Inday TrendingInday Trending
Hinarana Ako ng Sikat na Artista

Hinarana Ako ng Sikat na Artista

“Tiffany! Bilisan mo, panoorin mo ito. Dali,” sigaw ng tuwang-tuwang kaibigan ni Tiffany na si Aina.

“Bakit ba? Ano bang palabas?” tanong ng nagtatakang dalaga.

“Si Nico! Sikat na pala siya!” sagot nito habang sabay nilang pinapanood sa telebisyon ang kababata.

Gulat na gulat si Tiffany. Ilang taon na ang lumipas magmula nang huli silang magkita ng kababatang si Nico. Nanumbalik ang lahat ng kanyang panghihinayang nang matigil ang kanilang pagkakaibigan dahil isang araw ay bigla na lamang umalis ang pamilya ng lalaki.

“Hindi na naman ako kilala niyan e. Pero inasahan ko nang sisikat siya. Bata pa lang kami, magaling na talaga siyang kumanta,” paliwanag ni Tiffany.

“Talaga ba? E bakit parang ang lungkot-lungkot mo? Hindi ka ba masaya para sa kanya?” tanong ni Aina.

“Hindi naman sa hindi masaya. E kasi, pakiramdam ko ay hindi na niya ako kilala. Ngayong sikat na siya, paano pa niya ko mapapansin?” nakayukong sabi ng dalaga.

“Sa bagay. Pero ano ka ba, girl! Move on na! Puppy love lang siguro ‘yon noon,” pagpapagaan ng loob nito sa kaibigan.

Ngumiti na lamang si Tiffany at bumalik na sa kanyang ginagawa.

Bente-kwatro anyos na si Tiffany ngunit hindi pa siya nagkakaroon ng nobyo. Dahil maganda ang dalaga, marami ang sumubok na bumihag sa kanyang puso ngunit ni isa sa mga ito ay walang nagtagumpay. Palagi kasi niyang naaalala ang sumpaan ng kabatatang si Nico noong sila ay anim na taong gulang pa lamang.

“Ang ganda talaga ng boses mo, Nico. Alam mo? Pakiramdam ko ay sisikat ka sa buong mundo!” wika ng batang si Tiffany.

“Talaga? Ikaw lang ang nagsabi niyan sa’kin. Salamat ha! Pangako, kakantahan pa rin kita kahit tumanda na tayo. Ikaw kasi ang pakakasalan ko,” nakangiting sagot naman ng batang si Nico.

Ngunit nang mabalitaan ngang isa na itong sikat na singer, pinilit na lamang ni Tiffany na kalimutan ang kababata.

“Hay nako, tama nga sila. Bata pa naman kasi kami noon,” bulong ni Tiffany sa sarili.

Kinabukasan, nagising si Tiffany sa pangungulit ng kaibigan si Aina.

“Girl! Girl! Gising! Hoyyyyy! Gising!”

“Uy, maaga pa. Bakit?”

Sabay-abot ni Aina ng tiket.

“O eto, para sa’yo. Manood tayo ng concert ni Nico! Mamayang gabi na ‘to. Magpaganda ka ah!

“Nye! Bakit naman tayo pupunta? Alam mo namang ayokong pumupunta sa mataong lugar,” sagot ng inaantok pang si Tiffany.

“”Wag ka nang pabebe. Mamaya ha! Magkita na lang tayo dun. Alas-otso ng gabi,” ‘ika ni Aina sabay alis sa bahay ng kaibigan.

Dahil wala naman siyang ibang plano, napilitan nang pumunta si Tiffany. Pangako niya sa sarili na matapos ang gabing iyon ay tuluyan na niyang kalilimutan ang kababata.

Kinagabihan, maagang pumunta si Tiffany at Aina upang makahanap ng magandang pwesto. Maya-maya pa ay nagsimula na ang concert. Napakabilis ng tibok ng puso ni Tiffany nang makita ang kababata. Mas lalo itong tumangkad at gumwapo. Napanganga na lamang siya nang magsimula na itong kumanta.

Matapos ang ilang kanta, nagsimula nang mainip si Tiffany. Niyaya na niyang umuwi si Aina dahil sa totoo lang ay nasasaktan siyang makita si Nico na tila hindi na siya kilala. Natigilan siya nang biglang tumigil si Nico sa pagkanta at nagsalita,

“Magandang gabi sa inyong lahat! Gusto ko lamang pong ihandog ang kantang ito sa tanging babae na nagtiwala sa kakayahan ko kahit noong mga bata pa lang kami. Dahil sa kanya, nagpursigi akong marating ang aking pangarap…”

Nanindig ang mga balahibo ni Tiffany. Naramdaman kasi niyang tumutok na sa kanya ang spotlight, at nagsimula na siyang tingnan ng mga tao.

“Tiffany? Kung naaalala mo pa ako, para sa iyo ang kantang ito.”

Inawit ni Nico ang kantang palagi nitong kinakanta sa kaniya noong mga bata pa sila. Tawang-tawa naman si Aina habang nakitang kilig na kilig ang kaibigan.

“Hoy! Alam mo ba ito?!” tanong ni Tiffany sa kaibigan.

“Hahaha! E ano bang magagawa ko? Tinawagan ako ni Nico e. Hindi ko nga alam kung paano niya nakuha ang numero ko. Basta ang bilin niya ay dalhin kita dito,” nakangiting paliwanag ni Aina.

Nang matapos ang kanta at nagpaalam na si Nico sa mga tao. Hiyawan ang lahat nang dahil sa napakaganda at matagumpay na concert ng binata. Uuwi na sana si Tiffany nang biglang dumating si Nico upang kausapin siya.

“Hi, Tiffany! Naaalala mo pa ba ako?”

“Siyempre naman. kailanma’y hindi naman kita nakalimutan e. Ang akala ko nga’y ikaw na ang nakalimot sa akin kasi sikat ka na,” sagot ng dalaga.

“Pinahanap kasi kita sa mga tauhan ko. Magmula kasi noong lumipat kami ng bahay noong bata pa kami, hindi ko alam kung paano ka makakausap. Kaya pasensya na kung sobrang tagal mo akong hinintay,” ‘ika ni Nico.

“At isa pa, hindi ko naman mararating ang lahat ng ito kung hindi mo ako sinuportahan noong mga bata pa tayo,” dagdag pa ng binata.

Patuloy pang nag-usap ang dalawa. Niyaya na rin ni Nico ang dalaga na kumain muna upang makapag-kwentuhan pa sila.

Hindi nagtagal ay naging opisyal nang magkasintahan si Nico at Tiffany. Patuloy naman ang pagsuporta ng dalaga sa kanyang nobyo, tulad ng dati noong mga bata pa sila. At tulad ng pangako ni Nico kay Tiffany noong mga bata pa sila, gabi-gabing kinakantahan ni Nico ang nobya habang hinahaplos ang buhok nito hanggang sa ito ay makatulog.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement