero tingnan mo, ikaw ang nagpapagod sa libing ng matanda! Pwede mo naman yan ipagawa sa mga barangay kagawad kung wala silang ibang kamag-anak, hindi yung ganito na tayo yung naabala,” pahayag ni Lilibeth sa nobyo.

“Ikaw naman, namatayan na nga yung tao, walang anak at kamag-anak. Paano kung tayo yung nasa ganoong sitwasyon? Hindi ka ba hihingi ng tulong sa mga kapitbahay mo? Kaunting tulong lang naman ito Lilibeth, hindi naman ito pang habambuhay,” tugon ni Jay sa babae.

“Oh ngayon na wala na si nanay, anong mangyayari diyan ka tatay? Baka tayo na mag-alaga diyan hangang sa mag-ugod-ugod na yan. Diyos ko naman, Jay! Basta lilipat na tayo! Ayoko dito! Ayoko nang may inaalagaan na hindi ko naman kadugo!” saad ng babae sa nobyo.

Hindi lumipat si Jay ng bahay kahit pa lagi nilang pinag-aawayin iyon ng nobya. Hindi makaya ng konsensiya ni Jay na iwan ang matanda dahil naaawa siya rito. Halos hindi na kasi ito kumakain, kaya naman hinahatiran niya na lamang ito ng pagkain. Kinakamusta niya rin ito ‘pag dumarating na siya sa trabaho at sinisiguradong maayos ang matanda.

“Jay anak, halika nga dito at samahan mo ako saglit sa bahay,” saad ng matanda na nasa kanilang pinto.

Hindi na nagsalita si Lilibeth, imbes ay umakyat ito sa kwarto habang nagdadabog ng kaniyang paa.

“Anak, sa’yo na to ha? Ikaw na ang bahala,” saad ni Tatay Melchor sabay abot sa isang papel sa lalaki. Tiningnan naman agad ni Jay ang ibinigay sa kaniya ng matanda.

“Titulo ito ng lupa ah? Hindi ko naman ho hinihingi ang bahay niyo tatay,” saad ni Jay sa matanda.

“Sa lahat ng tumira dito sa bahay namin e ikaw lang ang tanging hindi ko naringgan ng reklamo. Palagi mo pa kaming inaalagaan ng asawa ko noong nabubuhay pa siya. Ngayong nararamdaman kong malapit na ulit kaming magkita, hindi ko gustong kung sino-sino na lang ang kumuha ng bahay na pinaghirapan namin, kaya naman pinapamana ko na sa iyo itong bahay. Ikaw na ang bahala, Jay,” pahayag ng matanda.

Ilang buwan lang ang lumipas at tuluyan na ngang namahinga si Tatay Melchor. Pinaganda ni Jay ang bahay na pinamana sa kaniya at ginawang isang dormitory na pinagkakakitaan na niya ngayon. Nakasanayan na rin niyang tumulong sa mga matatanda na nakikita niyang nasa kalsada.

Kinasal naman sila ni Lilibeth at nagkaroon ng sariling pamilya. Ang tanging dasal na lang ngayon ng lalaki ay ang mabago na ng kaniyang asawa ang hindi kagandahang pag-uugali nito pagdating sa pakikitungo sa kapwa.

Advertisement